2019
Tiniyak ang Aking Kahalagahan
Marso 2019


Tiniyak ang Aking Kahalagahan

Ang pagkilala ko sa aking mga ninuno ay nagbigay sa akin ng lakas-ng-loob upang labanan ang aking mga espirituwal na laban.

Larawan
mending a broken heart

Paglalarawan ni Alex Nabaum

Noong mga 11 taong gulang ako, nalantad ako sa pornograpiya. Ang isang pagkakataong iyon ay nauwi sa mas malaking problema na naging pinakamahirap na pakikibaka sa aking kabataan. Noong nasa mataas na paaralan na ako, tumalikod na ako sa pornograpiya at bumaling sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kahit na nakaranas ako ng himala sa pagbubura ng kalaswaan sa aking isipan, nakakaramdam pa rin ako ng labis na pang-uusig ng budhi sa aking puso.

Sa panahong ito, ipinahiram sa akin ng aking lola ang sulat-kamay na talambuhay ni Thea, ang lola-sa-tuhod ng aking ina. Sa loob ng ilang araw ay nakaramdam ako ng malalim na koneksiyon kay Thea Martina Waagen (1883–1967). Kalunos-lunos na namatay ang tatay ni Thea ilang buwan na lamang bago siya ipinanganak, kaya pinalaki siya ng kanyang balong inang dumayo mula sa Norway. Mahirap ang buhay habang lumalaki siya, pero nakahanap siya ng kaligayahan sa pagpitas ng mga ligaw na strawberry at pagtugtog ng organ sa kanilang lokal na simbahang Lutheran. Nag-asawang muli ang ina ni Thea, at sa tulong ng kanyang amain, nakapag-aral siya sa kolehiyo. Kalaunan sa kanyang buhay, si Thea at ang kanyang pamilya ay sumapi sa Simbahan at lumipat sa Utah, USA. Hindi naging madali ang mga bagay-bagay para kay Thea. Siya at ang kanyang asawa ay nagdiborsiyo. Nakaranas siya ng labis na kabiguan at matinding depresyon, ngunit nanatili siyang tapat sa kanyang patotoo.

Nang malaman ko ang tungkol kay Thea at sa pagpili niyang magtiyaga sa kahirapan, nakaramdam ako ng matinding pagmamahal na tumiyak sa akin ng sarili kong kahalagahan at tumulong sa aking malagpasan ang nakakaparalisang pang-uusig ng aking budhi. Napagtanto ko na kung kinaya niyang gawin ang mahihirap na bagay, kakayanin ko rin.

Pumunta ako sa LDS.org at humingi ng kopya ng patriarchal blessing ni Thea. Mas napukaw ako nang mabasa ko, “Ang mga binhi ng iyong sinapupunan ay titindig at tatawagin kang pinagpala sa lahat ng mga kababaihan sa Sion.” Napagtanto ko na ang masidhi kong pagrespeto sa kanya ay katuparan ng simpleng pangungusap na iyon. Ang pagmamahal ni Thea ay nakatulong sa paghilom ng aking puso sa pagkakonsensya at nagbaling ng aking puso sa aking mga ninuno. Ito ang unang pagsaksi ko sa pangako ni Elder David A. Bednar na sa pakikilahok sa gawain ng family history, ako ay “mapoprotektahan laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Liahona, Nob. 2011, 27).

Nakaramdam ako ng karagdagang lakas at kalinawan sa aking buhay sa patuloy kong pagsasaliksik sa aking pamilya at pag-alam sa kanilang mga kuwento. Sa patuloy na pakikilahok sa mga aktibidad tungkol sa family history, naramdaman kong tila nagkaroon ako ng hukbo ng mga kakampi na tutulong sa akin na lumaban sa aking mga espirituwal na laban. Kaya kong mamuhay nang walang takot dahil “ang sumasaatin [ang ating mga ninuno] ay higit kay sa sumasa kanila [mga tagasunod ni Satanas]” (II Mga Hari 6:16).

Kahit na hindi ko pa natatagpuan ang libu-libong pangalan ng aking pamilya na dadalhin sa templo, nalaman ko ang mga kuwento ng aking mga ninuno at kinilala ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng masusing pananaliksik. Naglaan ako ng oras upang alalahanin ang kanilang mga buhay at igalang ang kanilang mga pamana. Alam ko na napalakas ako at naprotektahan laban kay Satanas dahil sa pagpuno ko sa aking buhay ng liwanag ng aking pamilya.

Print