Digital Lamang
Sapat ang Pagkamarapat para Makapasok sa Templo?
Ang awtor ay naninirahan sa Saint Michael, Barbados.
Pakiramdam ko hindi sapat ang pagkamarapat ko para makapasok sa templo, ngunit kabaligtaran niyon ang pahiwatig sa akin ng Espiritu.
Sa buong buhay ko, narinig ko kung gaano kahalaga para sa atin ang makapunta sa templo. Naaalala ko ang pagkanta ng mga awitin sa Primary tulad ng “Templo’y Ibig Makita” at “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan,” na nagpaalala sa akin kung gaano kasagrado ang templo at na kailangan nating maging karapat-dapat para makapasok. Naituro na sa akin na doon nananahan ang ating Ama sa Langit at na napakahalagang maging karapat-dapat na makapasok sa banal na lugar ito.
Nakapasok na ang mga magulang ko sa templo, bagama’t hindi sila madalas doon na tulad ng gusto nila. Una silang nagpunta sa templo isang taon matapos silang ikasal. Mahirap iyon dahil kahit alam nila na wala silang pera para makapunta, alam nila na napakahalagang magpunta sila roon. Laging binibigyang-diin noon sa aming tahanan na magpunta sa templo kapag kaya na namin at gawin naming mithiin ang makasal sa templo. Ipinakita rin sa akin ng mga magulang ko kung gaano kahalaga at kasagrado ang kanilang mga tipan. Itinuro nila sa akin na marami silang natanggap na mga pagpapala mula sa pagtupad ng kanilang mga tipan, at dahil sa kanilang halimbawa, natiyak ko na gusto ko rin iyon. Sa paglipas ng mga taon, lagi kong ipinapaalala sa sarili ko na “laging ituon ang aking tingin sa templo,”1 kahit malayo ang pinakamalapit na templo.
Dito sa Barbados, wala kaming malapit na templo na ang layo ay maaari naming lakarin o mapuntahan na sakay ng bus. Para makarating kami sa templo, kailangan naming magbiyahe nang milya-milya mula sa bahay sakay ng eroplano. Palagay ko iyan ang dahilan kaya napakaraming miyembro ang may napakalaking pagpapahalaga sa mga pagbisita nila sa templo.
Sa wakas ay nagkaroon din ako ng oportunidad na makapunta sa templo sa kauna-unahang pagkakataon, ngunit sa kung anong dahilan, kinabahan ako nang husto. Ang unang pumasok sa isip ko ay na kahit ginawa ko ang lahat ng makakaya ko, hindi iyon sapat; hindi ako karapat-dapat. Masyado akong nag-alala dahil dito. Talagang ginawa ko ang lahat ng makakaya ko, kaya bakit ako nasisiraan ng loob sa pagpunta sa templo?
Naisip ko na para sa ganito kahalagang desisyon, kailangan kong humingi ng sagot mula sa aking Ama sa Langit. Gusto ba Niya akong magpunta, o talagang hindi sapat ang pagkamarapat ko?
Nang sumunod na dalawang linggo, araw-gabi akong lumuhod sa panalangin at patuloy akong nag-ayuno. Ginawa ko ang lahat para manatiling malapit sa Espiritu, at kahit maraming gabi akong tumayo mula sa pagkakaluhod sa taimtim na panalangin na hindi pa rin panatag, tiyak kong sasagot ang Ama sa Langit. Kailangan ko lang magtiyaga.
Nang sumunod na Linggo habang nakaupo ako sa fast and testimony meeting, damang-dama ko talaga ang Espiritu. Nakapikit ako habang ipinapasa ang sakramento, at noon ako nakatanggap ng sagot. Parang sinasabi sa akin ng Ama sa Langit, “Zariah, kung iyan ay sa Akin, paano iyan magiging mali?”
Nang madama ko ang mga salitang iyon, tumulo ang luha ko at napuspos ako ng kagalakan. Alam ko na narinig ng Ama sa Langit ang bawat panalanging inusal ko. Alam Niya kung gaano kalaki ang nadama kong kakulangan, ngunit ipinaalala rin Niya sa akin na matutulungan tayo ng Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, na mas magpakabuti sa bawat araw. Napawi ang lahat ng nararamdaman kong kakulangan sa loob ng maikling sandaling iyon.
Pagdating ko sa bahay nang hapong iyon, ikinuwento ko sa pamilya ko ang sagot sa akin, na kailangan kong magpunta sa bahay ng Panginoon upang gawin ang mga espesyal at sagradong tipan na iyon na kailangan natin para sa buhay na walang hanggan.
Nang interbyuhin ako ng branch at mission president, mas gumaan pa ang pakiramdam ko sa desisyon ko. Sa dalawang pagkakataong ito, patuloy na tiniyak sa akin ng Ama sa Langit na tama ang ginawa kong desisyon, na ako ay karapat-dapat, na sapat na ang aking pagkamarapat.
Nanatili sa akin ang damdaming iyon hanggang sa makarating ako sa bakuran ng templo. Nang makapasok ako sa loob ng templo, parang niyakap ako ng Ama sa Langit at sinabing, “Maligayang pag-uwi.” Ito marahil ang isa sa mga kamangha-manghang damdaming hinding-hindi ko malilimutan.
Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang at sa kanilang magandang halimbawa, sa pagtuturo sa akin ng kahalagahan ng pagpunta sa templo at pagtulong sa akin na maghandang makapasok sa sagradong lugar na ito. Ngunit higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit, na ginawang posible na magkaroon ng langit sa lupa. Nagpapasalamat ako na ginawa Niyang posible na gumawa tayo ng mga sagradong tipan hindi lamang para sa ating sarili kundi para din sa mga ninunong hindi nagkaroon ng pagkakataong gawin ito para sa kanilang sarili.
Ang templo ay talagang patunay ng pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit. Kadalasan, mas mapamintas tayo sa ating sarili kaysa sa iba. Maaaring may mga pagkakataon na pakiramdam natin ay hindi tayo perpekto o pinanghihinaan tayo ng loob, ngunit kailangan nating tandaan na hindi kailangang maging perpekto tayo para maging karapat-dapat. Kung pinanghihinaan tayo ng loob sa ating mga pagkukulang at pakiramdam natin ay hindi sapat ang ating pagkamarapat, dapat nating alalahanin ang sakripisyo ng Tagapagligtas at humingi tayo ng tulong sa Kanya. Ginagawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na makapunta ang lahat sa templo. Sa pamamagitan ng Espiritu, malalaman natin na “sapat” na ang ating pagkamarapat. Hindi tayo perpekto, at alam iyan ng Ama sa Langit, ngunit ang pinakamahalaga ay gawin natin ang lahat para maging karapat-dapat at sikaping gawin iyon araw-araw. Ang templo ang pinakamahalagang lugar na maaari nating puntahan, at natutuwa ako na nakarating ako roon.