Ang Inyong Pakikipagsapalaran sa Mortalidad
Mula sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult na, “Ang Pakikipagsapalaran sa Mortalidad,” na ibinahagi nina Elder Dieter F. Uchtdorf at Sister Harriet Uchtdorf sa Conference Center noong Enero 14, 2018.
Maniwala—at sasamahan kayo ng Diyos. Ibaling ang inyong puso sa Kanya—at gagabayan Niya kayo sa inyong paglalakbay.
Nagagalak akong makasama kayo ngayon at madama ang inyong kahanga-hangang espiritu, lakas, at liksi. Masayang-masaya ako na nagkaroon kayo ng pagkakataong makinig mula kay Sister Uchtdorf. Tunay na si Harriet ang liwanag ng buhay ko. Minamahal siya ng lahat ng nakakakilala sa kanya. Siya ang klase ng tao na mas pinabubuti at pinasasaya ang mga nasa paligid niya. Ganoon din talaga ang impluwensya niya sa akin.
Katatapos lang naming ipagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng aming kasal. Kapag tinitingnan namin ang aming dalawang anak at kanilang asawa, anim na apo kasama ang kanilang mga pamilya, at apat na apo sa tuhod, namamangha kami sa kadakilaan ng pakikipagsapalarang ito sa aming buhay.
Ang Panahon ng mga Madaliang Sagot
May naisip akong isang nakatutuwang ideya habang pinaghahandaan ko ang okasyong ito. Oo, totoo, halos hindi ko na makita sa salamin ang hitsura ko noong ako ay edad 18 hanggang 30 pa lang, ngunit sa kabila ng edad ko ngayon, bata pa rin ang pakiramdam ko. Katunayan, itinuturing ng karamihan sa aming mga nakatatanda na mga bata kami na nabubuhay nga lang nang matagal.
Kapag tiningnan ninyo kami, na “nakatatandang henerasyon,” baka magulat kayo kung gaano kalaki ang pagkakatulad namin sa inyong henerasyon kaysa inaakala ninyo. Naniniwala ako na ang mga pagkakaiba ng mga anak ng Ama sa Langit, anuman ang edad nila, ay hindi gaanong malaki kumpara sa mga pagkakatulad. Halimbawa, marami sa inyo ang may mga tanong tungkol sa Diyos at sa inyong sarili—malalalim at mahahalagang tanong na itinatanong din ng mas matatanda pa sa inyo:
“Talaga bang mayroong Diyos? Nagmamalasakit ba Siya?”
“Nasa tamang landas ba ako?”
“Bakit kung minsan pakiramdam ko wala akong kabuluhan, labis na nabibigatan, nakakaligtaan, o nalulungkot?”
“Bakit hindi iniimpluwensyahan ng Diyos ang buhay ko?”
“Bakit hindi Niya sinagot ang isang dalangin ko?”
“Bakit hinayaan Niyang danasin ko ang kalungkutan, karamdaman, o trahedyang ito?”
Maaaring mahirap sagutin ang mga tanong na ito.
Sa panahong ito ng madaliang mga sagot—kung saan ang tila lubos at hindi mapag-aalinlanganang kaalaman ay madali lang mahanap sa Google search—kung minsa’y naiinis tayo kapag natatagalan ang mga sagot sa ating pinakapersonal, mahalaga, at apurahang mga tanong. Nagsusumamo tayo sa langit, at tila ang napapala lang natin ay isang nakaiinis at umiikot na “wait cursor.”
Ayaw nating maghintay.
Kapag kailangan nating maghintay nang higit pa sa ilang segundo para sa tugon ng search engine, maaaring naiisip natin na mahina o sira ang koneksyon. Sa ating pagkayamot, baka hindi pa natin ituloy ang paghahanap. Pero pagdating sa mga tanong na pangwalang-hanggan, mga bagay na may kinalaman sa kaluluwa, dapat ay mas matiyaga tayo.
