2022
Narito Kami para sa Iyo
Abril 2022


“Narito Kami para sa Iyo,” Liahona, Abr. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Narito Kami para sa Iyo

Lagi kong maaalala ang mga pag-uusap at pagmamahal na nakatulong sa akin sa mahirap kong paglalakbay pauwi.

isang lalaking nagmamaneho sa gabi

Katatapos ko lang ng isang round ng pagpapagamot sa kanser sa San Diego, California, USA, at kinailangan kong magmaneho pauwi, na mahigit 600 (965 km) ang layo. Pagod ako at malungkot, at humingi ako ng tulong at patnubay sa panalangin.

Mahigit 50 beses na akong pabalik-balik sa San Diego para magpagamot sa cancer center doon, pero mas mahirap ang biyaheng ito dahil sa pandemyang COVID-19. Dahil sa mga paghihigpit na likha ng pandemya, hindi ako nasamahan ng asawa ko sa paglalakbay, at hindi ako makasakay ng eroplano dahil nag-alala ang mga doktor ko na baka mahawahan ako ng virus. Kung magkakasakit ako, malamang na hindi ako makaligtas. Ang pagmamaneho kong mag-isa ang tanging opsiyon.

Tumawag ang asawa at nanay ko. Pareho silang nag-alala sa akin. Magiging mahaba ang gabi.

Nang malaman ng ministering brother ko na si Brother Brough na nasa San Diego ako at magmamaneho na pauwi, nag-alala rin siya. Tumawag siya para kumustahin ako at pagkatapos ay bumuo ng phone brigade. Hiniling niya sa ilang miyembro ng elders quorum namin na maghalinhinan sa pagtawag at pagkausap sa akin sa loob ng isang oras. Ang mga tawag nila ang makakasama ko, pananatilihin akong gising, at alisto.

Sa 10-oras kong pagmamaneho, nasiyahan akong makasama ang mabubuting kapatid na ito habang kausap nila ako. Kapag natapos na ang isang oras na tawag, magpapaalaman na kami. Pagkatapos ay muling tutunog ang telepono ko, at masaya kong inililipat ang bagong tumawag sa speaker phone ng kotse ko.

Sa pagpapasalamat ko sa bawat isa sa mga tumawag, madalas nilang sabihing, “Natutuwa akong makatulong. Narito kami para sa iyo, Brother.”

Naiiyak pa rin ako kapag naaalala ko ang kabaitan ng mabubuting kapatid na ito na nag-ukol ng isang oras ng kanilang gabi para makauwi ako nang ligtas. Mahaba nga ang gabing iyon, pero lagi kong maaalala ang mga pag-uusap namin at ang pagmamahal na ipinakita sa akin ng mga kapatid na ito.

Lahat tayo ay nasa mahaba, at kung minsa’y mahirap na paglalakbay pabalik sa ating tahanan sa langit. Kailangan nating lahat ng mabubuting tao para hikayatin tayo habang daan.

Nagpapasalamat ako sa maraming tao na nagdasal para sa akin at sa pamilya ko, naglingkod sa amin, at minahal kami sa matagal kong pakikibaka sa kanser—lalo na ang mga kapatid sa aking elders quorum na naglingkod, sumuporta, at gumabay sa amin sa bawat paghakbang sa daan (tingnan sa Mateo 25:35–40).