“Sa Isang Banal na Lugar,” Liahona, Abr. 2022.
Sa Isang Banal na Lugar
Nang dahan-dahang bigkasin ng binatilyo ang bawat salita ng panalangin sa sakramento, nakadama kami ng malakas na patotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos.
Baguhan kami sa Dunwoody Ward noong una naming makilala si Billy. Nang magsimula ang sacrament meeting, napansin ko na nakaupo siya sa sacrament table.
Matapos tumanggap ng tinapay ang ward, sinimulan ni Billy ang panalangin sa sakramento para sa tubig, pero nautal siya at nahirapang bigkasin ang bawat salita. Unti-unting nawala ang kadalasang normal na mga kaguluhan at ingay ng maliliit na bata. Tila tumigil sandali ang lahat, na naghihintay kay Billy.
Ang mga salita ng karaniwang tuluy-tuloy at maikling panalangin sa sakramento ay dahan-dahang lumabas, bawat salita ay dahan-dahan at hirap na binigkas. Noong una, nahiya ako para sa binatilyo. Napuspos ng habag ang puso ko para sa kanya.
Pagkatapos ay nagbago ang lahat.
Nang matapos niya ang unang parirala ng panalangin—isang panalanging isang libong beses ko nang narinig—napuspos ng panibagong damdamin ang silid. Isang matinding katahimikan ang nadama naming lahat, at alam namin na kami ay nasa isang banal na lugar. Hindi lamang binabasa ni Billy ang mga salita ng panalangin kundi taimtim siyang nagdarasal sa kanyang Ama sa Langit, na sumasagot nang may matinding pagbuhos ng Espiritu.
Nadama ang pagmamahal ng Diyos para sa binatilyong ito, at naging pribilehiyo naming maging bahagi ng kakaibang espirituwal na ordenansang ito.
Nagpatuloy si Billy at kalaunan ay natapos ang panalangin. Ayaw kong matapos siya dahil gusto kong magpatuloy ang sagradong damdaming iyon. Pero nagpatuloy ang matinding kaloob ng Espiritu nang ipasa ang sakramento sa kongregasyon. Ito ay naging isang tunay na pagpapanibago ng mga tipan na magsisi, magpakabuti, at mas lubusang maglingkod sa Panginoon.
Pagkatapos ng pulong lumapit ako sa sacrament table para pasalamatan ang binatilyo. Nakita ko na mayroon siyang Down syndrome. Pautal niyang sinabi, “Walang anuman,” na may malaking ngiti.
Makalipas ang ilang taon sa ibang ward, naaalala ko pa rin si Billy. Ang mga sacrament meeting ay mas makabuluhan kapag sinisikap ko, tulad ni Billy, na makausap ang Ama sa Langit sa simple at taimtim na pananampalataya at panalangin.
Ang awtor ay naninirahan sa Florida, USA.