Hindi lahat ng sagot ay magkakapareho ang halaga. Ang mga sagot na nagmumula sa makamundong karunungan o opinyon ng karamihan ay madaling dumating, ngunit madali ring mawalan ng kabuluhan kapag lumilitaw ang mga bagong teoriya o uso. Ang mga sagot ng langit—mga sagot na pangwalang-hanggan—ay napakahalaga. Para matanggap ang mga sagot na ito, kadalasa’y kailangan ang sakripisyo, pagsisikap, at tiyaga.
Ang mga sagot na ito ay nararapat hintayin.
Ang layunin ko ngayon ay ibahagi sa inyo ang aking tiyak na patotoo na kilala kayo ng Ama sa Langit, naririnig Niya kayo, at hinding-hindi Niya kayo pababayaan. Kapag ibinaling ninyo ang inyong puso sa Kanya at nagsikap kayong sundan ang Kanyang yapak, iimpluwensyahan Niya ang inyong buhay at itutuwid ang inyong landas habang naglalakbay kayo sa dakila at kapana-panabik na pakikipagsapalarang ito sa mortalidad.
Pag-uugnay ng mga Pangyayari
Narito ang ideya ng isa sa mga dakilang innovator ng ating panahon na si Steve Jobs ng Apple: “Hindi ninyo mauunawaan ang mga mangyayari sa inyo sa pagtingin sa hinaharap; magkakaroon lamang ng katuturan ang mga ito sa paggunita sa nakaraan. Kaya kailangan ninyong magtiwala na kahit paano’y magkakaroon ng katuturan ang mga nangyayari sa inyo sa hinaharap.”1
Ano ang ibig niyang sabihin diyan? Noong mga huling taon ng ika-19 na siglo, nagsimulang magpinta ang mga pintor na katulad nina Georges Seurat at Paul Signac gamit ang isang bagong estilo na kikilalaning neo-impressionism. Ang kanilang pamamaraan ay binubuo ng paglalagay ng mga tuldok sa mga canvas gamit ang maliliit na batik-batik na kulay. Sa malapitan, makikita ninyo ang mga tuldok na ito na maaaring mukhang hindi magkakadikit at hindi maayos. Ngunit kapag tiningnan ninyo ang buong larawan, makikita ninyo kung paano naghahalo ang mga kulay ng mga tuldok at kung paano bumubuo ng mga hugis ang mga kulay na nagpapakita ng isang magandang larawan. Ang dati na tila walang direksyon at nakalilito pa ay nagkakaroon na ng katuturan.
Kung minsan ang ating buhay ay parang neo-impressionistic art. Ang tulduk-tuldok na kulay na bumubuo sa mga sandali at kaganapan sa ating buhay ay maaaring magmukhang hindi magkakakonekta at magulo kung minsan. Wala tayong nakikitang kaayusan dito. Hindi natin maisip kung may layunin man lang ito.
Gayunman, kapag itinuon natin ang ating pananaw sa kawalang-hanggan, kapag tiningnan natin ang ating buhay batay sa ebanghelyo ni Jesucristo, makikita natin kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari sa ating buhay. Maaaring hindi natin nakikita ang buong larawan sa ngayon, ngunit sa pagtitiyaga sapat ang makikita natin para magtiwala na may isang maganda at engrandeng disenyo. At kapag sinikap nating magtiwala sa Diyos at sinusunod ang Kanyang Anak na si Jesucristo, makikita natin balang-araw ang natapos na disenyo, at malalaman na mismong kamay ng Diyos ang umaakay at gumagabay sa ating mga hakbang.
Malalaman natin na noon pa pala may plano ang Dalubhasang Pintor para sa mga pangyayaring iyon sa ating buhay. Makikita natin na dinagdagan Niya ang ating mga talento, naghanda Siya ng mga pagkakataon, at ipinaalam Niya sa atin ang mga posibilidad na mas maluwalhati kaysa maiisip o magagawa natin nang mag-isa. Nakita ko na ito sa sarili kong buhay.
Ang Aking Pakikipagsapalaran sa Mortalidad
Noong batang-bata pa ako, dalawang beses na sapilitang pinaalis ang pamilya ko sa aming tahanan at iniwanan namin ang lahat. Sa dalawang pagkakataong ito, naging malinaw na ang tingin sa amin ng mga tao sa bago naming lokasyon ay “mas mababa” kami kaysa sa kanila. Para sa mga batang kaedad ko, tagalabas ako dahil sa punto ko, at kinutya at pinagtawanan nila ako dahil dito.
Ang hirap at pagod na dulot ng paglipat-lipat ng tirahan ay naging dahilan para mapag-iwanan ako sa aking pag-aaral, at nasayang ko ang isang buong taon ng pasukan sa eskuwela. Sa East Germany, nag-aral ako ng Russian bilang pangalawang wika. Mahirap, pero kinaya ko. Ngayon, sa West Germany, kinailangan kong matuto ng Ingles.
Tila imposible iyon para sa akin! Naniwala ako na hindi talaga para sa wikang Ingles ang buka ng bibig ko.
Noong tinedyer na ako, nagkagusto ako sa isang lubhang kahanga-hangang babae na maganda at malaki ang kulay-brown na mga mata. Sa kasamaang-palad, tila hindi siya interesado sa akin kahit kaunti.
Kaya hayun ako, isang medyo walang halaga at nagpupunyaging binatilyo na nabubuhay pagkaraan ng digmaan sa Germany na tila walang gaanong pagkakataong magtagumpay sa buhay.
Gayunman, may dalawang mabubuting bagay akong natutuhan. Nalaman ko na mahal ako ng aking pamilya. Sa eskuwela at sa simbahan, hinikayat ako ng mga guro na palaging taasan ang aking mga mithiin. Naaalala ko pa nang ituro ng isang Amerikanong missionary ang konseptong ito mula sa mga banal na kasulatan: “Kung ang Dios ay kakampi [mo], sino ang laban sa [iyo]?”2
May isang bagay tungkol dito na nagbigay sa akin ng malaking kapangyarihan. “Kung gayon,” naisip ko, “bakit ako matatakot?”
Kaya, naniwala ako. At nagtiwala ako sa Diyos.
May panahon na pumasok ako sa isang apprenticeship program. Hinamon ako ng isa sa mga guro ko na galingan ko pa at mag-aral ako ng mechanical engineering sa gabi. Kinailangan nito ng dagdag na pagsisikap, ngunit dahil dito ay natuklasan ko na mahilig pala ako sa pagpapalipad ng eroplano! Ikinagulat ko nang malaman ko na para maging piloto, kailangan kong matuto ng Ingles. Pero gusto kong maging piloto, at halos mahimalang nagbago ang buka ng bibig ko, at hindi na imposible sa akin na matutong magsalita ng Ingles.
Sa bagong motibasyon, bagong pangakong magpakasipag, at tiwala sa Ama sa Langit, humakbang ako nang paunti-unti na nakatulong sa akin para magkaroon ng tiwala na magagawa ko iyon. Siyempre, hindi iyon nangahulugan na palaging maayos ang lahat.
Noong 19 anyos ako, naglakbay ako patungong San Antonio, Texas, USA, para simulan ang pilot training ko sa air force. Sa eroplano, naupo ako sa tabi ng isang lalaki na may puntong Texan. Nasindak ako nang matuklasan ko na ang Ingles na pinagsikapan kong matutuhan ay hindi katulad ng Ingles na sinasalita niya!
Sa pilot training school, mahirap din ang mga bagay-bagay. Napakatindi ng kumpetisyon sa kursong iyon, na bawat isa ay gustong manguna sa pagtatapos. Agad kong natanto na hindi maganda ang sitwasyon ko dahil karamihan sa mga kaklase ko ay nagsasalita ng katutubong Ingles.
Binalaan ako ng mga flight instructor ko tungkol sa isa pang potensyal na problema—matagal akong magsimba. Masaya akong tinanggap ng mga miyembro doon sa kanilang branch at sa kanilang tahanan, at magkakasama pa kaming nagtayo ng chapel sa Big Spring, Texas. Nag-alala ang aking mga instructor na baka makasira ang mga aktibidad na ito sa pagkakataon kong mapataas ang aking marka. Hindi ko naisip ang ganoon. Kaya nagtiwala ako sa Diyos at ginawa ko ang lahat ng kaya ko.
