Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Aral sa Pamumuno mula kay Moises
Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang apat na karanasan mula sa buhay ni Moises ay makatutulong sa atin na maglingkod nang mas may tiwala sa ating mga tungkulin.
Lahat ng tungkulin sa Simbahan ay kinapapalooban ng mga responsibilidad sa pamumuno, at marami rin ang nangangailangan ng pangangasiwa. Subalit hindi lahat tayo ay may karanasang mamuno at mangasiwa nang tawagin tayo. Paano tayo matututong maging epektibo sa ministering at pangangasiwa?
Bukod pa sa pag-aaral ng Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw , maaari nating pag-aralan kung paano pinangasiwaan ng mga sinaunang propetang tulad ni Moises ang kanilang mga responsibilidad sa pamumuno. Narito ang apat na alituntunin na matututuhan natin mula kay Moises.
1. Naglingkod si Moises kahit pakiramdam niya ay hindi siya handa.
Kailangang lisanin agad ni Moises ang Egipto matapos niyang pigilan ang pambubugbog sa isang Israelita at bunga nito ay napatay niya ang isang tagapangasiwang Egipcio (tingnan sa Exodo 2:11–12, 15), at, batay sa alam natin, namuhay siya nang tahimik bilang pastol sa ilalim ng pangangalaga ni Jetro, ang lalaking kanyang naging biyenan (tingnan sa Exodo 2:21; 3:1).
Pagkatapos isang araw ay nagpakita ang Panginoon kay Moises (tingnan sa Joseph Smith Translation, Exodus 3:2) at tinawag siya na “iligtas [ang mga tao] mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila’y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon” (Exodo 3:8).
Bagama’t ipinagtanggol ni Moises ang isang Israelita na binubugbog ng tagapangasiwang Egipcio, hindi nakinita ni Moises ang kanyang sarili bilang isang tao na magliligtas sa lahat ng Israelita. Siya, kung tutuusin, ay isang convert sa pananampalataya sa kalipunan ng mga taong natutuhan at ipinamuhay ito nang buong buhay nila.
Itinanong pa ni Moises sa Panginoon, “Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?” (Exodo 3:11). At nang atasan si Moises na maghatid ng mensahe sa mga elder ng Israel (tingnan sa Exodo 3:16), tumugon siya sa Panginoon, “O Panginoon, ako’y hindi mahusay magsalita, … sapagkat ako’y makupad sa pananalita at umid ang dila” (Exodo 4:10).
Ngunit nangako ang Panginoon na ituturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin (tingnan sa Exodo 4:12), kaya’t humayo si Moises nang may pananampalataya (tingnan sa Exodo 4:18, 20). Nag-alinlangan si Moises dahil sa mga kahinaang nakita niya sa kanyang sarili, ngunit tinanggap pa rin niya ang mga paanyaya ng Panginoon.
Pagsasagawa sa Ating Buhay
Tulad ni Moises, maaaring hindi mo nadama na karapat-dapat kang tumanggap ng isang partikular na tungkulin. Maaaring nagulat ka at nakadama ng kakulangan nang matawag ka. Ganoon ang pakiramdam ng karamihan sa atin. Subalit kapag tinawag ang isang tao na maglingkod sa Simbahan, alalahanin natin na pinili ng Panginoon ang taong ito para sa tungkuling ito sa panahong ito. Ang alituntuning iyan ay angkop sa lahat ng tungkulin.
Bawat isa sa atin ay may mga kakayahang higit pa sa nakikita natin sa unang tingin. Lahat din tayo ay may potensyal na hindi lubos na matatanto sa buhay na ito. Ngunit magtiwala tayo na kailangan tayo ng Panginoon na maglingkod sa partikular na mga tungkulin sa ilang pagkakataon upang tulungan ang ating sarili at ang iba na umunlad. At tulad ni Moises, mapagkakatiwalaan natin ang pangako ng Panginoon: “Ako’y makakasama mo” (Exodo 3:12).
Si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng magandang payo tungkol sa pagtanggap ng mga tungkulin kahit hindi natin nadaramang handa tayo: “Hindi nagsisimula ang Diyos sa pagtatanong sa atin tungkol sa ating kasanayan, kundi tungkol lamang sa ating kahandaang maglaan ng panahon, at kung mapapatunayan nating maaasahan tayo, daragdagan niya ang ating kakayahan!” 1
Ipinaalala rin sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Kapag tayo ay nasa paglilingkod sa Panginoon, may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Tandaan na sinumang tinawag ng Panginoon ay binibigyan Niya ng kakayahan.” 2
Nagsalita si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagtitiwala niya sa Panginoon nang tawagin siya bilang Apostol: “Palagay ko’y mas alam ko kaysa sinuman na sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw may daan-daan at libu-libong lalaking mas marapat, mas may kakayahan kaysa sa akin, … “pero alam ko kung saan nanggaling ang tawag. At karangalan kong tumugon. Inaasam kong makapaglingkod, at nasasabik ako sa oportunidad na matuto.” 3 Maaari tayong magpakita ng gayon ding tiwala kapag hinangad nating matuto at maglingkod kapag ang ating mga tungkulin ay tila higit pa sa ating mga kakayahan.
