“Ang Sagot sa Hardin,” Liahona, Abr. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Sagot sa Hardin
Hindi ko natanto noong una, pero nasa harap ko pala mismo ang sagot sa aking panalangin.
Kamakailan ay gumawa kami ng ilang missionary sa JeonJu Korea Stake ng isang hardin ng mga bulaklak papasok sa apartment ko. Isang umaga bago ako nagpunta sa aking hardin, hiniling ko sa Ama sa Langit na pagpalain akong magamit ang hardin para magkaroon ng isang bagong kaibigan na handang makinig sa ebanghelyo. Nang araw na iyon habang may ginagawa ako sa hardin, lumapit sa akin ang isang babae.
“Hinahanap ko ang simbahan na nasa itaas ng isang kalapit na supermarket,” sabi nito. “Alam mo ba kung saan ko iyon matatagpuan?”
“Hindi ko alam ang simbahang iyon,” sagot ko.
Umalis na siya pero bumalik pagkaraan ng 30 minuto.
“Nabalitaan ko na may isang simbahan sa banda rito,” sabi nito. “Ilang araw pa lang akong nakalipat sa apartment ko, at naghahanap ako ng madadaluhang simbahan.”
Sa sandaling iyon, may bigla akong naisip. Siya ang sagot sa aking panalangin. Nalaman ko na lumipat siya sa palapag mismo ng gusali ng apartment na tinitirhan naming mag-asawa.
Kinabukasan nagkita kami sa isang open area sa likod ng hardin. Sa loob ng mahigit tatlong oras, nagkuwentuhan kami ni Lim Bo Nam tungkol sa buhay namin. Dahil sa matinding damdamin, ibinahagi ko ang ilan sa aking mga paniniwala bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagkuwento rin ako sa kanya tungkol sa mga sacrament meeting na idinaraos namin sa bahay namin sa panahon ng pandemyang COVID-19. Pagkatapos ay inanyayahan ko siya sa bahay namin para sumali sa amin. Sa gulat ko, nangako siyang pumunta.
Tinuruan namin si Sister Lim tungkol sa pagsisisi at sa kahulugan ng mga sagisag ng sakramento. Nagbahagi rin kami ng ilang talata sa Biblia na nauugnay sa kahalagahan ng “ipanganak ng tubig at ng Espiritu” (Juan 3:5). Inantig siya ng Espiritu.
Nagpasalamat si Sister Lim na matuto tungkol sa tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Matapos matanggap ang mga talakayan mula sa mga full-time missionary, nabinyagan siya noong Agosto 1, 2020.
Sa kanyang unang fast and testimony meeting bilang miyembro ng Simbahan, nagpatotoo siya na ipinagdasal niyang magkaroon ng mga kaibigan sa bagong lugar na kanyang nilipatan. Sa araw na nagkakilala kami, ipinagdasal din niya kung aling simbahan ang dadaluhan.
Nagpapasalamat ako na parehong sinagot ng Panginoon ang aming mga panalangin at biniyayaan ako ng pagkakataong magkaroon ng isang kaibigan at maibahagi ang ebanghelyo sa kanya.