Kalaunan, natuto ako ng Ingles, bagama’t pinag-aaralan ko pa rin ito. Nakumpleto ko ang pilot training ko—at ako ang nanguna sa pagtatapos ng klase. Naging fighter pilot ako at kalaunan ay naging airline captain. At ang babaeng pangarap ko na may maganda at kulay-brown na mga mata ang napangasawa ko.
Gawin ang Maliliit na Bagay nang Perpekto
May aral ba rito? Palagay ko may ilan!
Isa na marahil ito: Huwag mag-alala nang labis sa malalaki at mahihirap na gawain sa buhay. Kung nangangako kayong gawin ang “madadaling” bagay—ang “maliliit” na bagay na ipinagagawa sa inyo ng Diyos—at gagawin ninyo ito nang perpekto hangga’t kaya ninyo, susunod na ang malalaking bagay.
Ang ilan sa maliliit at madadaling bagay na ito na magagawa ninyo nang perpekto ay ang mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw, sundin ang Word of Wisdom, magsimba, magdasal nang may tunay na layunin, at magbayad ng ikapu at mga handog.
Gawin ang mga bagay na ito kahit ayaw ninyo. Maaaring mukhang maliliit lang ang “mga sakripisyo” na ito, ngunit mahalaga ang mga ito, dahil “biyaya’y bunga ng pagpapakasakit.”3
Sa isang banda, ang maliliit at simpleng mga sakripisyo ninyo ang mga tuldok sa araw-araw na pamumuhay na bumubuo sa obra-maestra ng inyong buhay. Maaaring hindi pa ninyo makita ang pagkakaugnay ng mga pangyayari sa ngayon, at hindi pa naman ninyo kailangan. Magkaroon lang ng sapat na pananampalataya sa kasalukuyan ninyong pamumuhay. Magtiwala sa Diyos, at “mula sa maliliit na bagay [ay darating] ang yaong dakila.”4
Magtiwala sa Diyos
Ngayon, iniisip ninyo siguro: “Opo, Elder Uchtdorf, napakadali niyan para sa inyo. Pero isa kayong Apostol. Karaniwang miyembro lang ako ng Simbahan. Hindi nasasagot ang mga panalangin ko. Walang direksyon ang buhay ko. Kung may plano man para sa akin, kakarampot lang iyon kumpara sa inyo. Tira-tira lang ang planong iyon. Isang planong ibinigay para lang ipaalam na inaalala ka ng Diyos at dapat kang makuntento sa anumang mayroon ka.”
Mahal kong mga kaibigan, kayo ay mga anak ng buhay na Diyos, ang Diyos ng sansinukob. Mahal Niya kayo, gusto Niya kayong magtagumpay, may plano Siyang inihanda para magtagumpay kayo. Alalahanin ang sinabi ni Steve Jobs: “Hindi ninyo mauunawaan ang mga mangyayari sa inyo sa pagtingin sa hinaharap; magkakaroon lamang ng katuturan ang mga ito sa paggunita sa nakaraan.”
Noong kaedad ninyo ako, hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan ng buhay ko. Wala talaga akong nakitang anumang pagkakaugnay sa mga nangyayari sa akin.
Ngunit nagtiwala ako sa Diyos. Nakinig ako sa payo ng mapagmahal na pamilya at matatalinong kaibigan, at gumawa ng maliliit na hakbang nang may pananampalataya, naniniwala na kung ginawa ko ang lahat sa sandaling iyon, Diyos na ang bahala sa lahat.
At ginawa nga Niya.
Alam Niya ang katapusan sa simula pa lang samantalang hindi ko alam iyon.
Hindi ko makita ang hinaharap, pero nakikita Niya ito.
Kahit sa mga oras ng paghihirap na akala ko ay iniwan Niya ako, kasama ko Siya—nauunawaan ko na iyan ngayon.
