2019
Pag-aaral ng Bagong Paraan ng Pag-aaral
Marso 2019


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pag-aaral ng Bagong Paraan ng Pagkatuto

Habang sumusulong tayo, isipin ang limang alituntuning ito na gagabay sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo.

Dalawang buwan na mula nang simulan nating gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa Primary, sa Sunday School, at sa tahanan. Ano ang mga unang impresyon mo? Paano nakatulong sa iyo at sa iyong pamilya ang bagong resources?

Pag-isipan ang mga sagot mo sa mga tanong na ito habang binabasa mo ang sumusunod na mga alituntunin na makakatulong para matagumpay nating magamit ang bagong resources na ito. Tatalakayin natin kung paano magagamit ang limang alituntuning ito kapwa sa mga mag-aaral at sa mga guro.

Larawan
woman studying

Alituntunin 1: Ang bagong kurikulum ay tungkol sa pagpapahusay ng pag-aaral sa tahanan.

Para sa mag-aaral:

May 168 oras sa isang linggo, at ilan lamang sa mga oras na iyon ang ginugugol sa simbahan. Kaya kahit maaaring marami kang natututuhan sa mga klase ninyo sa Simbahan, nanaisin mo ring sikaping matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo sa buong linggo. Isipin na parang ehersisyo ang espirituwal na pag-aaral: makakakita ka ng mas malalaking pakinabang kung mag-eehersisyo ka nang ilang beses sa isang linggo kaysa kung isang araw ka lang mag-ehersisyo sa isang linggo. At kapag nag-aral ka ng mga banal na kasulatan sa bahay, mapupuno ka ng mga kabatiran at espirituwal na pang-unawa na magpapala sa buhay mo at ng iba habang ibinabahagi mo ang natututuhan mo.

Para sa guro:

Maaaring hindi sapat ang magbigay lang ng magandang lesson bawat Linggo. Ang isa sa mga dapat na mithiin ng isang guro ay maghikayat ng personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan. Ano ang naging mga karanasan ng miyembro ng klase sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa linggong ito? Anong mga kabatiran ang maibabahagi nila? Maaaring makatulong na ituring ang iyong tungkulin na parang sa isang choir director na nagtuturo ng pagkanta at paglalabas ng lahat ng boses sa isang magandang himig. Maaari mong ituro ang isang lesson, pamahalaan ang talakayan, at dalhin ang lahat ng alam mo sa karanasan, ngunit hindi ka makakagawa ng nakakaantig na musika kung hindi ibabahagi ng mga miyembro ng klase ang sarili nilang mga kabatiran at inspirasyon.

Alituntunin 2: Nais ng Panginoon na matuto at lumago tayo sa ating pag-unawa sa doktrina.

Para sa mag-aaral:

Kapag pinag-aralan mo ang mga banal na kasulatan, maaari kang makakita ng mga katotohanan ng ebanghelyo—doktrina—na makakatulong sa iyo na makilala ang Diyos at makasumpong ng higit na pag-unawa para harapin ang mga hamon mo sa buhay. Maaari mo ring malaman na ang ilang katotohanan ng ebanghelyo ay inihayag nang direkta sa teksto samantalang ang iba naman ay ipinahiwatig. Isipin na ang paghahanap mo ng katotohanan ay parang paghahanap ng nakabaon na kayamanan. Maaaring kailanganin mong magsikap nang kaunti para mahayag at matuklasan ang katotohanan, ngunit sa huli, mapapasaiyo ang “pinakamaningning na gantimpalang mahahangad.”1

Para sa guro:

Ang mga guro ay higit pa sa mga facilitator at moderator; obligasyon nilang ituro ang doktrina—magpatotoo, gumabay, at maghikayat. Habang naghahanda kang magturo sa pamamagitan ng pag-aaral, pagninilay, at pagdarasal, magiging handa kang tulungan ang mga tinuturuan ninyo na mas makaunawa at kumilos ayon sa isang inspiradong doktrina. Magtiwala sa tungkulin mo bilang guro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa sama-samang pagsisikap, makakapagturo ka nang higit na katulad ng Tagapagligtas.

Larawan
woman teaching at church

Alituntunin 3: Ang personal na paghahayag ay mahalaga sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo sa Simbahan.

Para sa mag-aaral:

Inanyayahan kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga miyembro ng Simbahan na “dagdagan ang [kanilang] espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”2 Habang pinag-aaralan mo ang salita ng Diyos, ipinapakita mo sa Kanya na nais mong makatanggap ng paghahayag. Ang personal na paghahayag ay kadalasang dumarating kapag pinag-aaralan mo ang paghahayag na naibigay na ng Panginoon sa Kanyang mga propeta. Kung babaguhin mo ang pananalita sa ikasiyam na saligan ng pananampalataya: kapag pinag-aaralan mo ang lahat ng “naihayag ng Diyos,” naihahanda mo ang iyong sarili na matanggap ang lahat ng “Kanyang ipinahahayag ngayon” at lahat ng “ihahayag pa Niya.”

