2019
Paghahanap ng mga Himala sa Pang-araw-araw na Buhay
Marso 2019


Paghahanap ng mga Himala sa Pang-araw-araw na Buhay

Kung titingnan natin ang buhay gamit ang lente ng pananampalataya kay Jesucristo, ang mga mata natin ay mabubuksan sa mararaming himala na nakapaligid sa atin.

looking through a lens

Ano ang Isang Himala?

Alam nating lahat kung ano ang isang himala, tama? Ang paghati ni Moises sa Dagat na Pula. Ang pagbibigay ng paningin ng Tagapagligtas sa isang bulag na lalaki. Ang pagpapagaling sa isang babae mula sa isang malubhang sakit. Isa sa pinakapambihirang himala ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—walang ibang himala na naging mas malawak ang epekto o makapangyarihan. Ngunit iyon lang ba ang uri ng mga karanasan na maaaring maituring na mga himala?

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Maraming himala ang nangyayari sa araw-araw sa gawain ng ating Simbahan at sa buhay ng mga miyembro.”1 Ngunit kailan ka huling naglipat ng bundok o nakita na napakain ang libu-libong tao ng kakaunting isda at tinapay? Malamang, karamihan sa atin ay hindi pa nakakakita ng kahit anong katulad noon. Kaya paano magiging totoo ang pahayag ni Pangulong Oaks?

Ayon sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ang mga himala ay “paghahayag ng banal o espirituwal na kapangyarihan.”2 Gamit ang pakahulugan na iyon, buksan natin ang ating mga mata sa maraming himala na nakapaligid sa atin—mga himalang maaaring hindi natin nakikilala.

Siguradong makikita natin ang kamay ng Diyos sa buhay ng Kanyang mga tao sa mga himala sa banal na kasulatan. Ngunit maaari rin nating makita ang Kanyang espirituwal na kapangyarihan sa tuwing nakakatanggap tayo ng kasagutan sa isang dasal, napapalakas ang ating patotoo, o nagkakaroon tayo ng pagbabago ng puso.

Gayunman, may ibang mga himala na nalilimutan natin: Ang araw ay sumisikat at lumulubog araw-araw; ang maliliit na binhi ay nagiging matatayog na puno; ang iba’t ibang bahagi ng ating katawan ay kumikilos nang sama-sama upang tayo ay makahinga, makatakbo, mangarap, at makakain. Araw-araw ay sumusulong ang medisina at teknolohiya, at maaari na tayo ngayong makipag-usap sa sinuman kahit saan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay maaaring makita sa bawat detalye ng ating buhay.

Bakit Gumagawa ng Himala ang Diyos?

Ang mga himala ay dumarating sa maraming paraan, ngunit ginagawa ng Diyos ang mga ito para sa iisang pangkalahatang layunin. Minsan ang mga himala ay nagpapagaling, nagpapaginhawa, o pisikal na pinoprotektahan ang mga anak ng Diyos, ngunit hindi lamang ang mga panlabas na epektong ito ang dahilan para sa mga himala. Kadalasan, ang isang himala ay hindi naman talaga nakakapigil ng paghihirap o trahedya. Gumagawa ng himala ang Diyos para sa dalawang pangunahing dahilan: upang mapalakas ang pananampalataya at upang makagawa ng kabutihan.

Kadalasan, ang mga himala ay naghahayag ng kapangyarihan ng Diyos sa Kanyang mga anak o nagtuturo ng isang espirituwal na alituntunin. Sinasabi sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na ang mga himalang ginawa ni Jesucristo “ay naglalayong maging patunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo” at magturo ng mga alituntunin gaya ng pananagutan, pagsisisi, pananampalataya, at pagmamahal.3

Sa ibang pagkakataon, ang mga himala ay maaaring magpatunay sa isang naunang paghahayag, gaya ng mga palatandaan ng pagsilang ni Cristo sa Amerika. Maaari ring gamitin ng Diyos ang mga himala upang maisulong ang Kanyang gawain—gawain sa family history, gawaing misyonero, and marami pang iba.