Sa Mga Kawikaan makikita natin ang magandang pangakong ito: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.
“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”5
Hindi ako naniniwala na may question mark sa dulo ng talatang iyon. Hindi, palagay ko dapat ay may exclamation point doon!
Kaya kailangan ninyong itanong sa inyong sarili, “Magkakaroon ba ako ng sapat na pananampalataya na manalig sa Diyos? Handa ba akong magtiwala na mahal Niya ako at nais Niya akong patnubayan sa aking landas?”
Sa katunayan, baka mahusay ninyong magawa ang maraming bagay nang mag-isa. Ngunit hinihikayat ko kayong maniwala na labis-labis na mas gaganda ang inyong buhay kung aasa kayo na gagabayan kayo ng Diyos sa inyong mga hakbang. May alam Siyang mga bagay na posibleng hindi ninyo alam, at may inihanda Siyang kinabukasan para sa inyo na hindi ninyo sukat akalain. Pinatotohanan ng dakilang si Apostol Pablo, “Walang matang nakakita, ni taingang nakarinig, ni isipang nakaisip sa naihanda ng Diyos para sa mga taong nagmamahal sa kanya”6
Gusto ba ninyo na gabayan, pagpalain, at alalayan kayo ng inyong Ama sa Langit?
Kung gayo’y maniwala.
Mahalin Siya.
Buong puso Siyang hanapin.
Lumakad sa Kanyang mga daan—na ibig sabihin ay sundin ang mga kautusan, igalang ang inyong mga tipan, sundin ang mga turo ng mga propeta, at pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu.
Gawin ito at kayo ay “daragdagan ng Panginoon nang makalibong beses at pagpapalain kayo tulad ng ipinangako niya sa inyo!”7
Nauunawaan ko na para sa ilan maaaring tila madali itong sabihin at mahirap gawin. Hindi ninyo kailangang lumayo sa kultura ngayon para marinig ang magkakasalungat na tinig na nagpapahina ng loob o nanunuya pa nga sa pananalig sa Diyos sa pangkahalatan, at lalo na sa ating relihiyon.
Ang mga tinig na iyon ay pinalalaki sa ating panahon sa pamamagitan ng walang kapantay na pag-unlad sa komunikasyon. Iyon ang inyong hamon, ngunit pribilehiyo rin ninyo ito.
Tiwala ako na makakahanap kayo ng paraan para harapin ito sa paraan ng Panginoon! Bahagi iyan ng inyong pakikipagsapalaran sa mortalidad. Ang paraan ninyo sa paggawa nito ay makaiimpluwensya nang malaki sa inyong kinabukasan at sa papel na inyong ginagampanan sa gawain ng Diyos dito sa lupa.
Gayunpaman, hindi naiiba ang inyong nararanasan sa buhay. Hindi lang kayo ang henerasyon na ang pananampalataya sa Diyos ay dumanas ng pagsubok at pangungutya. Sa katunayan, tila bahagi na ito ng pagsubok sa mundo sa lahat ng anak ng Diyos.
“Kung kayo’y taga sanglibutan,” sabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni’t sapagka’t kayo’y hindi taga sanglibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.”8
Makabubuting tanggapin ninyo ang posibilidad na sa sandaling mangako kayong sundin ang Tagapagligtas, ang mga taong nasa malaki at maluwang na gusali ay hindi sasang-ayon—nang hayagan, kung minsan.9 Maaaring tangkain nilang pagmalupitan kayo at ipahiya.
Ngunit tandaan na hindi kayo nananagot sa kanila. Nananagot kayo sa Diyos. Balang-araw tatayo kayo sa Kanyang harapan at mag-uulat ng inyong buhay.
Itatanong Niya kung ano ang ginawa ninyo para madaig ang mga tukso ng mundo at matahak ang tuwid na landas. Itatanong Niya kung sinundan ninyo ang Tagapagligtas, kung minahal ninyo ang inyong kapwa, kung masigasig kayong nagsikap na manatili sa landas ng pagkadisipulo.
Tandaan, hindi kayo makikinabang sa dalawang magkaibang paraan! Hindi kayo maaaring tumanggap ng mga dakilang pagpapala ng pagkadisipulo hangga’t patuloy kayong nagsisimba sa Babylon First Ward. Mahal na mga kaibigan, panahon na para maging tapat kay Cristo at sundan ang Kanyang landas.
Balang-araw malalaman ng lahat ng anak ng Diyos ang tama—pati na ng mga kumukutya ngayon sa katotohanan. Luluhod sila at magpapahayag na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos, ang Tagapagligtas ng mundo.10 Malalaman nila na Siya ay namatay para sa kanila.
Sa araw na iyon magiging malinaw na Kanyang tinig lamang ang talagang mahalaga.
Malalaman ninyo nang may katiyakan kung gaano kayo pinagpala dahil patuloy kayong sumampalataya, sumunod sa mga utos ng Diyos, naglingkod sa inyong kapwa, at nagtayo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa. Minamahal kong mga kaibigan, maniwala—at sasainyo ang Diyos. Ibaling ang inyong puso sa Kanya—at gagabayan Niya kayo sa inyong paglalakbay sa dakila at kapana-panabik na pakikipagsapalarang ito sa mortalidad.
“Hindi Ito Mahalaga”
Kapag pinag-uusapan natin ang pagpapagabay sa Diyos sa ating buhay, gusto kong linawin ang isang bagay. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang sasabihin ko sa inyo. Kapag itinanong ninyo sa Diyos kung ano ang gagawin sa mga desisyon ninyo sa buhay—pati na sa ilang mahahalagang desisyon—maaaring hindi Niya kayo bigyan kaagad ng malinaw na sagot. Ang totoo, kung minsa’y hindi mahalaga sa Panginoon kung ano ang desisyon ninyo, basta’t nananatili kayong tapat sa mga pangunahing tipan at alituntunin ng ebanghelyo.
Sa maraming pagkakataon, ang mga desisyon ninyo ay maaaring hindi kasinghalaga ng ginagawa ninyo matapos kayong magdesisyon.
Halimbawa, maaaring piliing magpakasal ng isang magkasintahan kahit isipin pa ng kanilang pamilya na hindi sila tama para sa isa’t isa. Gayunpaman, malaki ang pag-asa ko para sa magkasintahang iyon kung sila, matapos magdesisyon, ay nananatiling lubos na tapat sa isa’t isa at sa Panginoon nang buong puso’t isipan. Sa pakikitungo sa isa’t isa nang may pagmamahal at kabaitan at pagtutuon sa emosyonal, espirituwal, at temporal na pangangailangan ng isa’t isa—sa patuloy na paggawa ng maliliit na bagay—nagiging tama sila para sa isa’t isa.
Kabaligtaran nito ang magkasintahang iniisip na pinili nila ang “tamang” tao at pagkatapos ay inaakala na tapos na ang mabibigat na problema. Kung titigil sila sa pagsusuyuan, titigil sa pag-uusap nang sarilinan, at magiging makasarili at sarili na lang nila ang kanilang iisipin, ang magkasintahang ito ay nasa landas patungo sa pagdurusa at pagsisisi.
Ganyan din ang alituntuning angkop sa pagpili ng trabaho. Malaki ang pag-asa ko sa mga pumipili ng trabaho na hindi gaanong prestihiyoso ngunit ginagawa nila ang lahat para maging kawili-wili at makabuluhan ang kanilang trabaho.
Di-gaanong malaki ang pag-asa ko para sa mga pumipili ng tila napakagandang trabaho ngunit sa katagalan ay nawawalan ng siglang kailangan para magtagumpay sa trabaho nila. Sa katunayan, ang matagumpay na pag-angkop sa mga pagbabago sa trabaho ay magiging isa sa mga pangunahing katangiang tataglayin ng inyong henerasyon upang makaagapay sa hinaharap.
Kaya paano kayo nais ng Panginoon na gumawa ng malalaking desisyon?
Nakatulong sa akin ang Kanyang mga tagubilin kina Oliver Cowdery at Joseph Smith. Sabi sa kanila ng Panginoon, “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama.”11
Binigyan na kayo ng Ama sa Langit ng utak at puso. Kung nagtitiwala kayo sa Kanya, tutulungan Niya kayong gamitin pareho ang mga ito sa paggawa ninyo ng desisyon.
Sa maraming desisyon, marami kayong magagandang opsiyon na pagpipilian. Nang mangyari ito kay Joseph at sa kanyang mga kasama, ginamit ng Panginoon ang isang magandang parirala nang hingin nila ang Kanyang patnubay: “Hindi ito mahalaga.”12
Ngunit agad idinagdag ng Panginoon, “Maging matapat lamang.”13
Ang tungkulin ninyo ay gumawa ng pinakamagagandang desisyon batay sa impormasyong alam ninyo, na nakabatay sa mga pinahahalagahan at alituntunin ng ebanghelyo. Pagkatapos ay magsikap nang buo ninyong lakas para magtagumpay sa mga bagay na ginagawa ninyo—at maging matapat.
Gawin ninyo iyan, at magkakaugnay-ugnay ang mga pangyayari.
Marahil ay hindi kasiya-siyang marinig na hindi kinakailangang ibigay sa inyo ng Diyos ang detalyadong gagawin sa inyong paglalakbay sa buhay. Ngunit gusto ba ninyo talaga ng direksyon sa bawat detalye ng inyong buhay? Gusto ba ninyo talaga na may isang taong nagbibigay sa inyo ng mga kodigo sa buhay bago kayo magkaroon ng pagkakataong malaman ang mga bagay-bagay para sa inyong sarili? Anong klaseng pakikipagsapalaran kaya iyon?
Mahal kong mga kaibigan, minsan lang ninyo daranasin ang pakikipagsapalarang ito sa mortalidad. Hindi kaya mawala sa isang planadong buhay ng indibiduwal na may kasamang mga problema at sagot sa lahat ng mahahalagang tanong sa buhay ang pagkakataon ninyong makadama ng kasiyahan sa tagumpay at maragdagan ang inyong tiwala sa Panginoon at sa sarili ninyo?14
Dahil binigyan na kayo ng Diyos ng kalayaan, marami kayong mapipiling direksyon at magiging kasiya-siya pa rin ang inyong buhay. Ang mortalidad ay isang kuwento ng pakikipagsapalaran na kayo mismo ang pumipili ng kahihinatnan. Nasa inyo ang mga kautusan, mga tipan, inspiradong payo ng mga propeta, at kaloob na Espiritu Santo. Sobra-sobra na iyan para lumigaya kayo sa mundo at sa kawalang-hanggan. Sa kabila niyan, huwag mawalan ng pag-asa kung nakakagawa kayo ng ilang desisyon na di-gaanong perpekto. Diyan kayo natututo. Bahagi iyan ng pakikipagsapalaran!
Wala talagang mga pakikipagsapalarang walang hirap mula simula hanggang wakas, ngunit kung kayo ay matapat, makatitiyak kayo na magiging masaya ang wakas. Gawin nating halimbawa si Jose ng Egipto. Sa maraming paraan, puro kapahamakan ang buhay niya. Ipinagbili siya ng kanyang mga kapatid para maging alipin. Nabilanggo siya sa kasalanang hindi niya ginawa. Sa kabila ng mga kalunus-lunos na sitwasyong ipinaranas sa kanya, nanampalataya pa rin siya. Nagtiwala siya sa Diyos. Masaya niyang tinanggap ang lahat ng iyon. Sa paglipas ng mga taon—kahit mukhang nakalimutan at napabayaan na siya—nanalig siya. Patuloy na ibinaling ni Jose ang kanyang puso sa Diyos. At ipinakita ng Diyos na magagawa Niyang positibo ang mga negatibong bagay.15
Ngayon, pagkaraan ng 4,000 taon, inspirasyon pa rin sa atin ang kuwento ni Jose.
Maaaring hindi pambihira ang inyong pakikipagsapalaran na katulad ng sa kanya, ngunit magkakaroon din ito ng mga tagumpay at kabiguan. Kaya, tandaan ninyo ang halimbawa ni Jose. Manatiling tapat. Manalig. Maging matapat. Huwag sumama ang loob. Huwag mang-api. Mahalin ang Diyos. Mahalin ang inyong kapwa. Magtiwala sa Diyos, kahit tila wala nang pag-asa.
Maaaring hindi pa ninyo nakikita sa ngayon, ngunit balang-araw ay lilingunin ninyo ang nakaraan at malalaman ninyo na tunay ngang pinatnubayan at ginabayan ng Panginoon ang inyong landas.
At nagkaugnay-ugnay nga ang mga pangyayari.
Limang Bagay na Tatandaan
Hanggang sa sumapit ang araw na iyon, maaari bang tandaan ninyo ang limang bagay?
Una, dapat ninyong malaman na ang mga sagot ng Diyos sa pinakamalalalim na tanong ninyo ay maaaring mangailangan pa ng kaunting panahon at maaaring dumating sa paraang hindi ninyo inaasahan. Ang mga sagot ng Diyos ay walang hanggan ang kahalagahan. Sulit ang paghihintay.
Pangalawa, manampalataya nang kaunti. Ibaling ang inyong puso sa Diyos. Maniwala na mahalaga kayo sa Diyos, at magtiwala na higit ang magagawa Niya sa inyo kaysa magagawa ninyo sa inyong sarili. Matuto sa Kanya. Mahalin Siya. Paniwalaan Siya. Kausapin Siya palagi, nang marubdob. Pakinggan ang Kanyang tinig.
Pangatlo, tahakin sa abot ng inyong makakaya ang landas ng pagkadisipulo. Huwag panghinaan ng loob. Gawin lamang ang maliliit na bagay nang perpekto hangga’t kaya ninyo, at malalagay sa tamang lugar ang malalaking bagay.
Pang-apat, huwag hayaang ilihis kayo ng mga tinig na nagpapahina ng loob mula sa landas ng pananampalataya. Tandaan, hindi kayo nananagot sa inyong mga kritiko. Nananagot kayo sa inyong Ama sa Langit. Mahalaga ang Kanyang mga pamantayan.
Panglima, gawin ang pinakamagagandang desisyong magagawa ninyo sa pagsunod sa mga pahiwatig na dumarating sa inyong puso’t isipan. Buong pagsisikap na tapusin ang gawain. Manampalataya, at ilalaan ng Diyos ang inyong taimtim na mga pagsisikap para sa inyong walang-hanggang kapakanan.16
Gawin ninyo ito, at sa huli, magiging maayos ang lahat.
Habang hinahangad ninyong sundin ang inyong Tagapagligtas, lalago ang inyong tiwala.17 At habang nabubuhay kayo nang may katapatan at binubuksan ninyo ang inyong puso sa Liwanag ni Cristo, mag-iibayo ang inyong pagmamahal sa Diyos at malilinang ang kakayahan ninyong mahalin ang inyong kapwa.
At lahat ng ito ay magdudulot sa inyo ng kaligayahan at kagalakan.
Magdudulot ito sa inyo ng kapayapaan.
Balang-araw, magdudulot ito sa inyo ng walang-hanggang kaluwalhatian.
Sa araw na iyon, maaalala ninyo ang natatangi at kapana-panabik na pakikipagsapalarang ito sa mortalidad, at mauunawaan ninyo. Makikita ninyo na nagkaugnay-ugnay nga ang mga pangyayari at nakabuo ng isang magandang larawan, na talagang higit na dakila kaysa inyong inakala.
Sa di-masambit na pasasalamat, makikita ninyo na ang Diyos mismo, sa Kanyang saganang pagmamahal, biyaya, at habag, ay laging nariyan at binabantayan kayo, pinagpapala kayo, at ginagabayan ang inyong mga hakbang patungo sa Kanya.