2012
Ang Unang Dakilang Utos
Nobyembre 2012


Ang Unang Dakilang Utos

Elder Jeffrey R. Holland

Dapat tayong mamuhay bilang matatapat na disipulo para ipamalas ang ating pagmamahal sa Panginoon.

Halos wala nang ibang grupo sa kasaysayan ng tao na mas kinahahabagan ko kaysa sa labing-isang natirang Apostol kasunod ng pagkamatay ng Tagapagligtas ng sanlibutan. Sa tingin ko nalilimutan natin kung minsan na kulang pa sila sa karanasan at kailangan pa nilang lubos na umasa kay Jesus. Sinabi Niya sa kanila, “Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala … ?”1

Ngunit, mangyari pa, para sa kanila ay hindi pa sapat ang panahong itinagal Niya sa piling nila. Maikli ang tatlong taon para tawagin ang isang buong Korum ng Labindalawang Apostol mula sa iilang bagong miyembro, alisin sa kanila ang mga maling kaugalian, ituro sa kanila ang kagandahan ng ebanghelyo ni Jesucristo, at pagkatapos ay iwan sila para ituloy ang gawain hanggang sa sila man ay paslangin. Mahirap na gawain ito para sa grupo ng mga bagong orden na mga elder.

Lalo na ang bahaging naiwan silang mag-isa. Paulit-ulit na sinikap ni Jesus na sabihin sa kanila na hindi Siya pisikal na mananatili sa piling nila, ngunit hindi nila maunawaan o ayaw nilang unawain ang gayong nakapanlulumong bagay. Isinulat ni Marcos:

“Tinuruan niya ang kanyang mga alagad, at sa kanila’y sinabi, Ibibigay ang Anak ng tao sa mga kamay ng mga tao, at siya’y papatayin nila; at pagkapatay sa kaniya, ay siyang magbabangong muli pagkaraan ng ikatlong araw.

“Nguni’t hindi nila naunawa ang sabing ito, at nangatakot silang magsipagtanong sa kaniya.”2

At, makalipas ang gayon kaikling panahon para matuto at kakaunting panahon pa para maghanda, nangyari ang hindi nila inaasahan at pinaniniwalaan. Ang kanilang Panginoon at Guro, kanilang Tagapayo at Hari, ay ipinako sa krus. Natapos ang Kanyang mortal na ministeryo, at ang nagpupunyaging maliit na Simbahan na Kanyang itinatag ay tila nakatadhanang hamakin at maglaho. Nakita nga ng Kanyang mga Apostol na nabuhay Siyang mag-uli, ngunit lalo lang silang nagulumihanan dahil doon. Kaya nga tiyak na itinanong nila, “Ano ang gagawin natin ngayon?” at hiningi ang sagot kay Pedro, ang senior na Apostol.

Tulutan ninyo akong ilarawan ang maaaring naging pag-uusap nila gamit ang mga salitang wala sa mga banal na kasulatan. Parang ganito ang sinabi ni Pedro sa mga kasama niya: “Mga kapatid, tatlong taon na ang maluwalhating lumipas. Walang nag-akala sa atin na sa nakalipas na iilang buwan nakakita tayo ng mga himala at nagkaroon ng mga sagradong karanasan. Nakausap natin, nakasama sa pagdarasal at sa gawain ang mismong Anak ng Diyos. Kasama natin Siyang naglakad at nanangis, at sa gabing iyon ng kalunus-lunos na wakas, walang higit na nanangis kaysa sa akin. Ngunit tapos na iyon. Natapos na Niya ang Kanyang gawain, at Siya ay nagbangon mula sa libingan. Naisagawa na Niya ang Kanya at ating kaligtasan. Kaya itatanong ninyo, ‘Ano ang gagawin natin ngayon?’ Wala na akong masasabi pa sa inyo kundi bumalik kayo sa dati ninyong buhay na nagagalak. Balak kong ‘mangisda.’” At di-kukulangin sa anim sa sampung natirang Apostol ang nagsabi, “Sasama rin kami sa iyo.” Isinulat ni Juan, na isa sa kanila, “Sila’y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong.”3

Ngunit, ang malungkot, walang isdang nahuli. Sa unang gabi ng kanilang pangingisda, wala silang nahuli—ni isang isda. Nang magbukang-liwayway, bigong ibinalik nila sa pampang ang kanilang bangka, kung saan nakita nila sa di-kalayuan ang isang tao na tinatawag sila, “Mga anak, may nahuli ba kayo?” Malungkot na isinagot ng mga Apostol na ito na nagbalik-sa-pangingisda ang hindi nanaising isagot ng sinumang mangingisda. “Wala kaming nahuli,” pag-ungol nila, at ang mas masakit pa, tinawag silang “mga anak.”4

“Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo,”5 sabi ng estranghero—at sa mga simpleng salitang iyon, nakilala nila ang nagsalita. Tatlong taon lamang bago iyon ang kalalakihan ding ito ay nangisda sa dagat ding iyon. Noon din sila “buong magdamag [na] nagsipagpagal, at walang [silang] nahuli,”6 sabi sa banal na kasulatan. Ngunit sinabihan sila ng isang kapwa taga-Galilea sa pampang na ihulog ang kanilang lambat, at nakahuli sila ng “lubhang maraming isda,”7 kaya napunit ang kanilang mga lambat, at bumigat nang husto ang dalawang bangka sa dami ng isda kaya nagsimula silang lumubog.

Nangyayari na naman iyon. Ang “mga anak” na ito, na angkop lamang sa gayong tawag, ay sabik na inihulog ang kanilang lambat, at “hindi na nila [ito] mahila dahil sa karamihan ng mga isda.”8 Sinabi ni Juan ang malinaw, “Ang Panginoon nga.”9 At mula sa gilid ng bangka, tumalon ang di-mapigilang si Pedro.

Matapos ang masayang pagkikita nilang muli ng nabuhay na mag-uling si Jesus, kinausap ni Pedro ang Tagapagligtas na itinuturing kong pinakamahalagang sandali ng simula ng ministeryo ng mga apostol at lalo na ni Pedro, na nagbigay-inspirasyon sa matatag na taong ito na mamuhay na tapat na naglilingkod at namumuno. Habang nakatingin sa kanilang sira at maliliit na bangka, punit na mga lambat, at salansan ng 153 isda, sinabi ni Jesus sa Kanyang senior na Apostol, “Pedro, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” Sabi ni Pedro, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig.”10

Tumugon ang Tagapagligtas sa sagot na iyon ngunit patuloy na nakatingin sa mga mata ng Kanyang disipulo at muling sinabi, “Pedro, iniibig mo baga ako?” Halatang nalito nang bahagya sa inulit na tanong, sumagot ang dakilang mangingisda sa ikalawang pagkakataon, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig.”11

Muling tumugon nang maikli ang Tagapagligtas, ngunit masusing itinanong sa ikatlong pagkakataon, “Pedro, iniibig mo baga ako?” Ngayon ay tiyak na talagang nabalisa si Pedro. Marahil sa kanyang kalooban ay naalala pa niya na ilang araw pa lang ang nakararaan ay tatlong beses siyang tinanong ng ibang tanong at gayon din kalinaw ang kanyang sagot—ngunit sumagot siya ng hindi. O marahil inisip niya na hindi niya naunawaan ang tanong ng Dalubhasang Guro. O marahil sinusuri niya ang kanyang puso, at naghahanap ng tapat na patibay sa sagot na napakadali at halos kagyat niyang ibinigay. Anuman ang nadama niya, sinabi ni Pedro sa ikatlong pagkakataon, “Panginoon, … nalalaman mo na kita’y iniibig.”12

Na sinagot ni Jesus, (at dito ay inaamin ko muli akong gumamit ng mga salitang wala sa banal na kasulatan) marahil parang ganito ang sinabi Niya, “Pedro, bakit ka narito? Bakit narito tayong muli sa pampang na ito, sa tabi ng mga lambat ding ito, at ito pa rin ang pinag-uusapan natin? Hindi pa ba malinaw noon at ngayon na kung gusto ko ng isda, makakakuha ako? Ang kailangan ko, Pedro, ay mga disipulo—at kailangan ko sila magpakailanman. Kailangan ko ng magpapakain at magliligtas sa aking mga tupa. Kailangan ko ng mangangaral ng aking ebanghelyo at magtatanggol sa aking simbahan. Kailangan ko ng isang taong mahal ako, totoong mahal ako, at minamahal ang ipinagagawa sa akin ng ating Ama sa Langit. Hindi mahina ang ating mensahe. Hindi ito pansamantalang gawain. Hindi ito sawimpalad; hindi ito nawalan ng pag-asa; hindi ito malilimutan sa paglipas ng panahon. Ito ay gawain ng Pinakamakapangyarihang Diyos, at babaguhin nito ang mundo. Kaya, Pedro, sa ikalawa at malamang ay huling pagkakataon, hinihiling kong iwan mo ang lahat ng ito at humayo ka at magturo at magpatotoo, gumawa at maglingkod nang tapat hanggang sa araw na gawin nila sa iyo ang mismong ginawa nila sa akin.”

