Mga Alituntunin ng Ministering
Paano Ibahagi ang Patotoo sa Mas Natural na Paraan
Ang ministering ay ang pagbibigay ng patotoo. Ang pleksibilidad ng ministering ay makadaragdag sa mga pagkakataon nating magbahagi ng patotoo sa mga pormal at di-pormal na paraan.
Tayo ay nakipagtipan na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Ang ating mga pagpapatotoo ay bahagi ng pagtayo bilang saksi at mabisang paraan ito para anyayahan ang Espiritu Santo na antigin ang puso ng isang tao at baguhin ang kanilang buhay.
“Ang patotoo—tunay na patotoo, na gawa ng Espiritu at pinagtibay ng Espiritu Santo—ay nagpapabago ng buhay,” sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.1
Ngunit ang pagbabahagi ng ating patotoo ay maaaring nakakatakot o hindi komportable dito ang ilan sa atin. Marahil ito ay dahil iniisip natin na ang pagbabahagi ng ating patotoo ay isang bagay na ginagawa natin sa pulong ng pag-aayuno at pagpapatotoo o kapag nagtuturo ng isang lesson. Sa mga pormal na sitwasyong iyon ay madalas nating ginagamit ang ilang salita at parirala na tila wala sa lugar sa isang natural na pakikipag-usap.
Ang pagbabahagi ng ating patotoo ay maaaring maging mas regular na pagpapala sa ating buhay at sa buhay ng iba kapag nauunawaan natin kung gaano kasimple na magbahagi ng mga pinaniniwalaan natin sa pang-araw-araw na tagpo. Narito ang ilang ideya na tutulong sa iyo na magsimula.
Panatilihin Itong Simple
Ang isang patotoo ay hindi kailangang magsimula sa pariralang “Gusto kong magpatotoo,” at hindi ito kailangang magtapos sa, “Sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Ang patotoo ay isang pagpapahayag ng ating pinaniniwalaan at nalalaman nating totoo. Kaya ang pakikipag-usap sa iyong kapit-bahay sa kalye tungkol sa isang problemang mayroon siya at ang pagsasabi ng, “Alam kong sinasagot ng Diyos ang mga panalangin,” ay maaaring kasing bisa ng anumang patotoong ibinahagi sa pulpito sa simbahan. Ang bisa ay hindi nagmumula sa mabubulaklak na pananalita; nagmumula ito sa Espiritu Santo na nagpapatibay ng katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:7–8).
Itugma sa Daloy ng Karaniwang Pakikipag-usap
Kung handa tayong magbahagi, may mga pagkakataon sa ating paligid para magpatotoo sa mga pang-araw-araw na pakikipag-usap. Halimbawa:
-
May nagtanong sa iyo tungkol sa iyong katapusan ng linggo. “Napakaganda,” ang sagot mo. “Simbahan talaga ang kailangan ko.”
-
May isang taong nagpahayag ng pakikiramay matapos malaman ang tungkol sa isang hamon sa iyong buhay: “Ikinalulungkot ko.” Sumagot ka ng: “Salamat sa malasakit mo. Alam kong tutulungan ako ng Diyos na malampasan ito. Sinamahan Niya ako noon.”
-
May nagsabing: “Magbago na sana kaagad ang masungit na panahon na ito,” o “Siguradong huli na naman ang bus,” o “Grabe ang trapik na ito.” Maaari kang sumagot ng: “Sigurado akong tutulong ang Diyos na gawing maayos ang lahat.”
Ibahagi ang Iyong mga Karanasan
Madalas nating pag-usapan ang tungkol sa ating mga problema. Kapag may nagsabi sa iyo ng tungkol sa pinagdaraanan nila, maaari kang magbahagi ng isang panahon na tinulungan ka ng Diyos sa iyong mga pagsubok at magpatotoo na alam mong matutulungan din Niya sila. Sinabi ng Panginoon na pinalalakas Niya tayo sa ating mga pagsubok “upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap” (Mosias 24:14). Makatatayo tayo bilang Kanyang mga saksi kapag nagpatotoo tayo kung paano Niya tayo tinulungan sa ating mga pagsubok.
Maging Handa
Para sa ilan sa atin, ang biglaang pagbabahagi ng patotoo ay maaaring nakakatakot. Mayroong mga paraan para makapagplano tayo nang maaga at “lagi [tayong maging handa sa] pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa [atin] ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa [atin]” (I Ni Pedro 3:15).
