Makasanayan ang Pangkalahatang Kumperensya
Ginaganap ito tuwing Abril at Oktubre. Malamang ay nasanay ka na sa tuwing anim na buwang ritmo. Ngunit paano mo masisigurong bahagi talaga ito ng iyong buhay—sa buong buhay mo?
Sa hinaharap, kapag nag-iisa ka, ano ang gagawin mo sa pagsapit ng pangkalahatang kumperensya tuwing anim na buwan? Piliin mo na ngayon na humugot ng kapangyarihan sa dalawang beses sa isang taon na pangyayaring ito sa pamamagitan ng pagsali. Huwag mong basta sabihin na, “Papanoorin ko na lang ito sa internet.” Gawin mo itong mahalagang pangyayari at makasanayan ito sa iyong buhay.
Heto ang ilang bagay na maaari mong gawin upang makasanayan ang pangkalahatang kumperensya nang panghabang-buhay:
-
Magtakda ng mithiin.
Ang pakikinig sa mga buhay na propeta at apostol ay isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa mo. Subukan mong panoorin ang bawat sesyon sa lalong madaling panahon. Subukan mong magtakda ng araw at oras kung kailan mo papanoorin ang lahat ng ito.
-
Ibukod ang araw na iyon.
Hangga’t maaari, magbukod ng oras para sa kumperensya at huwag magtakda ng anumang mga isport, laro, aktibidad kasama ng mga kaibigan, o iba pang sagabal sa araw na iyon. Kung hindi mo mapapakinggan nang live ang pangkalahatang kumperensya, maaari mo pa rin itong gawing mahalagang pangyayari at magtakda ng araw upang mapanood ito.
-
Magkaroon ng mga tradisyon.
Maaaring mapabilang sa ilang makabuluhang tradisyon ang talakayan ng pamilya tungkol sa mga paboritong mensahe, pagdarasal ng pamilya bago magsimula ang sesyon, o pagtitipon ng isang personal na koleksyon ng mga sipi. Maaaring isama sa masasayang tradisyon ang pagkain—mga kanin at ulam o meryendang may nakakatuwang pangalan na may kaugnayan sa pangkalahatang komperensya (conference crisps, nachos grandes de conferencia, inspiration ice cream, o conference carrots).
-
Gumawa ng plano pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya.
Gawing bahagi ng iyong regular na pag-aaral ng ebanghelyo ang mga mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaari kang magbasa ng isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya tuwing araw ng Linggo sa loob ng susunod na anim na buwan, makinig sa isa sa mga ito habang nasa bus o sasakyan araw-araw sa loob ng ilang linggo, o hanapin ang mga talatang nabanggit sa pangkalahatang kumperensya sa iyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan. Kung anuman ang mapagpasiyahan mo, gumawa ng plano upang matupad ito.