Pagkatapos, pagbaling Niya sa lahat ng Apostol, marahil ay sinabi Niya, “Wala rin ba kayong alam na tulad ng mga eskriba at Fariseo? Tulad nina Herodes at Pilato? Inisip ba ninyo, tulad nila, na patayin lang nila ako ay mahihinto na ang gawaing ito? Inisip ba ninyo, tulad nila, na nagwakas ang lahat ng ito sa pagpapako sa krus at sa libingan at bawat isa ay masayang makababalik sa inyong pinagmulan? Mga anak, hindi ba nakaantig sa puso ninyo ang buhay at pagmamahal ko nang higit kaysa riyan?”

Minamahal kong mga kapatid, hindi ko tiyak kung ano ang mangyayari sa atin sa Araw ng Paghuhukom, ngunit ikagugulat ko nang lubos kung sa ating pakikipag-usap sa Diyos ay hindi niya itatanong sa atin ang mismong itinanong ni Cristo kay Pedro na, “Inibig mo baga ako?” Palagay ko nais Niyang malaman kung sa mismong mortal, kakulangan, at kung minsan ay parang batang pag-unawa sa mga bagay, ay naunawaan man lang ba natin ang isang utos, ang una at pinakadakilang utos—“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.”13 At kung sa gayong sandali ay masasabi nating, “Oo, Panginoon, nalalaman mong iniibig kita,” maaari Niya tayong paalalahanan na ang pinakadakilang katangian ng pag-ibig ay katapatan sa tuwina.

“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos,14 wika ni Jesus. Kaya may mga kapitbahay tayong tutulungan, mga batang pangangalagaan, mga maralitang kakalingain, at katotohanang ipagtatanggol. May mga mali tayong itatama, mga katotohanang ibabahagi, at kabutihang gagawin. Sa madaling salita, dapat tayong mamuhay bilang matatapat na disipulo para ipamalas ang ating pagmamahal sa Panginoon. Hindi tayo maaaring tumalikod at bumalik sa dati. Matapos makilala ang buhay na Anak ng buhay na Diyos, wala nang mababalik pa sa dati. Ang Pagpapako sa Krus, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang simula ng buhay-Kristiyano, hindi ang wakas nito. Ang katotohanang ito, ang nagtulot sa ilang mangingisda ng Galilea na nagbalik sa pagiging Apostol at wala “ni isang sinagoga o espada”15na iwan ang mga lambat na iyon sa ikalawang pagkakataon at hubugin ang kasaysayan ng daigdig na ating tinitirhan ngayon.

Pinatototohanan ko mula sa kaibuturan ng aking puso, nang aking buong kaluluwa, sa lahat ng nakaririnig ng aking tinig na ang mga susing iyon ng mga apostol ay naipanumbalik na sa lupa, at matatagpuan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa mga hindi pa nakikiisa sa atin sa dakilang layuning ito ni Cristo, sinasabi natin, “Halina kayo.” Sa mga taong minsa’y nakiisa sa atin ngunit tumalikod, at mas gustong makibahagi sa ilang aktibidad ng Simbahan ngunit hindi sa mga pagpapala ng Ipinanumbalik na ebanghelyo, sinasabi ko, Nahaharap kayo sa mahahabang gabi at mga lambat na walang huli. Ang panawagan ay bumalik, manatiling tapat, mahalin ang Diyos, at tumulong na maitayo ang kaharian. Isinasama ko sa panawagang iyon na manatiling tapat ang bawat nakauwi nang missionary na tumayo sa bautismuhan at nagtaas ng kamay at nagsabing, “Bilang naatasan ni Jesucristo.”16 Ang atas na iyan ay dapat magpabago sa nabinyagan ninyo magpakailanman, at sa inyo rin. Sa mga kabataan ng Simbahan na lumalaki at magmimisyon at pupunta sa templo at mag-aasawa, sinasabi namin, “Mahalin ang Diyos at manatiling malinis mula sa dugo at mga kasalanan ng henerasyong ito. Kayo ay may napakahalagang gawaing gagawin, na binigyang-diin ng napakagandang pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson kahapon ng umaga. Inaasahan ng inyong Ama sa Langit ang inyong katapatan at pagmamahal sa bawat yugto ng inyong buhay.”

Sa lahat ng nakaririnig sa aking mensahe, ang tinig ni Cristo ay naririnig sa lahat ng panahon, at nagtatanong sa bawat isa sa atin habang may panahon, “Iniibig mo baga ako?” Para sa ating lahat, sumasagot ako nang aking buong dangal at kaluluwa, “Oo, Panginoon, iniibig ka namin.” At yamang tayo ay “[nakahawak na] sa araro,”17 hindi na tayo tatalikod hanggang sa matapos ang gawain at maghari sa mundo ang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.