2019
Kilalanin si Dr. Mattie
Marso 2019


Matatapang na Halimbawa

Kilalanin si Dr. Mattie

Larawan
Meet Dr. Mattie

Ang labing-anim na taong gulang na si Martha (Mattie) Hughes ay nagalak nang marinig niya ang pahayag ng propeta. Alam niyang ang ilan sa mga paaralan ng medisina ay nagpapahintulot na sa kababaihan na maging doktor. Pangarap niya ang maging doktor.

Siyempre, bago siya makapasok sa paaralan ng medisina, kailangang mag-ipon si Mattie ng maraming pera. At makapagtapos ng kolehiyo. Kakailanganin nito ang maraming oras. At magiging mahirap ang gawain. Alam niya iyon.

Ngunit naisip ni Mattie ang kanyang nakababatang kapatid na si Annie na pumanaw sa paglalakbay gamit ang bagon papuntang Utah. Walang doktor na tumulong noong nagkasakit ito. Pagkatapos ay pumanaw naman ang ama ni Mattie. Dito sa Salt Lake City, maraming kakilala si Mattie na nagkasakit o nasaktan. Kung magiging doktor si Mattie, matutulungan niya ang mga ito.

Nagdesisyon si Mattie na manampalataya. Sinabi ng propeta na ang kababaihan ay kailangang magsanay upang maging doktor, at nais niyang maging isa sa kanila! Tutulungan siya ng Diyos na makahanap ng paraan upang makapasok sa paaralan ng medisina.

Nagtrabaho si Mattie nang mabuti upang makapag-ipon ng pera. Nakakuha siya ng trabaho bilang typesetter para sa isang pahayagan. Kailangan niyang ayusin nang maingat ang bawat letra ng bawat salita sa tamang pagkakasunud-sunod para mailimbag ang pahayagan. Pagkatapos magtrabaho, pumapasok si Mattie sa klase sa isang unibersidad upang makapaghanda para sa paaralan ng medisina.

Sa pagitan ng bahay, trabaho, at paaralan, naglalakad si Mattie ng anim na milya (sampung kilometro) araw-araw! Nagsusuot siya ng mabigat na botang panlalaki dahil hindi sapat ang tibay ng kanyang karaniwang sapatos upang maglakad sa putikan. Nais sana niyang sumakay sa mga trambyang hila ng mga mola sa halip na maglakad, ngunit iniipon niya ang bawat sentimo para sa pag-aaral niya.

Nag-aalala si Mattie na hindi siya makakapag-ipon ng sapat na pera. Alam niyang susubukan siyang tulungan ng kanyang ina at amain, ngunit mayroon pa silang ibang mga anak na aalagaan. Ano pa ang magagawa niya?

Nagdesisyon si Mattie na magdaos ng fundraiser at humiling sa mga kaibigan at mga miyembro ng kanilang ward na magbahagi ng anumang halaga na mailalaan nila. Masaya silang tumulong. Si Mattie ang pangatlong babae na susunod sa panawagan ni Pangulong Young, at nais nilang magtagumpay siya at maging isang doktor.

Pagkatapos ng mga fundraiser, nagkaroon si Mattie ng sapat na pera upang makapasok sa paaralan ng medisina! Naglakbay siya sa kabilang dako ng bansa tungo sa isang unibersidad at nag-aral nang mabuti.

Pagkalipas ng dalawang taon, buong kumpyansang nagmartsa si Mattie tungo sa entablado ng pagtatapos upang tanggapin ang kanyang diploma. Sa wakas ay doktor na siya! Kahit kailan ay hindi pa siya nakaramdam ng ganoong kasabikan.

Lumingon si Mattie sa grupo ng mga hindi niya kakilala na nagpapalakpakan. Wala sa kanyang pamilya o mga kaibigan mula sa kanyang bayan ang makakadalo, ngunit alam niyang ipinagmamalaki nila siya. Malapit na siyang makauwi sa kanyang bayan upang maalagaan sila at maituro sa kanila ang kanyang mga natutunan.

Matapos makabalik sa Utah, nagtrabaho si Mattie sa ospital ng Relief Society sa Salt Lake City. Gusto niya ang pagiging malapit sa Rocky Mountains! At gusto niya ang kanyang trabaho bilang isang doktor. Tumulong siya sa panggagamot ng mga sakit, pagpapagaling ng mga sugat, at maging sa pagtuturo ng mga klase tungkol sa pagpapaanak.

Naging mahirap na gawain ang pagiging isang doktor. Ngunit mahal siya ng Ama sa Langit at tinulungan siya. Ngayon ay gugugulin na ni Mattie ang nalalabing oras ng kanyang buhay sa pagtulong sa iba. Ang may-akda ay naninirahan sa Michigan, USA.

Print