2014
Paglilingkod at Buhay na Walang Hanggan
Marso 2014


Mensahe ng Unang Panguluhan

Paglilingkod at Buhay na Walang Hanggan

Pangulong Henry B. Eyring

Ang Tagapagligtas ang ating halimbawa ng di-makasariling paglilingkod. Inilaan Niya ang Kanyang perpektong buhay sa paglilingkod sa Ama sa Langit at sa lahat ng anak ng Kanyang Ama. Ang nagkakaisang layunin ng Ama at ng Anak ay ang ibigay sa ating lahat ang kaloob na imortalidad at ang pagpapala ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Moises 1:39).

Upang maging marapat sa buhay na walang hanggan, kailangan tayong mabago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo—isilang na muli at malinis mula sa kasalanan. Gayunman, ang mga batang musmos na wala pang walong taong gulang ay walang kasalanan at tinubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala (tingnan sa Mosias 3:16, 21; Moroni 8:10–12).

Sa ating lahat na umabot sa edad ng pananagutan, may kahanga-hangang plano na nagtutulot sa atin na maging malinis mula sa kasalanan at handa para sa buhay na walang hanggan. Ang paghahandang iyan ay nagsisimula sa binyag sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at pagtanggap sa Espiritu Santo. Pagkatapos ay kailangan nating laging alalahanin ang Tagapagligtas at sundin ang mga utos na ibinigay Niya sa atin.

Inilahad ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao sa Aklat ni Mormon ang kagalakang dulot ng kapatawaran mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pagkatapos ay itinuro niya sa kanila na para mapanatili ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, kailangan nilang turuan ang kanilang mga anak na paglingkuran ang isa’t isa at maging mapagbigay hangga’t kaya nila para matugunan ang temporal at espirituwal na mga pangangailangan ng mga nasa paligid nila. (Tingnan sa Mosias 4:11–16.)

Itinuro din niya, “At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Naglibot si Jesus na nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo at gumagawa ng mabuti (tingnan sa Mga Gawa 10:38). Pinagaling Niya ang mga maysakit. Binuhay Niya ang mga patay. Sa Kanyang kapangyarihan pinakain Niya ang libu-libo nang magutom sila at walang makain (tingnan sa Mateo 14:14–21; Juan 6:2–13). Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli pinakain Niya ang ilan sa Kanyang mga Apostol nang dumaong sila sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea (tingnan sa Juan 21:12–13). Sa mga lupain ng Amerika, pinagaling Niya ang mga maysakit at isa-isang binasbasan ang mga bata (tingnan sa 3 Nephi 17:7–9, 21).

Itinuro sa atin ni Apostol Santiago kung paano nagmumula sa pasasalamat natin sa nagawa ng Panginoon para sa atin ang ating hangaring maglingkod sa kapwa:

“Nguni’t ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa, ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa. …

“Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan” (Santiago 1:25, 27).

Ang isa sa mga katiyakan na kayo ay pinadadalisay ay ang nag-iibayong hangaring paglingkuran ang iba para sa Tagapagligtas. Ang home teaching at visiting teaching ay nagiging kagalakan kaysa isang gawain. Mas madalas kayong nagboboluntaryo sa isang lokal na paaralan o tumutulong sa pag-aalaga sa mga maralita sa inyong komunidad. Kahit kakaunti ang perang maibibigay ninyo sa mga taong salat, ninanais ninyo na sana’y higit pa riyan ang maibigay ninyo (tingnan sa Mosias 4:24). Nasasabik kayong paglingkuran ang inyong mga anak at ipakita sa kanila kung paano paglingkuran ang iba.

Habang nagbabago ang inyong likas na pagkatao, hahangarin ninyong makapaglingkod pa nang walang kapalit. May kilala akong mga disipulo ng Tagapagligtas na nagbigay ng pera at naglingkod nang may determinasyon na Diyos lamang at kanilang mga anak ang makakaalam niyon. Kinilala ng Diyos ang kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng pagpapala sa kanila sa buhay na ito, at pagpapalain Niya sila sa darating na buhay na walang hanggan (tingnan sa Mateo 6:1–4; 3 Nephi 13:1–4).

Dahil sinunod ninyo ang utos na maglingkod sa kapwa (tingnan sa Mateo 22:39), nadama ninyong nawala ang inyong pagmamalaki. Itinama ng Tagapagligtas ang Kanyang mga Apostol nang pagtalunan nila kung sino ang magiging pinakadakila sa kanila. Sabi niya:

“Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka’t iisa ang inyong [P]anginoon, sa makatuwid baga’y ang Cristo.

“Datapuwa’t ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo” (Mateo 23:10–11).

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano tayo matututong maglingkod sa kapwa. Naglingkod Siya nang perpekto, at kailangan tayong matutong maglingkod tulad ng pagkatuto Niya—nang taludtod sa taludtod (tingnan sa D at T 93:12–13). Sa pamamagitan ng ating paglilingkod, maaari tayong maging higit na katulad Niya. Ipagdarasal natin nang buong lakas ng ating puso na mahalin natin ang ating mga kaaway tulad ng pagmamahal Niya sa kanila (tingnan sa Mateo 5:43–44; Moroni 7:48). Sa gayon ay magiging karapat-dapat tayo sa buhay na walang hanggan sa piling Niya at ng ating Ama sa Langit.

Ipinapangako ko na matututo tayong maglingkod nang mas perpekto kapag sinunod natin ang mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Hinikayat tayo ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ipagdasal na magkaroon tayo ng mga oportunidad na maglingkod: “Sa pagdarasal ninyo tuwing umaga, hilingin sa Ama sa Langit na gabayan kayo na magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang isa sa Kanyang minamahal na mga anak. At saka humayo sa buong maghapon na … naghahanap ng matutulungan” (“Maging Sabik sa Paggawa,” Liahona, Nob. 2012, 31). Isiping anyayahan ang inyong mga tinuturuan na magtakda ng mithiing manalangin tuwing umaga para sa mga pagkakataong maglingkod at pagkatapos ay hanapin ang mga pagkakataong ito sa buong maghapon.