“Pagtayo Bilang mga Saksi sa Kanyang Pagpapalaya,” Liahona, Abr. 2022.
Mga Alituntunin ng Ministering
Pagtayo Bilang mga Saksi sa Kanyang Pagpapalaya
Naipakita ng Tagapagligtas ang Kanyang kahandaang mapalaya ang Kanyang mga tao sa kapwa malaki at simpleng mga paraan.
Nang malaman ni Lourdes Cutti de Alvarez ng Uruguay na may dalawang tumor siya sa utak, sinabi niya sa kaibigan niyang si Marcela Suarez Albano na maoospital siya para operahan at mangangailangan ng mahabang gamutan pagkaraan ng operasyon. Nag-alala siya kung paano makakaraos ang kanyang apat na anak sa mahirap na sitwasyon.
Umupo si Marcela at ang kanyang 16-anyos na anak na babaeng si Rocío para pag-isipan kung paano nila maaaring paglingkuran si Lourdes. Kamakailan lang ay naospital din si Marcela. Naalala niya ang pakiramdam ng nag-iisa at ang malaking kaibhang nagawa ng pagbisita ni Lourdes at ng mga sister sa kanyang ward. Kaya tumulong sina Marcela at Rocío sa pag-organisa ng isang mobile phone texting group sa kababaihan sa ward. Dahil dito, madali nilang naiskedyul ang pagpapakain sa pamilya. Nakagaan sa pasanin ni Lourdes ang pagsasaayos ng paghahatid ng mga hapunan. Nagpadala rin ang kababaihan ng isang talata ng banal na kasulatan o mensahe araw-araw para pasiglahin siya at ipakita ang pagmamahal nila sa kanya.
Ibinahagi ng anak ni Lourdes na si Ana Clara: “Mahirap kapag wala sa bahay si Inay. Pero nagpadala ng tulong ang Ama sa Langit sa akin at sa aking pamilya. Malaking pagbuhos iyon ng Kanyang pagmamahal. Kamangha-mangha ang ginawa ni Marcela upang pagkaisahin ang mga miyembro ng ward para tulungan kami. Tuwing makikita naming paparating ang isa pang pamilya, nadarama namin, sa pamamagitan nila, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Nagbahagi sila ng mga salita ng panghihikayat, nagtawanan kami, at tumulong silang palakasin kami. Walang alinlangan na kapiling namin ang ating Ama sa Langit sa bawat sandali. Nadarama namin iyon sa mga ngiting nakita namin sa mukha ng mga taong dumating para tulungan kami.”
Makalipas ang isang taon, kinailangang iospital si Marcela dahil sa problema sa puso. Naalala nina Lourdes at Ana Clara kung paano sila napanatag at napalakas ng Panginoon sa pamamagitan nina Marcela at Rocío at nasabik na ipakita ang kanilang pagmamahal at pasasalamat bilang ganti.
Inaanyayahan Tayo ng Diyos na Tumulong na Mapalaya ang Iba
Handa ang Panginoon na dalawin ang Kanyang mga tao sa kanilang mga paghihirap (tingnan sa Mosias 24:14). Binibigyan Niya tayo ng mga pagkakataong makibahagi sa pagpapalaya sa Kanyang mga anak na nangangailangan. Paulit-ulit Niya itong ipinapakita sa aklat ng Exodo. Ginamit ng Panginoon si Moises upang tumulong na mapalaya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto at tulungan silang patuloy na mabuhay sa ilang (tingnan sa Exodo 12–16). Kinailangan ng pananampalataya ni Moises para iunat ang kanyang kamay, ngunit ang Panginoon ang “[naghawi sa] dagat” (Exodo 14:21).
Mga Alituntuning Dapat Isaalang-alang
Habang iniisip ninyo ang inyong mga oportunidad at atas na maglingkod sa iba, isipin ang mga alituntuning ito na nakalarawan sa mga kuwentong ito:
-
Kung kikilos tayo nang may pananampalataya para tulungan ang iba, tulad nina Marcela at Moises, maipapakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa buhay nila.
-
Ang pagtulong sa isang kaibigang nangangailangan ay hindi kailangang maging isang malaking bagay (tingnan sa Alma 37:6). Ang isang mainit na pagkain o kahit simpleng text message ay maaaring magpadama sa tao na may nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.
-
Makakatulong ang mga kabataang ministering brother at sister sa pagpalalaya sa mga nasa paligid nila mula sa mga alalahanin at pagdurusa. Huwag kalimutang isama sila kapag nag-iisip kayo ng mga paraan para makatulong.
-
Kapag ibinahagi natin kung paano tayo napalaya ng Panginoon sa sarili nating buhay, tumatayo tayo bilang mga saksi sa Kanyang pagmamahal at kahandaang iligtas ang Kanyang mga tao (tingnan sa Mosias 24:13–14). Maghanap ng natural na mga paraan para makapagbahagi sa pag-uusap, social media, o text messaging.
-
Hindi natin kailangang hintayin ang Panginoon na patnubayan tayo. Kung nais nating tumulong, maaari tayong maging daan sa paggawa ng malaking kabutihan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:8; 58:27–28.)
Ano ang Magagawa Natin?
Naipakita na ng Tagapagligtas, nang paulit-ulit, ang Kanyang kahandaang iligtas ang Kanyang pinagtipanang mga tao mula sa pisikal at espirituwal na pagdurusa sa mga paraang simple ngunit kamangha-mangha. Ginagawa Niya ito upang makatayo tayo bilang mga saksi sa iba. Paano ninyo maibabahagi ang nagawa Niya para sa inyo?