Una, ang pagiging handa ay maaaring mangahulugan ng pagtingin natin sa paraan ng ating pamumuhay. Inaanyayahan ba natin ang Espiritu Santo sa ating buhay at pinalalakas ang ating mga sariling patotoo bawat araw sa pamamagitan ng matuwid na pamumuhay? Binibigyan ba natin ng mga pagkakataon ang Espiritu na kausapin tayo at bigyan tayo ng mga salitang kailangan natin sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan? Tulad ng ipinayo ng Panginoon kay Hyrum Smith, “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila” (Doktrina at mga Tipan 11:21).
Pangalawa, ang pagiging handa ay maaaring mangahulugan na tinatanaw mo ang hinaharap at isinasaalang-alang ang mga pagkakataon na makapagbabahagi ka ng patotoo sa araw na iyon o sa linggong iyon. Maaari kang maghanda para sa mga pagkakataong iyon sa pamamagitan ng pag-iisip kung paano ka mabibigyan ng mga ito ng pagkakataon na ibahagi ang mga pinaniniwalaan mo.
Manatiling Nakatuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang Doktrina
Itinuro ni Pangulong Ballard, “Bagama’t mapapatotohanan natin ang maraming bagay bilang mga miyembro ng Simbahan, may mahahalagang katotohanan tayong dapat iturong lagi sa isa’t isa at ibahagi.” Bilang mga halimbawa, itinala niya: “Ang Diyos ang ating Ama at si Jesus ang Cristo. Ang plano ng kaligtasan ay nakasentro sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ipinanumbalik ni Joseph Smith ang kabuuan ng walang hanggang ebanghelyo ni Jesucristo, at ang Aklat ni Mormon ay katibayan na ang ating patotoo ay tunay.” Kapag ipinahayag natin ang taos-pusong mga katotohanang ito, inaanyayahan natin ang Espiritu na magpatotoo na ang sinabi natin ay totoo. Binigyang-diin ni Pangulong Ballard na “hindi mapipigilan ang Espiritu kapag dalisay ang patotoo kay Jesucristo.”2
Ang Halimbawa ng Tagapagligtas
Pagod mula sa paglalakbay sa Samaria, huminto ang Tagapagligtas sa isang balon at nakita ang isang babae roon. Nagsimula Siyang makipag-usap tungkol sa pagkuha ng tubig sa balon. Ang pang-araw-araw na gawaing ito na ginagawa ng babae ang nagbigay kay Jesus ng pagkakataon na magpatotoo sa tubig na buhay at buhay na walang hanggan na maaaring matanggap ng mga naniniwala sa Kanya (tingnan sa Juan 4:3–15, 25–26).
Ang Isang Simpleng Patotoo ay Makapagpapabago ng mga Buhay
Nagkuwento si Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa isang nars na nagtanong sa noon ay Dr. Nelson matapos ang isang mahirap na operasyon. “Bakit hindi kayo katulad ng ibang mga surgeon?” Ang ilang surgeon na kilala niya ay mainitin ang ulo at nagmumura habang isinasagawa ang nakaka-stress na mga operasyon.
Maaaring sumagot si Dr. Nelson ng anuman sa napakaraming paraan. Ngunit sumagot lamang siya ng, “Dahil alam kong totoo ang Aklat ni Mormon.”
Ang kanyang sagot ang nag-udyok sa nars at sa kanyang asawa na pag-aralan ang Aklat ni Mormon. Kalaunan ay bininyagan ni Pangulong Nelson ang nars. Pagkaraan ng ilang dekada, habang namumuno sa isang kumperensya sa stake sa Tenessee, USA, bilang bagong-tawag na Apostol, nasiyahan si Pangulong Nelson sa isang di-inaasahan na muling pagkikita nila ng nars na ito. Isinalaysay ng nars na ang kanyang pagbabalik-loob, na bunsod ng simpleng patotoo ni Pangulong Nelson at ng impluwensya ng Aklat ni Mormon, ang tumulong sa pagbabalik-loob ng 80 iba pa.3
Paanyayang Kumilos
Huwag matakot na ibahagi ang iyong patotoo. Mapagpapala nito ang mga pinaglilingkuran mo. Paano mo magagamit ang mga ideyang ito o ang sarili mong ideya para ibahagi ang iyong patotoo ngayon?