“Ang Unang Tipan ni Jesucristo,” Liahona, Abr. 2022.
Welcome sa Isyung Ito
Ang Unang Tipan ni Jesucristo
Sa trabaho ko bilang isang propesor, kailangan akong magsagawa ng regular na pagsasaliksik sa Jerusalem tungkol sa Biblia at sa Dead Sea Scrolls. Mapalad kami ng asawa kong si Camille na makapaglayag sakay ng ilang bangka sa Dagat ng Galilea. Sinasamantala namin ang mga pagkakataong ito para magmuni-muni tungkol sa maraming talata sa banal na kasulatan na bumabanggit sa karagatan.
Halimbawa, sinabi ni Mikas na “ihahagis [ni Jehova] ang lahat ng ating kasalanan sa mga kalaliman ng dagat” (Mikas 7:19)—hindi lamang iilan o isang bahagi ng mga iyon kundi lahat ng iyon. Ang “lahat” ay nagpapahiwatig ng lubos na kapatawaran. Ang ibig sabihin ng “kalaliman” ay sa pinakailalim ng tubig, kung saan maglalaho ang ating mga kasalanan magpakailanman.
Mabuti na lang at hindi itinatapon ni Jehova ang ating mga kasalanan sa pampang, kung saan makikita ng iba ang mga iyon. Bukod pa rito, ang tubig sa dagat ay nagsisilbing panlinis. Sa pamamagitan ng kahandaan ni Jehova na dalhin ang ating mga kasamaan (tingnan sa Isaias 53:11), nahuhugasan ang ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng ating pagsisisi, pagpapatibay ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, tinitiyak sa atin ang isang lugar sa Kanyang tabi (tingnan sa pahina 4).
Ang iba pang mga propeta sa Lumang Tipan ay naglalahad ng maraming talatang nakahihikayat at nakaaantig tungkol sa Tagapagligtas. Ito ay dahil ang Lumang Tipan ay isang tekstong nakatuon kay Jesucristo. Ang totoo, ito ang Unang Tipan ni Jesucristo.
Sana’y makita sa inyo ang katotohanang ito ngayong taon habang pinag-aaralan ninyo ang Lumang Tipan, at sana’y mapatatag ng maliit na kontribusyon ko sa Liahona sa buwang ito (tingnan sa pahina 40) ang inyong patotoo sa katotohanang iyon.
Tapat na sumasainyo,
Donald W. Parry
Professor, Brigham Young University