2012
Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nobyembre 2012


Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

President Thomas S. Monson

Kung isasapuso at ipamumuhay natin ang mga mensahe nitong nakaraang dalawang araw, pagpapalain tayo.

Mahal kong mga kapatid, narito na tayo sa pagtatapos ng isa na namang nakapagbibigay-inspirasyong pangkalahatang kumperensya. Ako mismo ay espirituwal na napalakas at nabigyan ng inspirasyon at alam kong nadama rin ninyo ang espesyal na diwa ng kumperensyang ito.

Ipinahahatid namin ang taos-puso naming pasasalamat sa lahat na nakibahagi dito sa anumang paraan. Ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay magandang naituro at nabigyang-diin. Kung isasapuso at ipamumuhay natin ang mga mensahe nitong nakaraang dalawang araw, pagpapalain tayo.

Tulad ng dati, ang mga kaganapan sa kumperensyang ito ay makukuha sa mga darating na isyu ng Ensign at Liahona magazine. Hinihikayat ko kayong basahing muli ang mga mensahe at pag-isipang mabuti ang laman ng mga ito. Napag-alaman ko mula sa sarili kong karanasan na higit pa akong natututo mula sa mga inspiradong mensaheng ito kapag pinag-aaralan ko pa ito nang mas mabuti.

Mas malawak kaysa rati ang pagsasahimpapawid ng kumperensya, umaabot ito sa mga kontinente at mga karagatan tungo sa mga tao sa lahat ng dako. Bagama’t malayo kami sa marami sa inyo, dama namin ang inyong diwa at ipinaaabot ang aming pagmamahal at pasasalamat sa inyo.

Sa ating mga Kapatid na na-release sa kumperensyang ito, hayaang ipaabot ko ang taos-pusong pasasalamat naming lahat sa maraming taon ng inyong tapat na paglilingkod. Di na mabilang ang mga napagpala ng inyong mga naiambag sa gawain ng Panginoon.

Mga kapatid, katatapos ko pa lamang ipagdiwang ang aking ika-85 kaarawan, at nagpapasalamat ako sa bawat taon na ipinagkakaloob sa akin ng Panginoon. Habang inaalaala ko ang mga karanasan ko sa buhay, pinasasalamatan ko Siya sa maraming pagpapalang ipinagkaloob Niya sa akin. Tulad ng binanggit ko sa mensahe ko ngayong umaga, nadama ko ang Kanyang kamay na gumagabay sa mga gawain ko habang pinagsisikapan kong paglingkuran Siya at paglingkuran kayong lahat.

Ang tanggapan ng Pangulo ng Simbahan ay may mabigat na responsibilidad. Lubos akong nagpapasalamat sa dalawang matapat kong tagapayo, na naglilingkod sa aking tabi at laging handa at kayang tumulong sa gawain na dumarating sa tanggapan ng Unang Panguluhan. Nagpapasalamat din ako sa mararangal na kalalakihan na bumubuo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Walang pagod silang gumagawa para sa gawain ng Panginoon, kasama ang mga miyembro ng mga Korum ng Pitumpu na inspiradong tumutulong sa kanila.

Pinapupurihan ko rin kayo, mga kapatid, saanman kayo naroroon sa mundo, sa lahat ng ginagawa ninyo para sa inyong mga ward, branch, at stake at district. Kapag kusang-loob ninyong ginagawa ang mga tungkuling ipinagagawa sa inyo, tumutulong kayo sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mundo.

Nawa’y pangalagaan natin ang isa’t isa, tumulong sa mga oras ng pangangailangan. Huwag maging mapanuri at mapanghusga kundi maging mapagbigay, tinutularan ang halimbawa ng mapagmahal na kabaitan ng Tagapagligtas. Sa ganitong paraan, nawa’y maging handa tayong maglingkod sa isa’t isa. Nawa’y manalangin tayo na magkaroon tayo ng inspirasyong malaman ang mga pangangailangan ng mga taong nasa paligid natin, at pagkatapos ay puntahan sila at bigyan ng tulong.

Lakasan natin ang ating loob habang hinaharap natin ang mga hamon sa buhay. Bagama’t nabubuhay tayo ngayon sa mas lalong nagiging mapanganib na panahon, minamahal at pinapatnubayan tayo ng Panginoon. Palagi Siyang nariyan sa ating tabi kapag ginagawa natin ang tama. Tutulungan Niya tayo sa oras ng pangangailangan. Dumarating ang mga paghihirap sa ating buhay, mga problemang hindi natin inaasahan at kailanman ay hindi natin nanaisin. Wala sa ating ligtas dito. Ang layunin ng mortalidad ay ang matuto at maging tulad ng ating Ama, at kadalasan sa oras na naghihirap tayo doon tayo mas natututo, maging masakit man ang mga aral na hatid nito. Ang buhay natin ay maaari ding maging puno ng kagalakan habang sinusunod natin ang mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sinabi ng Panginoon, “Laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”1 Ang kaalamang ito ay dapat magdulot sa atin ng malaking kaligayahan. Siya ay nabuhay at Siya ay namatay para sa atin. Siya ang nagbayad ng ating mga kasalanan. Nawa’y tularan natin ang Kanyang halimbawa. Nawa’y ipakita natin ang ating malaking pasasalamat sa Kanya sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang sakripisyo at pamumuhay sa paraang magiging karapat-dapat tayo na makabalik at makasama Niya balang-araw.

Tulad ng binanggit ko sa mga nakaraang kumperensya, salamat sa mga panalangin ninyo para sa akin. Kailangan ko ang mga ito; at nadarama ko ang mga ito. Kaming mga General Authority ay inaalala rin kayong lahat at idinadalangin namin na mapasainyo ang mga pinakapiling biyaya ng ating Ama sa Langit.

Ngayon, mahal kong mga kapatid, magkita tayong muli pagkatapos ng anim na buwan. Patnubayan nawa kayo ng Diyos hanggang sa muli nating pagkikita. Sa pangalan ng ating Tagapagligtas at Manunubos, maging si Jesucristo ang Panginoon, amen.