2019
Makitang Lumalago ang Templo
Marso 2019


Makitang Lumalago ang Rome Temple

“Templo’y ibig makita. Doon ay pupunta” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99).

Larawan
Watching the Rome Temple Grow

Tinititigan nina Gioele at Michele ang lugar na pinagtatayuan [ng templo] sa tapat ng kalye. Marami silang nakikitang bakal na beam (baras) at patung-patong na semento.

“Parang hindi pa naman mukhang templo,” sabi ni Gioele.

“Ngunit ito ay magiging gayon balang-araw,” sagot ni Michele.

Ito ang unang pagkakataon na nakita ng magkapatid ang lugar kung saan itinatayo ang Rome Italy Temple. Sa ngayon ay kailangan pang pumunta ng kanilang pamilya sa Switzerland upang makabisita sa templo. Ngunit ang bagong templong ito ay tatlumpung minuto lamang ang layo mula sa kanilang tahanan!

Pinanood nina Michele at Gioele ang malalaking dilaw na trak na naghahakot ng mga tambak ng lupa.

“Sa palagay ko diyan ilalagay ang isa sa mga tore,” sabi ni Michele habang nakaturo sa isang lugar na malapit sa harapan ng gusali.

Tumango si Gioele. “Tingnan mo! Paparating na si Itay,” sabi niya. Ang kanilang ama ay nakasuot ng kanyang karaniwang damit sa trabaho—damit na pansimba na may kasamang puting sumbrerong pangkonstruksyon. Nagtatrabaho siya bilang electrical engineer sa templo. Gustung-gusto nilang naririnig ang tungkol sa ginawa niya sa bawat araw. Halimbawa, isang araw sinabi niya sa kanila na dumating na ang estatwa ni Cristo. Sa isa pang pagkakataon ay sinabi niya sa kanila ang tungkol sa bautismuhan.

Nang gabing iyon, tiniyak ni Michele na bigkasin ang kanyang mga dasal at magpasalamat sa Ama sa Langit para sa templo. Nakadarama siya ng sigla tuwing nagdarasal siya tungkol dito.

Lumipas ang mga linggo. Ang mga palikong pader ay tinakpan ng matibay na bato, at dalawang matataas na tore ang nakaturo sa langit. Itinayo ang isang maliit na visitors’ center sa hindi kalayuan. Paminsan-minsan, sina Gioele at Michele ay pumupunta roon upang idiin ang kanilang mga mukha sa bintana at makita kung ano ang nagbago.

Isang araw ay nakatanggap sila ng isang masayang sorpresa.

“Nais n’yo bang makita ang paglalagay ng estatwa ng anghel na si Moroni sa ibabaw ng templo?” tanong ni Inay. Ang pamilya ng lahat ng mga manggagawa sa konstruksiyon ay inanyayahan na manood.

Hindi makapaniwala sina Gioele at Michele. Sabik na sabik sila!

Kinabukasan ay nagsuot sila ng mga puting kamiseta at kurbata. Naglakad-lakad sila sa paligid ng templo kasama ng iba pang mga pamilya. Nakapagpakuha pa sila ng larawan kasama ang ginintuang anghel na si Moroni. Napakalaki nito!

Pagkatapos ay sinimulan nang ilipat ng mga manggagawa ang estatwa. Pinanood ni Gioele ang maingat na pag-aangat ng higanteng crane sa anghel na si Moroni tungo sa tuktok ng isa sa mga tore. Isang drone ang lumibot upang kumuha ng isang video. Ang galing talaga!

Naisip ni Gioele ang lahat ng taong matututo tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng pagbisita sa bakuran ng templo. Naisip niya kung gaano karaming tao ang maikakasal doon at kung paano magpapabinyag ang mga tao para sa mga taong namatay.

“Ngayon ay mukha na itong isang templo,” sabi niya sa kanyang kapatid. Ngumiti si Michele at tumango.

Naging masaya ang magkapatid. Nasasabik na silang pumasok sa templo sa lalong madaling panahon! Lumalago ang kanilang patotoo kasabay ng pagtaas ng gusali.

Print