2022
Ituring ang mga Kautusan Bilang mga Pagpapala
Abril 2022


Digital Lamang: Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Exodo 18–20

Ituring ang mga Kautusan Bilang mga Pagpapala

Kapag talagang nauunawaan natin ang mga kautusan, makikita natin na ang mga ito ay katibayan ng dakilang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin.

babaeng nakatingin sa mapa

Nitong huling kalahati ng mga taon ko sa kolehiyo, nagtrabaho ako bilang producer para sa radio show ng aming unibersidad. Masayang trabaho iyon, malaya kang maging malikhain, ngunit marami ring patakaran. Ang kabuuang diskripsyon ng trabaho ko ay gumawa ng radio content; bagama’t tila madali lang at hindi na kailangang ipaliwanag pa, ang mga detalye ng trabaho ay kailangang komprehensibong nakadokumento sa maraming pahina. Kabilang dito ang mga patakaran tungkol sa email etiquette, paghahanda ng interbyu, mga audio cut, at lahat ng uri ng bagay na hindi ko pa kailanman narinig noon.

Napakahirap noong una habang sinisikap kong tandaan ang lahat ng detalye. Pero kalaunan ipinagpasalamat ko ang listahang iyon—nakatulong ito sa akin na maging mas mahusay na producer. Hindi ito isang mahigpit na listahan na pumipigil sa akin na gamitin ang aking pagkamalikhain; sa halip, nakatulong ito na makalikha ako ng produkto mula sa aking mga ideya. Ito ay isang set ng mga tuntunin, na nilikha ng mga taong mas alam ang trabaho kaysa sa akin.

Gusto kong isipin ang mga kautusan sa ganito ring paraan. Ang dalawang dakilang utos—na ibigin ang Diyos at ang ating kapwa gaya ng ating sarili (tingnan sa Mateo 22:35–40)—ay bahagi ng ating kabuuang diskripsyon sa trabaho bilang mga tao sa mundo. Ang iba pang mga kautusan ay mas detalyadong mga tagubilin kung paano epektibong makakamit ang mga mithiing iyon, na inilahad ng mapagmahal na Ama sa Langit na lubos na nakaaalam sa gawain.

Ang mga Kautusan ay mga Pagpapala

Kapag talagang nauunawaan natin ang mga kautusan, itinuturing natin ang mga ito na mga pagpapala. Ang mga ito ay mga karagdagang tagubilin na ibinibigay ng Ama sa Langit, lakip ang Kanyang perpektong pananaw, para tulungan tayong makabalik sa Kanya. Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Dahil walang katapusan at sakdal ang pagmamahal sa atin ng Ama at ng Anak at dahil alam Nila na hindi natin nakikita ang lahat ng nakikita Nila, binigyan Nila tayo ng mga batas na gagabay at poprotekta sa atin.” 1

Inilarawan ni Sister Carole M. Stephens, dating Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, ang puntong ito nang ikuwento niya ang tungkol sa kanyang malikot na tatlong-taong-gulang na apong babae na si Chloe, na hindi makumbinsing mag-seat belt sa kotse. Sa kabila ng pagsisikap ni Sister Stephens na hikayatin ito, tinatanggal-tanggal pa rin ni Chloe ang kanyang seat belt at hindi umaayos sa pagkakaupo.

Sa huli, matapos ipaliwanag sa kanyang apong babae na ang seat belt ay para sa kanyang sariling kaligtasan, biglang sumigla ang mukha ni Chloe at sinabing, “Lola, gusto mo po akong mag-seatbelt kasi mahal mo po ako!” 2 Tulad ng naunawaan kalaunan ni Chloe, ang mga patakaran ay kadalasang bunga ng pagmamahal. Ganyan din ang mga kautusan ng Diyos.

Ang mga kautusan ay katibayan ng dakilang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa atin. Pagkakataon din ito para maipakita natin ang ating pagmamahal at pagsunod sa Kanila. “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15) ay isang talatang madalas nating marinig, at ang kahulugan nito ay nakaaantig. Tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pinakadakilang katangian ng pag-ibig ay katapatan sa tuwina.” 3 Naiisip ko lamang ang pagmamahal na tiyak na nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag sinisikap nating sundin ang Kanilang mga tagubilin at mamuhay sa paraang magtutulot sa atin na makabalik sa Kanilang piling balang-araw.

Ang Paglalakbay sa Hinaharap

Hindi ito nangangahulugan na magiging madali ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Kahit nauunawaan natin ang pagmamahal ng Diyos at ang mga dahilan kung bakit may mga kautusan, maaaring mahirap pa ring sundin ang ilan sa mga ito (tingnan sa 2 Nephi 2:11; Mosias 3:19).

Nagsalita agad si Moises tungkol dito matapos niyang dalhin ang Sampung Utos mula sa Bundok ng Sinai, sinasabi sa mga Israelita na “Ang Diyos ay naparito upang subukin kayo” (Exodo 20:20). Ang ibig sabihin ng subukin ay subukan o patunayan. Bukod sa mapagmahal ang mga kautusang ito, mahalaga rin itong bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak para “[subukin] … , sila … , upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25). Ang mga kautusan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong sadyang gamitin ang ating kalayaang pumili, tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “piliing bumalik sa Kanya, handa, karapat-dapat, na-endow, nabuklod, at tapat sa mga tipang ginawa sa mga banal na templo.” 4

Kapag pakiramdam natin ay marami tayong dapat balansehin at gawin, maaalala natin na ang mundo, hindi ang ebanghelyo, ang lumilikha ng mga kasalimuutan sa ating buhay. Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Dati nang nabanggit na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ‘napakaganda at napakasimple.’ Ang mundo ay hindi ganoon. Ito ay kumplikado, masalimuot, at puno ng kaguluhan at alitan. Pagpapalain tayo kapag hindi natin hinayaan na ang kaguluhan, na laganap sa mundo, ay makaimpluwensya sa paraan ng pagtanggap at pagsasabuhay natin ng ebanghelyo. …

“… Dapat nating sikapin na panatilihing simple ang ebanghelyo.” 5

Sa mga panahong iyon na nahihirapan tayo sa mga hinihingi ng buhay, makatutulong na alalahanin ang mga kautusan sa pinakasimpleng paraan: Mahalin ang Diyos. Mahalin ang iyong kapwa. Mahalin ang iyong sarili. Lahat ng iba pang mga kautusan ng Diyos sa atin ay mga karugtong ng mahahalagang utos na ito, at mga karugtong ng Kanyang pagmamahal sa atin.