“Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2022
Para sa mga Magulang
Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas
Minamahal na mga Magulang,
Ang isyu sa buwang ito ay makakatulong sa inyo na turuan ang inyong mga anak tungkol kay Jesucristo bilang kanilang personal na Tagapagligtas at sa kahalagahan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ayon sa itinuro ng mga propeta sa Lumang Tipan. Magagamit din ninyo ang mga ideya rito para tulungan kayong magpasimula ng mga talakayan tungkol sa Sampung Utos at sa kahalagahan ng pagsunod sa mga hinirang na lingkod ng Panginoon.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Mga Turo sa Lumang Tipan tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo
Basahin kung paano itinuturo ng Lumang Tipan ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa pahina 40. Gumawa ng listahan ng mga halimbawang ibinigay tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa Lumang Tipan.
Ang mga propeta, kabilang na ang mga nasa Lumang Tipan, ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Talakayin sa inyong pamilya kung paano nananatiling hindi nagbabago ang tungkulin ng mga propeta ngayon. Paano nagpatotoo ang propeta kamakailan tungkol kay Cristo?
Pagsunod sa mga Pinuno ng Simbahan
Basahin ang artikulo ni Elder Duncan sa pahina 44 tungkol sa pakikinig at pagsunod sa mga pinuno ng Simbahan. Talakayin sa inyong pamilya kung bakit mahalaga na sundin natin ang payong ibinigay sa atin ng ating mga pinuno. Marahil ay anyayahan ang inyong pamilya na maglaro ng “Simon Says” para ilarawan ang alituntuning ito.
Suporta sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Tingnan ang pahina 48 para sa isang pagkukumpara sa pagitan ng mga simbolo ng unang Paskua at ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang suportahan ang lingguhang pag-aaral ng inyong pamilya ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Manindigan at Manampalataya
Sa tulong ng Panginoon, inakay ni Moises ang mga anak ni Israel palabas ng Ehipto. Natakot sila dahil hindi sila makatawid sa Dagat na Pula at hinahabol sila ng hukbo ng Faraon. “‘At sinabi ni Moises sa bayan, Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon” (Exodo 14:13).
-
Magdispley ng larawan ng paghawi sa Dagat na Pula. Sama-samang basahin ang Exodo 14:21–29. Pansinin ang mga kilos sa mga talatang iyon.
-
Isadula ang paghawi sa Dagat na Pula, gamit ang mga kilos sa itaas. Magsadula hanggang sa magkaroon ng pagkakataon ang lahat na gumanap sa mga bahaging gusto nila.
Talakayan: Paano nanampalataya ang mga anak ni Israel sa pamamagitan ng paggawa ng iniutos ng Panginoon? Paano tayo maaaring manampalataya kapag dumaranas tayo ng mga hamon sa buhay?
Pagsunod sa Sampung Utos sa Ating Buhay
Basahin ang Sampung Utos (Exodo 20:3–17). Ibinigay ng Diyos ang mga batas na ito sa mga Israelita para tulungan silang lumago sa espirituwal at mas bumuti ang kanilang buhay. Ang mga kautusan ay matatagpuan din sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mosias 13:11–24) at sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa 42:18–29; 59). Paano makakatulong ang mga kautusan sa atin ngayon?
-
Isulat ang bawat isa sa Sampung Utos sa magkakahiwalay na piraso ng papel.
-
Paupuin nang pabilog ang pamilya at ilagay ang mga kautusan sa gitna.
-
Ipabasa sa bawat tao ang isang kautusan at ipasabi kung paano ito umaakma sa isa sa sumusunod na mga grupo:
-
Ang mga kautusan 1–4 ay nagtuturo sa atin tungkol sa pagmamahal sa Diyos.
-
Ang mga kautusan 5–10 ay nagtuturo sa atin tungkol sa ating mga relasyon at pakikipag-ugnayan sa iba.
-
-
Marami sa mga kautusan ang nagsasabi sa atin kung ano ang hindi dapat gawin. Magpaisip sa bawat miyembro ng pamilya ng isang positibong kilos para sa bawat kautusan.
Talakayan: Mag-isip ng mga paraan na nakaimpluwensya ang Sampung Utos sa inyong buhay at sa kultura ng inyong lugar. Ano ang magagawa natin para maalaala ang mga kautusan at sundin ang mga ito?