2022
Pagsampalataya sa Kabila ng Pagdududa
Abril 2022


Mga Young Adult

Pagsampalataya sa Kabila ng Pagdududa

Kapag may mga tanong tayo na hindi nasasagot, mapipili nating sumampalataya.

dalagitang nagbabasa ng kanyang mga banal na kasulatan sa labas ng bahay

Larawang kuha ni Judith Ann Beck

Ilang taon na ang nakalipas, lumuhod ako para manalangin sa unang pagkakataon sa buhay ko. Maaga pa noong araw na iyon, nakausap ko ang mga missionary sa unang pagkakataon, at ibinahagi nila ang mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at binigyan ako ng Aklat ni Mormon.

Sa unang pagkakataon kong magtanong ng anumang bagay sa aking Ama sa Langit, hindi ko itinanong kung totoo ang alinman sa mga narinig o nabasa ko. Hindi ko rin Siya tinanong tungkol sa nakalilito at nakababalisang mga sabi-sabi na narinig ko tungkol sa Simbahan mula sa popular na kultura.

Sa halip, nagsumamo ako sa Ama sa Langit na biyayaan ako ng hangaring malaman na ang sinasabi sa akin ng mga missionary ay totoo.

At sa panalanging iyon, naakay ako sa katotohanan—na ang ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik na ngang muli sa lupa.

Pagpapalalim ng Pananampalataya

Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pananampalataya bilang “ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito.” 1 Kailan man tayo sumapi sa Simbahan ni Jesucristo, malamang na nagkaroon na tayo ng mga tanong o napakaliliit na pagdududa na nakahadlang sa kakayahan nating matamo ang kapangyarihang iyon ng pananampalataya na inilarawan ni Pangulong Nelson.

Ngunit hindi kailangang limitahan ng mga tanong ang ating pananampalataya. Ang mga tanong ay maaaring maging kahanga-hangang mga espirituwal na pundasyon na nagpapalakas sa ating patotoo kung ituturing nating mga pagkakataon ang mga ito na palalimin at gamitin ang ating pananampalataya.

Narito ang limang hakbang na nakatulong sa akin na sumampalataya sa kabila ng mga pagdududa nang magkaroon ako ng mga tanong:

1. Magsimula sa Hangarin

Ang panalanging inialay ko pagkatapos kong kausapin ang mga missionary ang unang panalangin ko, pero siguradong hindi iyon ang huli. Ang itinanong ko ang nakagawa ng lahat ng kaibhan sa paghahangad kong manampalataya—nagsimula iyon sa simpleng hangarin kong maniwala. Ang pagdarasal na magkaroon ng hangaring maniwala ay nagpapalakas sa ating pananampalataya na masasagot at sasagutin ang ating mga tanong (tingnan sa Alma 32:27).

2. Unawain ang Iyong Identidad

Ang pinakamahalagang katotohanang dapat malaman kapag naghahanap tayo ng mga sagot at mas malaking pananampalataya ay na tayo ay pinakamamahal na mga anak ng mga magulang sa langit. Hangad ng Diyos ang lahat ng makakabuti sa atin. Nais Niya tayong gabayan. Ang pag-unawa sa ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay tumutulong sa atin na naising makiisa ang ating kalooban sa Kanilang kalooban at malaman kung ano ang mga itatanong.

3. Maging Matiyaga

Napakarami ko nang naitanong sa panalangin, at nakatanggap na ako ng mga sagot sa bawat isa sa mga iyon—kahit simple lang at nakakapanatag ang mga mensahe mula sa Espiritu na nagsasabi sa akin na magtiyaga. Maaaring hindi tayo makatanggap ng tuwirang mga sagot nang agaran o maging sa buhay na ito. Kung minsa’y maaaring kailangan natin ng panahong lumago bago tayo maging handang marinig ang mga sagot. Ngunit “hindi natin kailangang mahanap ang mga sagot sa lahat ng tanong upang magkaroon ng patotoo at tumayo bilang saksi ng katotohanan.” 2 Sasagot ang Ama sa Langit sa Kanyang perpektong takdang panahon.

4. Pasiglahin ang Pananampalataya—Hindi ang Pagdududa

Sa mga buwan na kasunod ng unang pakikipag-usap ko sa mga missionary, naharap ako sa oposisyon at mga tanong na naging banta sa aking mabuway na patotoo. Ipinagdasal kong magkaroon ng hangarin na hindi lamang maniwala sa Diyos kundi paniwalaan Siya. Sa halip na magtuon tayo sa ating mga pagdududa o tanong, mabibigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga pagkakataong “[gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya” (Alma 32:27). Maaari lamang dumating ang mga pagkakataong ito kung tayo ay may pananampalataya at handang magtiwala sa Kanya sa halip na maghanap ng mga dahilan para pagdudahan Siya. Tulad ng itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya.” 3

5. Piliing Maniwala

Kung mayroon kayong mga tanong na bumabagabag sa inyo, huwag ninyong isantabi ang inyong mga problema at hayaang lumala ang mga iyon. Kumilos nang may pananampalataya. Aktibong maghanap ng mga sagot. Ipinayo ni Pangulong Nelson: “Kung may pag-aalinlangan kayo … piliing maniwala at manatiling tapat. Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala. … Huwag nang patindihin pa ang inyong mga pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa iba pang mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.” 4

Maging handang hayaan Siyang gabayan kayo. Maaaring kailanganin ninyong hintayin ang mga sagot o tanggapin ang mga sagot mula sa Ama sa Langit na medyo hindi ayon sa inyong inasahan. Ngunit saan man kayo naroon sa inyong paglalakbay nang may pananampalataya, gagabayan kayo ng Ama sa Langit at bibigyan kayo ng kagalakan habang patuloy ninyong pinipiling maniwala.