“Ang Sakramento: Isang Paraan para Maalaala ang Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2022.
Mahahalagang Aral ng Ebanghelyo
Ang Sakramento: Isang Paraan para Maalaala ang Tagapagligtas
Noong gabi bago Siya ipinako sa krus, nakipagkita si Jesucristo sa Kanyang mga Apostol sa Huling Hapunan. Doon ay ibinigay Niya sa kanila ang sakramento sa unang pagkakataon. Ipinaliwanag Niya na isang paraan ito para sa kanila na alalahanin Siya. Ang sakramento ay isang ordenansa kung saan tumatanggap tayo ng tinapay at tubig upang alalahanin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Ang tinapay ay sumasagisag sa katawan ni Cristo, at ang tubig ay sumasagisag sa Kanyang dugo.
Tumatanggap tayo ng sakramento bawat Linggo sa oras ng sacrament meeting. Kumakanta tayo ng isang himno habang pinuputol ng mga priesthood holder ang tinapay sa maliliit na piraso.
Ang mga priesthood holder na nagpipira-piraso sa tinapay ay bumibigkas ng espesyal na mga panalangin. Ang mga panalanging ito ay matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79. Ipinapaalala sa atin ng mga panalangin ang naipangako natin sa Ama sa Langit at ang naipangako Niya sa atin.
Ipinapasa ng iba pang mga priesthood holder ang sakramento sa mga miyembro ng ward o branch. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, naaalaala natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang sakripisyo para sa atin. Muli rin tayong nangangakong tutuparin ang mga tipan (mga pangako) na ginawa natin sa Ama sa Langit.
Nagpipitagan tayo habang binabasbasan at ipinapasa ang sakramento. Ito ang oras para isipin natin ang buhay, mga turo, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maaari din nating isipin kung paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa.