“Stained Glass,” Liahona, Marso 2019
Digital Lamang
Ang Stained Glass sa Rome Visitors’ Center
Ang stained glass window sa Rome Italy Temple Visitors’ Center ay hindi lamang maganda kundi isa ring malakas na patotoo.
Ang kumikinang na kagandahan ng stained glass ay nagbibigay-liwanag sa mga templo sa buong mundo. Mayroong isang espesyal na bagay tungkol sa maadornong mga disenyo at larawan sa loob ng mga obra-maestrang ito na makakaantig sa mga puso at magpapatatag ng patotoo sa kakaibang paraan.
Kahanga-hangang katulad ng mga bintana ang oras, hirap, at tiyagang kinakailangan sa paglikha ng kahit pinakasimpleng disenyo. Dahil walang dalawang salamin ang magkatulad, kailangang piliing mabuti ng mga artist o manlilikha kung anong salamin ang gagamitin. Lahat ng salamin ay maingat na tinatabas at kinikiskis ang gilid sa isang partikular na hugis. Ipinipinta ang mga detalye sa salamin at pinaiinitan para tumibay. Pagkatapos ay maingat na inilalagay ang mga piraso sa tamang posisyon at tinatapalan ng manipis na tingga ang gilid. Pinagkakabit-kabit ang mga ito gamit ang panghinang (metal na natutunaw sa kaunting init at tumitigas kaagad). Pagkatapos kadalasa’y sinisimentuhan ang nagawa para hindi na gumalaw ang salamin sa loob ng tingga at hindi pasukin ng tubig ang bintana.
Nasasaisip ang kumplikadong prosesong iyon, isipin ang malaking trabahong kinakailangan sa paglikha ng isang malaking stained glass mural na nagpapakita ng mortal na ministeryo ni Cristo, dahil iyon mismo ang mahimalang nagawa nina Tom at Gayle Holdman ng Provo, Utah, USA, at ng isang pangkat ng mga artist, designer, at model nang wala pang isang taon. Ang natapos na produkto ay nakadispley sa Rome Italy Temple Visitors’ Center at talagang makapigil-hininga.
Pagsisimula ng Proyekto
Sa simula, kasama sa mga plano para sa Rome Temple Visitors’ Center ang paglalagay ng isang video wall, ngunit kinansela ang ideyang iyon, kaya nagkaroon ng pagkakataon na malagyan iyon ng stained glass window. Nagplano sila ng isang tagpo para sa bintana; at saka sila nagpasok ng mga aktor na naka-costume para mag-pose para doon, kaya nakabuo ng disenyo ang mga artist para sa bintana.
“Tumindi nang tumindi ang pakiramdam namin na ituloy ang isang disenyo,” sabi ni Brother Holdman. “Humantong kami sa paggawa ng isang kumplikadong krokis ng buong larawan para makuha namin ang emosyon ng mga aktor.” Nang magawa ang huling krokis, nakapagsimula na si Tom na gawin ang salamin.
Makikita sa bintana ang Tagapagligtas at Kanyang Labindalawang Apostol noong nagmiministeryo Siya sa lupa. Inilagay nila iyon nang maayos sa gitna ng visitors’ center para ito ang unang makita ng mga bisita sa pagpasok nila sa gusali. Pagkatapos kapag naglakad ang mga bisita papunta sa kabilang panig ng bintana, makikita nila ang marmol na mga estatuwa ng Christus at ng orihinal na Labindalawang Apostol.
Mga Talinghaga tungkol sa mga Talinghaga
Ang isa sa mga kagandahan ng stained glass window na ito ay hindi ito nagpapakita ng isang tagpo lamang mula sa ministeryo ng Panginoon sa lupa. Sa tila nag-iisang tagpo sa unang tingin, si Jesucristo at ang Labindalawang Apostol ay nasa gitna ng mga titik at simbolong kumakatawan sa mga kaganapan at mga tao mula sa ministeryo ng Panginoon sa lupa at sa bawat talinghagang itinuro Niya. Nasasabik ang mga Holdman na makita ng mga bisita ang obrang ito at mahanap at maituro ang mga paborito nilang kuwento tungkol kay Cristo.
Ang paglalarawan sa babae sa may balon ay lalo nang kumplikado. Hindi lang ang babae sa may balon ang isinasagisag niya; inaabot niya ang Tagapagligtas tulad ng ginawa ng babaeng inaagasan ng dugo, at ang mga bato sa tabi niya ay sagisag ng babaeng pinaratangang nangalunya na dinala para batuhin.
“Ang babae sa may balon ay isa sa mga paborito kong bahagi ng bintanang ito dahil isinasagisag niya ang maraming iba’t ibang kababaihan mula sa Bagong Tipan,” sabi ni Sister Holdman. “Bawat isa sa kababaihang iyon ay mukhang may ibang pangangailangan, ngunit sa huli ay kailangan lang silang mapagaling. Ang mga kuwento at pananampalataya nila ay talagang nagpapatotoo sa akin, at sana’y sa maraming bisita, tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpagaling.”
Isang Nagniningning na Kasangkapan sa Gawaing Misyonero
Ang isa sa pinakamatataas na inaasam ng mga Holdman ay ang makatulong ang kanilang stained glass sa gawaing misyonero sa visitors’ center. “Ang buong obrang ito ay nilikha para magpakita ng patotoo tungkol kay Cristo,” paliwanag ni Sister Holdman. Kabilang sa obra ang mga simbolo at elemento ng pagsilang ni Cristo, Pagpapako sa Krus, Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at marami pang ibang simbolo tungkol sa Kanya.
“Nagsama kami ng imahe na nakikita sa loob ng iba pang mga relihiyong Kristiyano tulad ng krus at koronang tinik para may pamilyar na karaniwang paniniwalang mapag-usapan ang mga investigator at missionary,” sabi ni Brother Holdman. “Ang buong bintanang ito ay nagpapakita na ang mahalaga sa kanila ay mahalaga sa atin. Ipinapakita nito na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang simbahang Kristiyano. Sana’y matulungan nito ang mga tao na lubos na maunawaan iyan.”
Paglikha
Matapos magtrabaho nang walang-kapaguran para matapos ang mahimalang proyektong ito nang wala pang isang taon, nakadama ng pagpapakumbaba at labis na nagalak sina Brother at Sister Holdman na makitang nalikha na ang magandang obrang ito. “Talagang makikita ninyo sa obra kung paano nagkakaugnay ang lahat ng kuwento tungkol sa ministeryo ni Cristo at nauugnay rin sa atin ngayon,” sabi ni Sister Holdman. “Hindi tayo gaanong kaiba sa mga taong nabuhay noong panahon ni Cristo dahil kailangan natin Siya at ang Kanyang mga turo tulad nila noon.”
“Ginawa at dinisenyo namin ang obrang ito para lahat ng linya ng salamin ay nakaturo sa puso ng Tagapagligtas sa gitna ng obra,” paliwanag ni Brother Holdman. “Mula sa mga gusali hanggang sa tangkad ng mga tao, lahat sa obrang ito ay nakatuon sa Kanya.”