Pagtayo sa Mas Mataas na Lugar
Ang tema ng Mutwal sa 2013 ay hango sa Doktrina at mga Tipan 87:8: “Dahil dito, tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating.” Ang tanong na sana’y pag-isipan ng bawat kabataang lalaki sa darating na taong ito ay, Nakatayo ba ako sa mga banal na lugar?
Sa pakikipag-usap ko sa magigiting na kabataang lalaki sa buong mundo, nasaksihan ko mismo kung paano ito ginagawa ng libu-libo sa inyo sa napakaraming paraan. Nakatayo kayo sa pinakabanal na lugar tuwing papasok kayo sa templo para magsagawa ng mga binyag para sa mga patay. Hinihikayat ko kayo na samantalahin ang bawat pagkakataong pumasok sa templo at laging maging karapat-dapat na gawin ito. Bawat araw na gampanan ninyo ang inyong tungkulin sa Diyos, nakatayo kayo sa mga banal na lugar at nasa katayuang iangat ang iba. Nakatayo kayo sa mga banal na lugar kapag kayo ay naghahanda, nagbabasbas, at nagpapasa ng sakramento bawat Linggo. Nakatayo kayo sa mga banal na lugar kapag ibinahagi ninyo ang ebanghelyo at kumilos kayo bilang ministro—isang taong laging kaya, handa, at karapat-dapat na maglingkod at magpalakas sa iba.
Bilang mayhawak ng Aaronic Priesthood, naatasan kayong magbabala, magpaliwanag, maghikayat, magturo, at mag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo (tingnan sa D at T 20:59). Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Hindi ninyo maiaangat ang ibang kaluluwa kung hindi kayo nakatayo sa mas mataas na lugar kaysa kanya. … Hindi ninyo mapag-aalab ang damdamin ng ibang tao kung hindi nag-aalab ang sarili ninyong damdamin.”1 Mga kabataan, ang ibig sabihin nito ay dapat ninyong patuloy na palakasin ang inyong patotoo at laging maging handang ibahagi ito.
May sagradong responsibilidad kayong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon. Sa inyong pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsisikap na sundin ang mga utos, at pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu, matatagpuan ninyo ang inyong sarili sa mas mataas na lugar. Bunga nito, saanman kayo naroon ay maaaring maging banal na lugar. At, kapag napunta kayo sa gayong sitwasyon, magkakaroon kayo ng lakas, tapang, at kakayahang iangat ang ibang tao. Sasainyo ang kapangyarihan at proteksyong ipinangako ng Panginoon sa mga nakatayo sa mga banal na lugar.
Gusto ko ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa mga pangakong ito nang tiyakin niya sa atin na kapag lumapit tayo sa Panginoon, “madarama natin ang Kanyang Espiritu sa ating buhay, na magbibigay sa atin ng hangarin at tapang na manindigan sa kabutihan—na ‘tumayo … sa mga banal na lugar, at huwag matinag’ (D at T 87:8).
“Habang nagbabago ang daigdig sa ating paligid at nakikita natin ang paghina ng moralidad ng lipunan, nawa’y maalala natin ang mahalagang pangako ng Panginoon sa mga nagtitiwala sa Kanya: ‘Huwag kang matakot; sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka’ (Isaias 41:10).”2