Bukas, Magsisimba Ako
Harmin Toledo Gonzalez
Chiloé, Chile
Dalawang taon matapos kaming mabinyagan at makumpirma ng asawa kong si Madeleinne, hindi ako gaanong naging aktibo at tumigil ako sa pagsisimba. Tuwing Linggo ng umaga, hinihikayat niya akong bumangon at sumama sa kanya, pero tumatanggi ako.
“Pagod ako. Hayaan mo akong matulog,” sinasabi ko. At maya-maya pa’y naglalaro na ako ng soccer.
Gumigising mag-isa si Madeleinne at tumutuloy sila ng anak naming si Lucas sa chapel. Umuulan man o maginaw, palagi siyang nagsisimba.
Kapag nagugunita ko ito, natatanto ko na inaatake ako ni Satanas. Nakumbinsi niya ako na ayos lang ako kahit wala ang Simbahan. Sabi niya sa akin, “Mabait ka, mahinahon, komportable.” Pero ang totoo, nawala na sa akin ang mga pagpapala, pag-unlad, at kaligayahan. Mabuti na lang, tinulungan ako ng asawa ko at ng aking Ama sa Langit na makita nang malinaw ang mga bagay na ito.
Isang Biyernes ng gabi mga isang taon pagkaraang tumigil ako sa pagsisimba, nanaginip ako. Nanaginip ako na nasa isang magandang kabukiran ako, at magkakahawak-kamay kaming naglalakad ng asawa’t anak ko. Masayang-masaya kami.
Pero nagsimulang dumilim. Napakadilim kaya wala akong makita. Bigla, napansin ko na hindi na pala kami magkakahawak-kamay ng asawa’t anak ko. Tinawag ko ang pangalan nila, na umaasang babalik sila. Gusto ko silang bumalik, at gusto kong maglaho ang kadiliman.
Sa sandaling iyon, naranasan ko kung paano maging tunay na miserable. Nawala sa akin sina Madeleinne at Lucas. Nauna na sila nang wala ako, at naiwan akong mag-isa, na nababalot ng kadiliman.
Pagkagising ko kinaumagahan, natanto ko na nabigyan ako ng babala ng aking Ama sa Langit. Kung hindi ako babalik sa Simbahan at hindi ko dadalhin ang asawa’t anak ko sa templo para mabuklod, mawawala sila sa akin. Hindi ko sila makakapiling sa kabilang-buhay. Mapupunta ako sa ligaw at miserableng kalagayan.
“Bukas,” sabi ko kay Madeleinne, “magsisimba ako.”
Tuwing Linggo ng umaga mula noon, nagsisimba na ako kasama ang pamilya ko. Hindi na ako lumiban sa kahit isang miting mula nang mapanaginipan ko iyon limang taon na ang nakararaan. Sa huli ay nabuklod kami sa templo noong Setyembre 2016.
Nagpapasalamat ako para sa lahat ng pagpapala sa akin. Nagpapasalamat ako lalo na sa aking pamilya at sa tapang, lakas, at halimbawa ng asawa ko. Nagpapasalamat ako na siya at ang aking Ama sa Langit ay hindi ako pinabayaan kailanman. Ganito ako ngayon dahil sa kanila.