Sinabi kay Moises na may gawain siyang gagawin (tingnan sa Moises 1:6). Sinabi kay Joseph Smith na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa sa kanya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33). Maaari ding sabihin sa bawat isa sa atin ang bagay na iyon. Totoo rin ito sa ating mga tungkulin, at totoo rin ito sa iba pang mga paraan na hinihikayat tayo ng Panginoon na maglingkod kapag hinangad nating “maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 58:27). Maaari tayong maglingkod bilang temple patron o ordinance worker. Maaari tayong makibahagi sa mga kaganapan sa JustServe.org at iba pang mga makabuluhang oportunidad na maglingkod. Maaari tayong maging isang matulunging kapitbahay. At, siyempre, maaari tayong maging mapagmalasakit at matapat na ministering brother o sister sa mga miyembrong na-assign sa atin.
Malamang na hindi tayo mauubusan ng mga posibilidad kapag tayo ay “nasa gawain ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 64:29).
2. Nagtiwala si Moises sa Panginoon.
Tiniyak ng Panginoon kay Moises na kalaunan ay magtatagumpay siya sa pagpapalaya sa Israel, kahit may mga balakid sa daan. Matapos Niyang tawagin si Moises sa gawain, ipinakita ng Panginoon kay Moises na makagagawa ito ng mga himala, tulad ng magagawa na maging ahas ang tungkod (tingnan sa Exodo 4:2–4). Itinuro ng Panginoon kay Moises kung paano nila papangyarihin ng kanyang kapatid na si Aaron na magkaroon ng iba’t ibang salot (tingnan sa Exodo 7–11), at nangyari nga ito. Sinabi ng Panginoon kay Moises na sa paglalagay ng dugo ng kordero ng Paskua sa itaas ng pintuan at dalawang haligi ng kanilang mga pinto, ang mga Israelita ay maliligtas mula sa kamatayan sa kanilang mga tahanan (tingnan sa Exodo 12:3–13, 21–23). Kalaunan, sinabi ng Panginoon kay Moises na kung titingnan lamang ng mga tao ang ahas na tanso, sila ay mapapagaling mula sa nakamamatay na kagat ng ahas (tingnan sa Mga Bilang 21:8–9; Alma 33:19–22).
Walang kaalaman o kapangyarihan si Moises para magawa ang alinman sa mga bagay na iyon sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kakayahan. Ngunit lubos siyang nagtiwala na papangyarihin ng Panginoon na mangyari ang mga ipinangakong resulta. Dahil ginawa ni Moises ang iniutos ng Panginoon, gumawa ang Panginoon ng maraming himala sa Kanyang mga tao (tingnan sa 1 Nephi 17:23–42).
Pagsasagawa sa Ating Buhay
Maipapakita rin natin ang pagtitiwala sa Panginoon kapag pinili nating kumilos nang may pananampalataya. Itinuro sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ipinapakita ninyo ang inyong tiwala sa Kanya kapag nakikinig kayo taglay ang hangaring matuto, magsisi, at pagkatapos ay humayo at gawin kung anuman ang hinihiling Niya.” 4
Nang atasan si Nephi na gumawa ng mahirap na bagay, sinabi niya “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Sa ganyang damdamin, humayo si Nephi, “nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin” (1 Nephi 4:6). Yumaon siya hanggang sa kaya niyang marating nang sandaling iyon, na nagtitiwala na mas makauunawa siya habang nagpapatuloy. At pagkatapos ay nilinaw sa kanya ang susunod na hakbang, at ang sumunod na hakbang, hanggang sa magawa niya ang ipinagagawa sa kanya.
Maaari tayong magtiwala na “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa [ating] ikabubuti” (Doktrina at mga Tipan 90:24) kung susundin natin ang Panginoon.
3. Natuto si Moises mula sa Diyos, at pagkatapos ay tinuruan niya ang iba.
Sa Moises 1–4, nalaman natin na ipinakita ng Panginoon kay Moises ang isang pangitain tungkol sa mga daigdig na di mabilang at ang paglikha ng ating mundo. Naglatag ito ng pundasyon para maunawaan ni Moises ang plano ng kaligtasan ng Diyos habang naghahanda siyang mamuno sa mga tao. Kalaunan, binigyan si Moises ng mga kautusan na magbibigay-kakayahan sa mga Israelita na mamuhay nang karapat-dapat sa mga pagpapala ng Diyos (tingnan sa Exodo 20:1–17). Pagkatapos ay itinuro ni Moises ang mga kautusang ito sa kanyang mga tao. Ang pagtuturo sa mga tao ay mahalagang bahagi ng kanyang gawain.
