Digital Lamang: Mga Young Adult
Alamin Kung Paano Nangungusap sa Iyo ang Espiritu
Hindi ito kumplikado gaya ng inaakala natin.
“Talagang nalito ako kung bakit nagkaroon ako ng pahiwatig na paglingkuran siya samantalang hindi naman niya ito pinahalagahan.”
Umiiyak na ipinaliwanag sa akin ng kaibigan kong si Sarah (binago ang pangalan) kung paano niya nabalitaang nanganak ang dati niyang kakilala, at si Sarah, na matagal nang nagdarasal na magkaroon ng mga oportunidad na maglingkod, ay nadamang dalhan ito ng pagkain. Pumayag ang kaibigan niya sa alok na ito.
Ngunit hindi nangyari ang mga bagay-bagay ayon sa plano.
May nangyaring hindi maganda habang inihahanda niya ang pagkain, at nang dumating si Sarah sa bahay ng kaibigan niya na lampas ng isang oras sa naiplano, walang kagiliw-giliw na sinabi nito sa kanya na nakakain na ang kanyang pamilya at isinara nito ang pinto.
Nanlumo si Sarah sa nangyari, ngunit mas nagulumihanan siya—hindi niya alam kung talagang nakatanggap siya ng pahiwatig mula sa Espiritu na paglingkuran ang kanyang kaibigan o kung iyon ay sarili lang niyang ideya.
Marami sa atin ang nakaranas na ng ganitong mga sitwasyon—gayundin ako. Mga sitwasyon kung saan nadama natin na dapat tayong gumawa ng ilang desisyon, ngunit ang magiging resulta pala ng mga desisyong iyon ay lihis sa gusto nating mangyari. Sa gayong mga pagkakataon, maaaring iniisip natin kung talagang nangungusap ba sa atin ang Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ay talagang nangungusap sa atin, ngunit ang matutong kilalanin ang Kanyang mga pahiwatig ay kailangang sanayin. Narito ang ilang ideya para tulungan kang makilala at magtiwala sa Kanyang tinig.
1. Tandaan na ang pagtanggap sa Espiritu Santo ay isang pagpili.
Nang kinumpirma tayong mga miyembro ng Simbahan, sinabi sa atin na “tanggapin ang Espiritu Santo.”
Ang mahalagang salita ay taggapin.
Ang tanggapin ay nangangahulugan na bagama’t naibigay sa atin ang kaloob na Espiritu Santo, tayo ang magpapasiya kung tatanggapin natin ang walang-kapantay na kaloob na iyon sa pamamagitan ng pagpiling mamuhay nang karapat-dapat sa Kanyang patnubay at pagkatapos ay piliing makinig sa Kanyang magiliw na mga impresyon.
Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi nagkakaroon ng impluwensya ang Espiritu Santo sa ating buhay dahil lamang sa mga kamay na ipinatong sa ating ulunan at sa apat na mahalagang salitang iyon na sinambit. Sa pagtanggap natin sa ordenansang ito, tinatanggap ng bawat isa sa atin ang isang sagrado at patuloy na responsibilidad na maghangad, humiling, gumawa, at mamuhay nang karapat-dapat para tunay nating ‘tanggapin ang Espiritu Santo.’” 1
Ang pagtanggap sa Espiritu Santo at pagkilala sa Kanyang impluwensya ay kinapapalooban ng pananampalataya tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagpunta sa templo. Sa huli, kung nagsisikap kang sundin si Jesucristo araw-araw, ang “Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina” (Doktrina at mga Tipan 121:46; tingnan din sa talata 45).
2. Dapat mong malaman na maaaring mangusap sa iyo ang Espiritu araw-araw.
Oo, araw-araw. Tulad ng itinuro ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901), “Ito ay malaking pribilehiyo ng bawat Banal sa mga Huling Araw … na karapatan nating matanggap ang mga pahiwatig ng Espiritu sa bawat araw ng ating buhay.” 2
Ngunit sa masasamang impluwensyang ibinubulong ng mundo sa ating mga tainga at sa napakaraming responsibilidad na nakaatang sa ating mga balikat, hindi nakapagtataka na kung minsan ay hindi natin napapansin ang marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo sa ating buhay.
Isang bagay na makatutulong sa atin na makilala ang Kanyang tinig araw-araw ay ang paglilista ng mabubuting bagay na nangyari o mga bagay na inspirado tayong gawin o sabihin. Kadalasan, hindi natin natutukoy ang paghahayag hangga’t hindi tayo tumatalima sa impresyon at pinag-iisipan ang mga naranasan natin.
