“Lagi Siyang Aalalahanin,” Liahona, Abr. 2022.
Lagi Siyang Alalahanin
Kapag lalo nating inaalala ang Panginoon, magkakaroon tayo ng higit na lakas na manatili sa landas, na ginagawa ang inaasahan Niya sa atin.
Nalaman natin sa mga banal na kasulatan ang paulit-ulit na pag-unlad at kapalaluan na nakaapekto sa mga anak ng Diyos sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Nang alalahanin ng mga tao ang Panginoon, umunlad sila. Ngunit nang malimutan nila Siya, nasadlak sila sa paulit-ulit na kapalaluan dahil sa kanilang kayamanan, pag-unlad ng teknolohiya, at mga pagkakataong makapag-aral. Dahil dito, sila ay naging mga taong tumalikod sa Panginoon at sa Kanyang mga tipan.
Isipin natin ang isa sa mga tipang ginagawa natin linggu-linggo kapag tumatanggap tayo ng sakramento—ang tipan na “lagi siyang aalalahanin,” ang Tagapagligtas (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Ang tipang ito ay inulit sa dalawang panalangin sa sakramento. Ang isang mahalagang salita ng tipang ito ay alalahanin.
Ang salitang alalahanin ay daan-daang beses na lumilitaw sa mga banal na kasulatan. Sa sinaunang Israel, ang alalahanin ay ginamit sa maraming pagkakataon upang tulungan ang mga tao ng Panginoon na alalahanin ang nagawa Niya para sa kanila sa nakalipas na mga panahon. Mas karaniwan pa itong ginagamit sa konteksto ng mga tipang ginawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao.
Ang mga anak ni Israel, tulad ng marami ngayon, ay nahirapang alalahanin ang Panginoon at ang Kanyang mga utos, at dahil malilimutin sila, madalas silang nagdanas ng masasakit na bunga. Iyan ang isa sa mga dahilan kaya ginamit ng Panginoon ang salitang alalahanin. Halimbawa, ang paglalakbay patungong Israel mula sa Ehipto ay nagsimula sa isang kautusan na “alalahanin ninyo ang araw na ito, na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay inilabas kayo ng Panginoon mula sa dakong ito” (Exodo 13:3).
Ang salitang Ingles na remember ay mula sa salitang Latin na memor at ibig sabihin ay “maging maalalahanin.” Sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang alalahanin ay isaisip o alalahanin ang isang tao o bagay na nakita, nakilala, o naranasan noon ng isang tao. 1 May malaking kaugnayan ang naging damdamin sa alaalang ibinunga nito. Dahil dito, kapag mas matindi ang damdamin, mas malinaw at may bisa ang alaala. Sa kontekstong Hebreo, ang salitang alalahanin ay may kasamang kaalaman na may kaakibat na angkop na pagkilos. Sa gayon, ang paggawa ay mahalagang bahagi ng pag-alaala.
Kapag lalo nating naaalala ang Panginoon, mas magkakaroon tayo ng lakas na manatili sa tamang landas, na ginagawa ang inaasahan Niya sa atin. Sa ganitong paraan, kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinatototohanan natin sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na aalalahanin natin ang Tagapagligtas sa ating puso’t isipan sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Nangangako tayo na pananatilihin natin sa ating puso ang malinaw na damdamin at pasasalamat para sa Kanyang sakripisyo, Kanyang pagmamahal, at Kanyang mga kaloob para sa atin. Nangangako rin tayo na kikilos tayo ayon sa mga alaala, damdamin, at emosyong ito.
Kung Bakit, Kung Paano, at Kung Ano ang Pag-alaala sa Kanya
Isang taon matapos itatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith ang isang paghahayag na nagbibigay ng mas malawak na saklaw ng tipan na lagi Siyang aalalahanin:
“Maghandog kayo ng hain sa Panginoon ninyong Diyos sa kabutihan, maging yaong may bagbag na puso at nagsisising espiritu.
“At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw; …
“Gayunman ang inyong mga panata ay iaalay sa kabutihan sa lahat ng araw at sa lahat ng panahon;
“Subalit tandaan na dito, sa araw ng Panginoon, inyong iaalay ang inyong mga handog at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan sa inyong mga kapatid at sa harapan ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 59:8–9, 11–12).
Sa paghahayag na ito, itinuro sa atin ng Panginoon kung bakit, paano, at ano ang gagawin para lagi Siyang alalahanin.
-
Kung bakit: “upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan.”
-
Kung paano: na “ang inyong mga panata ay iaalay sa kabutihan” nang may “bagbag na puso at nagsisising espiritu.”
-
Kung ano: “inyong iaalay ang inyong mga handog at ang inyong mga sakramento sa Kataas-taasan, ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan sa inyong mga kapatid, at sa harapan ng Panginoon.”
Binabanggit sa talatang ito ng banal na kasulatan ang salitang mga handog. Sa mga banal na kasulatan, ang mga handog ay pahiwatig ng lubos na katapatan sa Panginoon, na nag-aalay sa Kanya ng bagbag na puso at nagsisising espiritu. Nangangahulugan din ito ng anumang sakripisyong ginagawa natin para sa Panginoon. Kaya nga, ang tipan na lagi Siyang aalalahanin ay nauugnay sa pagsasakripisyo ng lahat ng bagay para sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Lahat ng ito ay nagpapatibay na ang pag-alaala sa Tagapagligtas ay pagkilos ayon sa mga bagay na magpapanatili sa atin sa landas tungo sa kabutihan.