At matapos makita kung paano madalas lumapit ang mga tao kay Moises upang ipaalam rito ang mga bagay na kailangan nila ng tulong, pinayuhan ni Jetro si Moises: “Ituturo mo sa kanila ang mga batas at ang mga kautusan at ipapaalam mo sa kanila ang daang nararapat nilang lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin” (Exodo 18:20).
Pagsasagawa sa Ating Buhay
Ang Panginoon ay laging naghihikayat sa Kanyang mga tao na maghangad ng kaalaman at katotohanan. Iniutos kay Adan na malayang ituro ang doktrina sa kanyang mga anak (tingnan sa Moises 6:58). Sa ating dispensasyon, iniutos sa atin ng Tagapagligtas na “maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” at “isaayos ang inyong sarili,” na magtayo ng “isang bahay ng pagkakatuto, … isang bahay ng kaayusan” (Doktrina at mga Tipan 88:118, 119; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:36).
At pagkatapos nating matuto, dapat nating masigasig na turuan ang iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:21). Iniuutos sa atin na ituro sa isa’t isa ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:12–14). Sa pagtuturo natin, dapat nating patatagin ang isa’t isa na “kumilos nang buong kabanalan” sa harapan ng Diyos (Doktrina at mga Tipan 43:9; tingnan din sa mga talata 7–8).
May mahalagang alituntunin din sa Lucas 22:32: “Kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.” Maaari muna nating hangaring mapalapit sa Diyos ang ating sarili, at pagkatapos ay makatutulong na tayo na mapalakas din ang iba sa pamamagitan ng salita ng Diyos.
Kapag tayo ay may katungkulang mamuno, sa halip na pamahalaan ang bawat kilos ng mga taong kasama nating naglilingkod, magtuon tayo sa pagtuturo ng doktrina at mga alituntunin at pag-anyaya sa kanila na “makipagsanggunian [muna] sa Panginoon” (Alma 37:37) at pagkatapos ay magsama-sama bilang isang grupo upang sila ay makakilos bilang “kinatawan ng kanilang sarili” (Doktrina at mga Tipan 58:28).
4. Natutong magtalaga si Moises.
Si Jetro ay nagbigay ng magandang payo kay Moises noong si Moises ay nabibigatan na sa kanyang tungkulin bilang hukom ng mga tao: “sapagkat ang gawain [na pagpasan sa lahat ng responsibilidad] ay totoong napakabigat para sa iyo; hindi mo ito makakayang mag-isa” (Exodo 18:18). Pinayuhan niya si Moises na turuan ang iba kung paano humatol at pumili rin siya ng mga tagapangasiwa sa maliliit na grupo upang ang kailangang pagpasiyahan na lamang ni Moises ay ang pinakamahihirap na usapin at ang iba naman ang hahawak sa iba pang mga usapin (tingnan sa Exodo 18:14–26). Kalaunan, 70 iba pang kalalakihan ang binigyan ng pagkakataong makita ang Panginoon na kasama si Moises at tumulong sa mga bagay na espirituwal (tingnan sa Exodo 24:9–10; Mga Bilang 11:16–17, 25).
Pagsasagawa sa Ating Buhay
Sa ating paglilingkod, dapat nating sikaping magtuon sa ating pinakamahahalagang responsibilidad. Matututuhan natin ang marami sa mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng Pangkalahatang Hanbuk . Maaari nating hingin at sundin ang patnubay ng Ama sa Langit para malaman kung ano ang dapat nating gawin at kung ano ang dapat nating iatas sa iba. Bagama’t gusto natin na tayo na lang ang gumawa ng lahat, maaalala natin ang halimbawa ng mga pagbabago sa organisasyon kamakailan, na pinasimulan upang tulungan ang mga bishop na magtalaga at magtuon sa kanilang pinakamahalagang mga prayoridad. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maaalala ninyo, noong 2018, binago ang mga Melchizedek Priesthood quorum para mas makipagtulungan sa mga Relief Society upang ang mga elders quorum at Relief Society, sa patnubay ng bishop, ay makatulong sa pagganap sa mahahalagang responsibilidad na dating pinag-uukulan niya ng maraming oras.” 5
Ipinaalala sa atin ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na huwag gawing labis na kumplikado ang ating paglilingkod:
“Dahil dito, bilang mga lider dapat mahigpit nating ipagtanggol ang Simbahan at ebanghelyo sa kadalisayan at kasimplihan nito at iwasang mabigatan ang ating mga miyembro.
“At tayong lahat, bilang mga miyembro ay kailangang pakasikapin nating ituon ang ating lakas at panahon sa mga bagay na talagang mahalaga, habang pinatatatag natin ang ating kapwa at itinatayo ang kaharian ng Diyos.” 6
Ito ang ilan sa mga aral na natutuhan natin mula kay Moises at gayundin sa mga lider ng Simbahan ngayon na sumusunod sa mga yapak ng Dalubhasang Pinuno na si Jesucristo. Kapag iniisip natin ang ating sariling paglilingkod sa Kanyang kaharian, pagnilayan natin kung paano natin tataglayin at ng iba ang gayunding kakayahang mamuno.