2019
5 Dahilan Kung Bakit Dapat Makibahagi ang mga Single sa mga Pagbubuklod sa Templo
Marso 2019


Digital Lamang

5 Dahilan Kung Bakit Dapat Makibahagi ang mga Single sa mga Pagbubuklod sa Templo

Makikinabang tayo sa pakikibahagi sa mga pagbubuklod kahit single pa tayo!

Nang hikayatin tayo ng mga propeta na magsagawa ng mga ordenansa sa templo para sa ating mga ninuno, kabilang dito ang lahat ng kailangang mga ordenansa ng kaligtasan. Gayunman, maaaring umiwas ang ilang young single adult sa mga pagbubuklod, sa pag-aakala na para lamang iyon sa mga may asawa. Ngunit hindi totoo iyan! May mga pagpapalang para lamang sa ordenansa ng pagbubuklod na makakatulong sa atin ngayon mismo kung makikibahagi tayo.

Ipinapalagay ng maraming single adult na nakakaasiwang magsagawa ng mga proxy sealing nang walang asawa. Ngunit tulad ng halos lahat ng ordenansa, ang ating karanasan ay depende sa ating paghahanda. Kung ituturing natin ang isang sesyon sa pagbubuklod na isang pagkakataong matuto, makatulong na matubos ang mga patay, at madama ang Espiritu, hindi tayo mapipigilan ng marital status.

Narito ang limang dahilan lamang kung bakit matutuwa tayong mga single na magsagawa ng mga pagbubuklod.

  1. Mauunawaan at mapapahalagahan natin ang kahalagahan ng ordenansa ng pagbubuklod.

    Maaaring wala pa tayong asawa, ngunit hindi iyan nangangahulugan na hindi tayo handang mapagpala ng higit na pag-unawa sa walang-hanggang tipan ng kasal. Sa katunayan, ang huwaran ng ebanghelyo sa lahat ng ating tipan ay ang matuto tungkol dito bago natin isagawa ang mga ito. Wala nang ibang lugar sa templo na maririnig natin ang makapangyarihang mga salita ng ordenansa ng pagbubuklod, na puno ng malalim na tagubilin at selestiyal na mga pangako. Marami tayong matututuhan tungkol sa “bago at walang hanggang tipan” (Doktrina at mga Tipan 132:19) mula lamang sa mga banal na kasulatan, mga pinuno ng Simbahan, at iba pang mga materyal ng Simbahan. Ngunit kung may pagkakataon tayo, ang aktuwal na pakikibahagi sa mga pagbubuklod para sa ating mga ninuno ay makakatulong sa atin na maunawaan ang kumpleto at dakilang mga pahiwatig ng ordenansa sa ating kinabukasan.

  2. Ihahanda tayo ng mga pagbubuklod sa pamamagitan ng proxy na maging mas mabubuting asawa.

    Malapit man o malayo pa ang ating pagbubuklod, magiging mas handa tayo para sa walang-hanggang kasal sa pagpapalalim ng ating pag-unawa sa napakahalagang ordenansang ito. Ang isa sa pinakamagagandang paraan para maging pamilyar tayo sa mga tipan na gagawin natin “[para] sa panahon at sa [buong] kawalang-hanggan” (Doktrina at mga Tipan 132:7) ay ang saksihan ang pagsasagawa nito sa templo. Maaari nating pakinggan ang mga pangakong gagawin natin sa ating asawa at sa Panginoon para kapag nag-asawa na tayo talaga, alam na natin kung ano ang inaasahan sa atin at handa tayong tugunan ang mga iyon. Kung tayo ay tapat, hindi ipagkakait sa atin ang anumang ipinangakong pagpapala ng ebanghelyo. Ang pakikinig sa mga pagpapala ng ordenansa ng pagbubuklod habang single tayo ay maaaring magbigay sa atin ng isang magandang bagay na aasamin, kailan man dumating ang panahong iyon.

  3. Naghihintay ang ating mga ninuno na isagawa natin ang mga pagbubuklod para sa kanila!

    Mas mainam ang gawain sa templo kapag sinamahan ng family history. Naranasan ko ito mismo nang magdala ako ng isang pangalan, na nagawan ko na ng lahat ng iba pang mga ordenansa, para maibuklod sa kanyang mga magulang. Malakas ang espirituwal na impresyon ko na nakamasid ang aking ninuno at tinanggap na niya ang gawaing nagawa ko para sa kanya. Hindi ganito ang magiging damdamin ko kung ginawa ko ang lahat ng ordenansa maliban sa pagbubuklod.

  4. Ang mga pagbubuklod ay nagbibigay ng natatanging mga pagkakataon para matuto.

    Bawat ordenansa sa templo ay puno ng simbolismo. Itinuturo sa atin ng mga pagbubuklod sa templo ang mga katotohanang hindi nabigyang-diin sa iba pang mga ordenansa sa pamamagitan ng mga simbolong tulad ng altar at mga salamin na kumakatawan sa kawalang-hanggan. Maaari nating pakinggan ang mga sagradong salita ng tipan ng pagbubuklod. Kung minsan, maaari pang mag-alay ang nagbubuklod ng ilang inspiradong ideya tungkol sa kahalagahan at kahulugan ng ordenansa.

  5. Binabago ng mga pagbubuklod ang ating pananaw sa buhay.

    Hindi babaguhin ng pakikibahagi sa mga pagbubuklod sa pamamagitan ng proxy ang ating marital status, ngunit bibigyan tayo nito ng malinaw na ideya kung ano ang naghihintay sa atin. Ang pagtulong sa ating mga ninuno na magawa ang tipang ito ay tutulong sa atin na magplano na ganoon din ang gawin. Kung ang tingin lang natin sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan ay mga mithiing mahirap at malayo pang mangyari, pinagkakaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong maranasan ang mga iyon ngayon. Ang ebanghelyo ay tungkol sa paghahanda para sa at pagtupad ng mga tipan, at ang isang mabisang paraan para magawa ito ay mamuhay nang marapat at magsagawa ng mahahalagang ordenansa sa templo—lahat ng ito.