2019
Isang Aral sa Pagmamaneho
Marso 2019


Isang Aral sa Pagmamaneho

Julio Meza Michel

Chihuahua, Mexico

driving

Panatag ako at hindi nagmamadali nang magmaneho ako pauwi. Pagkatapos, bigla kong narinig ang paulit-ulit na malakas na pagbusina ng isang kotse.

Paglalarawan ni Richard Mia

Nagmamaneho ako pauwi mula sa isang young adult meeting isang maaliwalas na Linggo ng hapon. Panatag ako at hindi nagmamadali habang iniisip ko ang mga mensaheng narinig ko tungkol sa pagpapaunlad ng ating potensyal bilang mga anak ng Diyos. Itinanong ko sa sarili ko kung ano ang magagawa ko para mapaunlad ang potensyal ko.

Dinala ako ng ruta ko pauwi sa isang makitid at salubungang daan. Mahaba ang linya ng pasalubong na mga kotse, pero wala akong kasunod sa likod. Pagkatapos, bigla kong narinig ang paulit-ulit na malakas na pagbusina ng isang kotse. May kasunod na pala ako sa likod. Patay-sindi ang kanyang mga ilaw sa harapan at sinigawan ako na huwag akong humarang sa daan. Mukhang gusto niyang magpatakbo nang mabilis.

Naisip ko na kailangang turuang magpasensya at gumalang sa iba ang taong ito, kaya nagbagal ako. Nang makalagpas kami sa ilang kalye, panay ang busina niya at patay-sindi ang kanyang mga ilaw. Pagkatapos ay itinabi niya ang kotse at tumigil. Tumingin ako sa aking rearview mirror para makita ang reaksyon niya nang hindi siya makapagpatakbo nang mabilis. Gumanda ang pakiramdam ko dahil naturuan ko siya ng aral.

Biglang lumabas ng kotse ang drayber at binuksan ang pinto sa likuran. Mabilis na lumabas ang isang babaeng may kargang sanggol. Tiningnan ko kung saan sila papunta. Sa di-kalayuan, nakita ko ang nagliliwanag na mga titik: “Hospital Emergency Room.”

“Ano ang nagawa ko?” natanong ko sa sarili ko. Pagkauwi ko, lumuhod ako, at may luha sa mga mata, hiniling ko sa Diyos na patawarin ako.

Noong araw na iyon nalaman ko na ang mga kilos ng mga nakapaligid sa atin ay maaaring maganyak ng mga bagay na hindi natin palaging nakikita o nauunawaan. Ngayon, kapag nakikita kong kumikilos ang isang tao sa paraan na iniisip kong mali, mas gusto ko pang isipin na hindi ko gaanong nauunawaan ang pinagdaraanan nila. Sinisikap kong magpakita ng pagmamahal at habag na ipinayo ni Jesucristo na madama natin para sa iba at magtuon sa pag-unawa at pagtulong sa mga nakapaligid sa akin.

Paano ko mapapaunlad ang aking potensyal bilang anak ng Diyos? Makakatugon ako sa mga kilos ng iba nang may pagmamahal at pag-unawa. Sa paggawa nito, mas nadarama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa sarili kong buhay at nadarama ng iba ang pagmamahal ko sa kanila.