Ngunit kung maghahanap tayo ng mga himala para sa mga maling dahilan, maaari tayong magkaroon ng problema. Ang pinakakaraniwang problema ay nangyayari kung naghahanap tayo ng mga palatandaan bilang patunay na mayroong Diyos. Kung hindi natin daragdagan ng pananampalataya ang equation, ang mga palatandaang ito ay hindi kailanman hahantong sa tunay at walang hanggan na pagbabagong-loob. Tingnan na lamang ang nangyari sa Aklat ni Mormon: maraming taong nakakita ng mga palatandaan at himala, ngunit kung walang pananampalataya, ang kanilang pagsunod ay hindi magtatagal.

Mali ring maghanap ng mga himala para sa kasikatan o pera, para sa paghihiganti, o para sa pagtatangkang mabago ang kalooban ng Diyos.

Itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “Ang mga himala, … ay hindi para sa hindi naniniwala; ang mga ito ay para aluin ang mga Banal, at palakasin at pagtibayin ang pananampalataya ng mga nagmamahal, natatakot, at naglilingkod sa Diyos.”4 Ang pag-unawa kung bakit gumagawa ng himala ang Diyos ay maaaring makatulong sa atin na makilala ang mga ito sa ating sariling buhay.

Paano Ko Makikilala ang Isang Himala?

Ang mga himala ay mangyayari lamang ayon sa kalooban ng Diyos at sa ating pananampalataya sa Kanya. Isinulat ni propetang Moroni, “At ni hindi kailanman nakagawa ang sinuman ng mga himala hanggang sa sila muna ay nagkaroon ng pananampalataya; anupa’t sila ay unang naniwala sa Anak ng Diyos” (Eter 12:18). Ang pagkakaroon ng pananampalataya ay nagpapahintulot sa atin na makita ang magagandang bagay na nangyayari sa ating buhay bilang gawain ng Diyos sa halip na pagkakataon o kapalaran lamang. Ang pagkilala sa isang himala ay bahagi mismo ng himala! Kung titingnan natin ang buhay gamit ang lente ng pananampalataya kay Jesucristo, ang mga mata natin ay mabubuksan sa maraming himala na nakapaligid sa atin.

Gayunpaman, ang sukat, tiyempo, at resulta ng isang himala ay hindi sukatan ng ating pananampalataya. Sabihin nating dalawang pamilya ang nakatanggap ng balita na isa sa kanilang mga anak ay may kanser. Ang dalawang pamilya ay parehong nagdarasal para sa kanilang minamahal upang gumaling nang mabilis. Ang dalawang pamilya ay parehong nananampalataya sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo.

Ang anak ng unang pamilya ay gumaling nang tuluyan, salungat sa mga prediksyon ng doktor na mayroon na lamang siyang ilang buwan na natitira upang mabuhay. Ang anak ng pangalawang pamilya ay nagdusa sa mahabang gamutan at pagkatapos ay pumanaw rin, ngunit ang buong pamilya ay nakadama ng matinding kapayapaan at kaginhawahan sa halip na mawalan ng pag-asa.

Hindi ito nangangahulugang mas malakas ang pananampalataya ng unang pamilya kaysa sa pangalawa. Ang dalawang pamilya ay parehong nakatanggap ng mga himala sa kanilang sariling paraan, at ang mga himalang ito ay parehong bahagi ng isang huwaran ng patuloy na katiyakan na ang Diyos ay may plano para sa bawat isa sa Kanyang mga anak.

Gumagawa ang Panginoon ng mga himalang pangkaraniwan at hindi pangkaraniwan sa ating panahon. Ang mga tapat na tagasunod ni Jesucristo sa bawat dispensasyon ay nakaranas ng mga dramatikong pagpapagaling at hindi maipaliwanag na tagumpay. Gayunpaman, hindi natin dapat makaligtaan ang mga pang-araw-araw na pangyayari na nagsisilbing mga paalala ng kamay ng Diyos sa ating buhay. Minsan kailangan lang nating makilala ang mga ito!

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 6.

  2. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala.”

  3. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Himala.”

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 286.