Kapag nakatanggap ka ng paghahayag, ugaliing itala ang mga impresyon mo at kumilos ayon dito. Hindi lamang nito ipinapakita sa Panginoon na pinahahalagahan mo ang mga bagay na itinuturo Niya sa iyo, kundi para magbago tayo sa natututuhan natin, kailangan nating ipamuhay ito.3

Para sa guro:

Ang paghahayag kung ano ang ituturo sa klase ay maaaring dumating sa iyo sa maraming paraan. Maaari itong dumating habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan para sa iyong sarili. O maaari ring habang nirerebyu mo ang resources sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa tahanan o para sa mga klase sa Simbahan. Kapag dumating ang inspirasyon, magtala at kumilos ayon sa mga impresyong natatanggap mo.

Kahit matapos mong planuhin kung ano ang maaari ninyong gawin sa klase, huwag kang mangambang tumugon sa inspirasyon sa oras ng klase para tugunan ang mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo.

Alituntunin 4: Ang mga bagong materyal ay resources o sanggunian, hindi ang source o pinagkukunan.

Para sa mag-aaral:

Ang salita ng Diyos ay pinagkukunan ng espirituwal na kaalaman at kalakasan. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay nilayon na maging resource para suportahan ang iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya. Gamitin ito bilang gabay o tulong sa pag-aaral mo ng Bagong Tipan. Kung ikaw ay isang magulang, magagamit mo ito para magplano ng masasayang karanasan sa family home evening at suportahan ang iyong pamilya sa sama-samang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ang mga single adult ay maaaring magtipon at gamitin ito para pag-aralan ang mga banal na kasulatan bilang isang grupo. Gamitin ang resource sa anumang paraan na nakakatulong sa iyo at sa iyong pamilya na makahugot ng lakas na nagmumula sa pag-aaral at pagkilos ayon sa salita ng Diyos.

Para sa guro:

Tandaan na ang mga miyembro ng klase mo ay nagkakaroon ng magagandang karanasan habang nag-aaral sila sa tahanan. Mag-ukol ng oras sa bawat klase para alamin kung ano ang natututuhan nila. Ang resources na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa Sunday School at Primary ay may mga iminungkahing aktibidad para tulungan kang gumawa ng nakatutuwang mga karanasan sa pag-aaral para sa mga tinuturuan mo. Ngunit huwag kang maglimita sa nakasulat sa mga pahina. Baguhin mo ang mga aktibidad o gumawa ka ng iba na sa pakiramdam mo ay magpapaibayo ng pananampalataya, pang-unawa, at mga patotoo ng mga miyembro ng klase. Kung di-gaanong gusto ng ilang mag-aaral na magbahagi, OK lang. Tulungan silang malaman na ang pananampalataya nila ay naipapahayag din sa pagdalo at pagnanais na marinig ang salita ng Diyos.

Alituntunin 5: Mapapahusay natin ang ating mga pagsisikap na maglingkod sa iba.

Para sa mag-aaral:

Ang mga pagsisikap mong maglingkod sa iba ay mapagpapala ng natututuhan mo sa mga banal na kasulatan. Maaari kang makakita ng isang bagay sa iyong pag-aaral na maibabahagi mo sa iba. Sa Bagong Tipan lalo na, makakakita ka ng mga halimbawa sa banal na kasulatan kung paano naglingkod ang Tagapagligtas at ang iba sa mabibisang paraan. Ang paanyaya ng Panginoon na “pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Lucas 18:22) ay tungkol sa gagawin mo matapos kang mag-aral—na ipinamumuhay ang mga bagay na natututuhan at nadarama mo. Kaya habang pinag-aaralan mo ang buhay ni Jesucristo ngayong taon, hanapin kung ano ang itinuturo ng buhay Niya sa iyo kung paano maglingkod sa iba at paano mapagpapala ng sarili mong paglilingkod ang buhay ng mga nasa paligid mo.

Para sa guro:

Ang guro ay responsable sa paglilingkod hindi lamang sa mga taong dumadalo sa klase kundi maging sa mga hindi dumadalo. Bilang guro, dapat mong malaman kung sino ang nasa klase at sino ang hindi. Maaari kang maglingkod sa mga miyembro sa labas ng klase sa pamamagitan ng pagbisita sa kanila sa bahay nila, pagtawag sa kanila sa telepono, o pagpapadala sa kanila ng text o email, at paghikayat sa kanila na makibahagi sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan at sa simbahan. Ang impluwensya mo ay higit pa sa nalalaman mo, at ang pagmamahal at malasakit mo sa iba ay gagawa ng kaibhan.

Kapag nanatili tayong nakatuon sa gumagabay na mga alituntunin sa likod ng bagong kurikulum na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, mas magtatagumpay tayo sa paggawa nitong bahagi ng ating buhay at pagtutulot dito na baguhin ang ating buhay sa mga paraang nilayon ng Diyos.

Mga Tala

  1. “Sabihin, Ano ang Katotohanan?” Mga Himno, blg. 173.

  2. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.

  3. Tingnan sa Richard G. Scott, “Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Liahona, Nob. 2009, 6–9.

Print