Mahalaga ring tandaan na, para matuto at umunlad tayo, maaaring hindi isa-isahin ng Diyos ang bawat hakbang na dapat nating gawin sa buhay. Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya.” 3
3. Alamin ang ipinapahiwatig na kahulugan.
Kung minsan masyado nating iniisip kung ang mensahe ba ay mula sa Espiritu. Mahalagang kumilos nang may pananampalataya, ngunit malalaman din natin kung ang pahiwatig ay nagmula sa Espiritu Santo habang pinag-iisipan natin ang ilang tanong:
-
Naghahanap ka ba ng paghahayag?
-
Namumuhay ka ba sa paraang mapapanatili mo ang Espiritu?
-
Hinihikayat ka ba ng impresyon na gumawa ng mabuti?
-
Handa ka bang makinig sa Espiritu sa halip na sa sarili mong mga ninanais?
Kung ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya sa paghahangad ng paghahayag at nakatatanggap ka ng impresyon na walang kabuluhan, alalahanin ang mga salitang ito ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maaaring hindi natin nakikita ang buong larawan [ng ating buhay] sa ngayon ngunit sa pagtitiyaga sapat ang makikita natin para magtiwala na may isang maganda at engrandeng disenyo. At kapag sinikap nating magtiwala sa Diyos at sinusunod ang Kanyang Anak na si Jesucristo, makikita natin balang-araw ang natapos na disenyo, at malalaman na mismong kamay ng Diyos ang umaakay at gumagabay sa ating mga hakbang.” 4
Balikan natin ang naging pag-uusap namin ni Sarah.
4. Hangaring malaman kung paano mo nadarama ang Espiritu.
Sinabi sa akin ni Sarah na pag-uwi niya mula sa kanyang nabigong paglilingkod sa kanyang kaibigan, itinanong niya sa Ama sa Langit kung bakit nadama niya ang pahiwatig pero hindi maganda ang kinahinatnan. At habang tahimik siyang nakikinig, may naisip siya na napakalinaw: “Ang sagot ay mas makahulugan kaysa sa inaakala mo.”
Habang pinagninilayan ko ang sinasabi niya sa akin, bigla kong naisip ang isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na napag-aralan ko kamakailan—“Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” ni Elder Renlund.
Nahikayat akong ibahagi ang ilan sa itinuro niya: “Nauunawaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan at may kapangyarihan Siyang maglaan ng lunas. Walang maihahambing sa kawalang-katarungang tiniis Niya. … Lubos Niyang nauunawaan ang nararanasan natin.” 5
Sinabi ko kay Sarah na marahil ang kahulugan ng pahiwatig na ito ay dagdagan ni Sarah ang kanyang pagpapahalaga at pasasalamat sa Tagapagligtas. Habang ibinabahagi ko ang naisip kong ito, gumapang ang kilabot sa mga bisig ko, at nakatanggap ako ng patunay na nadarama ko ang Espiritu.
Sa sandaling iyon, natanto ko kung gaano karaming paraan na nangungusap sa atin ang Espiritu Santo:
-
May magandang intensyon si Sarah na paglingkuran ang isang tao.
-
Sinagot ng isang munting tinig sa kanyang isipan ang kanyang tanong matapos manalangin.
-
Bigla kong naisip ang mensahe ni Elder Renlund, na siya pa lang kailangang marinig ni Sarah.
-
Napanatag ako matapos magbahagi na nagpatibay sa aking isipan na ang naisip ko ay mula sa Kanya.
Tinapos namin ang aming pag-uusap na nadarama ang Espiritu at lalong nagtitiwala na talagang nangungusap Siya sa amin. Pinanibago rin nito ang aming pananampalataya na bagama’t taliwas sa aming inaasahan ang ibinunga ng mga pahiwatig, ang mga ito ay mula pa rin sa Espiritu Santo.
Ang makilala ang pahiwatig ng Espiritu mula sa sariling naiisip mo ay nagiging mas madali kapag hiniling mo sa Ama sa Langit na tulungan kang malaman kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu. Kailangan din dito ng puso na handang sumunod, isipang may mataas na espirituwalidad, at taingang hindi nakikinig sa mga impluwensya ng mundo.
Inaaral ko pa rin ang espirituwal na wikang ito, ngunit ipinagpapasalamat ko ang mga sandaling iyon kung saan, sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, ipinapaalala sa akin ng Ama sa Langit na kilala Niya ako at handa Siyang gabayan ako—at ang bawat isa sa atin na patuloy na bumabaling sa Kanya.