Walang-katumbas na halaga ang kaloob na naibigay sa atin kapag tumatanggap tayo ng mga sagisag ng bugbog na katawan at ibinuhos na dugo ng Panginoon sa Kanyang araw ng Sabbath. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, kinakain natin ang pira-pisasong tinapay bilang pag-alaala sa Kanyang katawan. Iniinom natin ang tubig bilang pag-alaala sa Kanyang dugo, na nabuhos para sa atin. At nakikipagtipan tayo sa Panginoon na lagi natin Siyang aalalahanin.
Pagkatapos ay natatanggap natin ang kagila-gilalas na pangako na “sa tuwina ay mapapasaatin ang kanyang Espiritu” (Doktrina at mga Tipan 20:77; tingnan din sa talata 79) kung kikilos tayo ayon sa ating tipan. Ang pagtanggap ng sakramento ay itinuturing ng ating Ama sa Langit na napakahalaga kaya pinapayuhan tayong tumanggap nito tuwing Linggo.
Mahal kong mga kaibigan, ang tipan na lagi Siyang aalalahanin ay dapat makaimpluwensya at magbigay-inspirasyon sa atin sa bawat desisyon at kilos natin sa buhay. Itinuro ni Haring Benjamin:
“Kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo, kayong lahat na nakipagtipan sa Diyos, na kayo ay maging masunurin hanggang sa wakas ng inyong mga buhay. …
“At nais kong inyo ring pakatandaan, na ito ang pangalang sinabi ko na aking ibibigay sa inyo na hindi kailanman mabubura, maliban na lamang kung dahil sa kasalanan; kaya nga, ingatan ninyo na hindi kayo magkasala, nang ang pangalan ay hindi mabura sa inyong mga puso” (tingnan sa Mosias 5:8, 11).
Kaya nga, ang pag-alaala sa Tagapagligtas araw-araw ay nakakaapekto sa bawat desisyong ginagawa natin. Halimbawa, may epekto ito sa kung paano tayo magsalita; ano ang pinipili nating gawin, panoorin, basahin, at pakinggan; at kung paano natin pinakikitunguhan ang isa’t isa. Tinitiyak ko sa inyo na bibigyang-inspirasyon ng Panginoon mismo ang mga desisyong ito, gagabayan tayo sa ating mga hamon, at titiyakin na magiging positibo ang pag-ani.
Dahil sa katotohanan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buhay ay may walang-hanggan at banal na mga posibilidad para sa mga taong laging nakakaalala sa Kanya. Napakahalagang alalahanin ang ating nadarama kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Naghahanda tayo para sa buhay na walang hanggan at kadakilaan kapag tumatanggap tayo ng sakramento at nangangakong aalalahanin ang Tagapagligtas sa ating puso’t isipan, batid na ang pag-alaala sa Kanya ay makakagabay sa bawat desisyon at kilos natin.
“Ako ay Namangha”
Inaanyayahan ko kayong samahan ako sa pagmumuni-muni tungkol sa maaaring maging epekto ng mahalagang alituntuning ito sa ating personal na buhay. Isipin lamang ang ilan sa mga bagay na magagawa natin para laging alalahanin si Jesucristo araw-araw. Sabi ng Tagapagligtas, “Kayo’y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo” (Juan 15:14).
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nahikayat ng Kanyang pangako na laging alalahanin ang Ama at laging gawin ang kalooban ng Diyos dahil sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal sa Diyos at sa atin. Naiisip ko pa rin ang Kanyang panalangin sa Getsemani: “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma’y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo” (Marcos 14:36).
Kung babaguhin ang mga titik ng himnong “Ako ay Namangha,” 2 ako ay namangha sa sandali na ipinako si Jesus sa krus, at nagsabing, “Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).
Na dahil sa ’kin S’ya’y ‘pinako at namatay, sa akin S’ya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay, at Siya’y nabuhay na mag-uli. At nangako Siya sa akin na kung ako ay may nagsisising espiritu, na kinikilala ang aking mga kasalanan at pagkukulang, at kung handa akong magsisi, kung mamahalin ko ang mga anak ng Diyos tulad ng pagmamahal sa kanila ng Tagapagligtas, titiyakin ng Panginoon ang aking kapatawaran at ang aking lugar sa Kanyang tabi.
Damhin ang Pagmamahal ng Tagapagligtas
Laging alalahanin at kilalanin ang Tagapagligtas sa inyong buhay. Laging alalahaning lumapit sa Kanya, hayaang gabayan ng Kanyang impluwensya ang inyong mga iniisip, inyong nadarama, at inyong mga desisyon, at laging sumunod sa Kanya. Laging umasa sa Kanya sa mga sandali ng pagkabalisa, sa mga sandali ng paghihirap, sa mga sandali ng kalungkutan, at sa mga sandali ng mga hamon. Damhin ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang tunay na pagmamalasakit Niya para sa inyong kapakanan.
Nakikiusap akong alalahanin ninyo na kayo ay minamahal na mga anak ng ating Ama sa Langit, na inilaan upang pumarito sa lupa sa puntong ito ng kasaysayan. Tandaan na kayo ay pinili ng Ama na pumarito sa panahong ito dahil kayo ay may lakas na harapin ang mga hamon ng kapanahunang ito. Tandaan sana ninyo na ang kaligayahan at kapayapaan sa buhay na ito at sa daigdig na darating ay nakasalalay sa araw-araw na pag-alaala sa Tagapagligtas at sa inyong mga tipan sa Kanya.
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Pebrero 5, 2019.