2019
“Palagay Mo ba Makikita Mo Ulit ang Kuya Mo?”
Marso 2019


“Palagay Mo ba Makikita Mo Ulit ang Kuya Mo?”

Wendy Jennings (ayon sa pagkakuwento kay Leah Barton)

Utah, USA

Larawan
man at the grocery store

Paglalarawan ni Allen Garns

Hatinggabi na iyon, ako lang ang cashier na naroon, at wala nang ibang tao sa buong grocery store. Nang punasan ko ang mga checkout counter, nagsimula akong humimig.

Agad nauwi sa pagkanta ang paghimig ko. Sinimulan kong kantahin ang “Mga Banal, Halina,” (Mga Himno, blg. 23). Hindi ako karaniwang kumakanta ng mga himno para sumaya, pero masigla akong kumanta hanggang sa may makita akong tao.

Lumapit ang isang matandang lalaki.

Alam ko ang kantang ’yan,” sabi niya. “Paano n’yo po nalaman ito?”

“Himno po ito na kinakanta namin sa simbahan,” sabi ko.

“Mormon ka ba?”

Tumango ako.

Sinabi niya sa akin na Latter-day Saint ang asawa niya at namatay ito sa kanser noong 2011. “Mga Banal, Halina” raw ang kinanta sa libing nito. Nagpaabot ako ng pakikiramay at sinabi ko sa kanya na namatay ang kuya ko noong 2011 habang nasa misyon sa Chile. Kinanta rin namin ang himnong iyan sa libing niya. Inantig ng Espiritu ang puso namin at namangha kami sa “pagkakataon” na ito.

“Kung gayon palagay mo ba makikita mo ulit ang kuya mo?” tanong niya.

Maraming beses ko nang naitanong iyan sa sarili ko. Sa mahihirap na buwan matapos mamatay ang kuya ko, nagkaroon ako ng mga pagdududa. Sa huli, biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng isang matamis na kaalaman na ang mga pamilya ay walang hanggan. May mga tanong pa rin ako, pero tinitigan ko siya at sinabi ko, “Opo, palagay ko po!”

“Malaki ang pananampalataya mo,” sabi ng lalaki. “Madalas sabihin ng asawa ko na dapat kaming magkaroon ng ‘ganap na kaliwanagan ng pag-asa.’” Sumang-ayon ako at binanggit ko ang iba pang nakasaad sa 2 Nephi 31:20, na dapat nating mahalin ang Diyos at ang lahat ng tao, sumulong tayo, magpakabusog sa salita ni Cristo, at manatiling tapat hanggang wakas.

“‘Yan nga!” sabi ng lalaki na may luha sa kanyang mga mata. “‘Yan ang sasabihin niya. Paano mo nalaman ‘yan?”

Sinabi ko sa kanya na nasa Aklat ni Mormon iyon. Tinanong niya ako kung paano siya makakakuha ng kopya. Sinabi ko kung paano niya makukuha iyon online. Kinamayan ako ng lalaki, pinasalamatan ako na tinatawag ako sa pangalan, at umalis na.

Ang ibig sabihin ng sumasampalataya ay nagtitiwala tayo sa Diyos kahit hindi natin alam ang lahat ng sagot. Nagpapasalamat ako na nang kailanganin kong sagutin ang tanong ng lalaking iyon, nagawa kong umasa sa aking pananampalataya sa mga katotohanang alam ko. Hindi perpekto ang pananampalataya ko, pero alam kong sapat na iyon sa paningin ng Panginoon.

Print