2019
Mga Pinagmumulan ng Kapayapaan at Kapangyarihan
Marso 2019


Mga Pinagmumulan ng Kapayapaan at Kapangyarihan

Paano mananatiling mapayapa, masayahin, at matatag ang mga taong humaharap sa mga pagsubok?

stargazing

Young Astronomer, ni Brian Kershisnik

Ang isa sa mga pinaka-nakaaantig na karanasan ko bilang General Authority ay nang maglingkod ako sa minamahal nating mga Banal sa Venezuela. Ang mga tao roon, kabilang na ang mga miyembro ng Simbahan, ay mahirap ang pamumuhay. Gayunman, bagamat ganito nga ang realidad, nakikita ko rin, sa madalas kong pagbisita sa bansa, na may pagkakaiba sa pagitan ng pangkalahatang populasyon at ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang Karanasan sa Venezuela

Ginagawa ng mga Banal sa Venezuela ang lahat ng makakaya nila. Totoo na marami ang nagdurusa at nahihirapan, at ang Simbahan ay aktibo sa pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng mga pondong mula sa handog-ayuno, programang pangkapakanan, at inisyatibo sa self-reliance. Ngunit kahit maraming bagay na maaaring ikalungkot ng mga Banal, sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na hinaharap nila, masasayang tao sila— payapa sa kanilang sarili, madalas na nakangiti, at umaasa sa mas magagandang araw sa hinaharap.

Totoo ito para sa mga kabataan ng Simbahan sa Venezuela. Ang kanilang mga pagsubok na personal at sa pamilya ay mas nagpapalakas sa kanila at inihahanda sila para sa hinaharap. At totoo rin ito para sa ating mga missionary sa Venezuela. Kailangan nilang maging malakas para sa kanilang mga sarili, para sa kanilang mga investigator, at para sa kanilang mga pamilya. At ganoon sila. Ipinapaalala nila sa atin ang 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman. Bagamat kaunti ang kanilang bilang, sila ay “napakagiting” (tingnan sa Alma 53:20–21). Sa Venezuela, inihahanda ng Panginoon ang isang matatag na henerasyon ng mga ina, ama, at pinuno. Sa tuwing kasama namin ang mga Banal doon, kami ay napupuspos ng pananampalataya sa ebanghelyo at sa hinaharap.

Kapayapaan sa Panahon ng Kaguluhan

Paano nagagawa ng mga miyembrong ito, na humaharap sa mga pagsubok na tulad nito, na manatiling payapa, masayahin, at malakas? Naniniwala ako na ang nangyayari sa marami sa kanila ay na mas umaasa sila sa Diyos. Dahil dito, nakatatanggap sila ng lakas mula sa pinagmumulan ng lahat ng kalakasan. Nakikilala nila ang mga pagpapala na natatanggap nila mula sa Ama sa Langit, umaasa sila sa kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, at sila ay pinapanatag, tinutulungan, at pinalalakas ng Espiritu Santo. Bunga nito, mas nagiging magaan ang kanilang mga pasanin, napapawi ang kanilang kalungkutan, at nakasusumpong sila ng kapayapaan sa gitna ng kanilang mga pagsubok.

Ang mga miyembro sa Venezuela ay nakararanas ng isang modernong halimbawa ng pangyayaring naganap kina Alma at sa kanyang mga tao sa Aklat ni Mormon:

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:15).

Ang Nakatutubos na Kapangyarihan ni Jesucristo

Ang aking patotoo sa hangarin ng Diyos na pagpalain tayo ay naging mas malakas sa paggugol ko ng panahon sa piling ng mga miyembro sa Venezuela. Tulad ng naranasan ni Alma at ng kanyang mga tagasunod, ang mga Banal sa Venezuela ay pinalakas, at ang kanilang pinag-ibayong kakayahan ay nagpagaan sa kanilang mga pasanin. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya kung mayroon tayong mabibigat na pasanin, at tayo ay makasusumpong ng kapahingahan (tingnan sa Mateo 11:28–30). Ang mabubuting miyembrong ito ay binigyan ng lakas upang madala ang kanilang pasanin sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon.

Venezuelan Saints

Ang mga Banal sa Venezuela ay masasayang tao—payapa sa kanilang sarili, madalas na nakangiti, at umaasa sa mas magagandang araw sa hinaharap.

Bilang bunga ng kanilang mga pagsubok, at bilang pagpapala sa kanilang pagtitiwala sa Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya, nakaranas sila ng pagbabago ng puso at bawat isa ay naging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [kanila], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).

Bilang buod, sa pamamagitan ng mga pagsubok ay nagkaroon sila ng mga katangiang katulad ng kay Cristo na hinahangad ng lahat ng mga disipulo ni Cristo na makamtan.

Ang nangyari sa kanila ay ang proseso rin na dapat maganap sa bawat isa sa atin. Lahat tayo ay magkakaroon ng mga hamon at pagsubok sa ating buhay. Kapag nangyari iyan, dapat nating itanong sa ating mga sarili:

  • Bumabaling ba tayo sa Diyos para tulungan tayo na malampasan ang mahihirap na panahong iyon?

  • Handa ba tayong gawin ang kinakailangan para maging mas mabubuting tao at para magkaroon ng mga katangiang katulad ng kay Cristo na kinakailangan para sa ating pag-unlad?

  • Nauunawaan ba natin na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, makasusumpong tayo ng lakas at pag-asa?

Paano at bakit nakapagbibigay ng ganoong kapanatagan at kapangyarihan ang Tagapagligtas? Sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan: “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Nalalaman ng Panginoon

Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Tagapagligtas ay nagdusa hindi lamang para sa ating mga kasamaan kundi para din sa hindi pagkakapantay-pantay, kawalang-katarungan, sakit, kalungkutan, at mga paghihirap ng damdamin na madalas dumating sa atin. … Sa sandali ng kahinaan maaari nating ibulalas, ‘Walang nakakaalam ng pinagdaraanan ko. Walang nakaaalam.’ Walang tao, marahil, na nakaaalam. Ngunit ang Anak ng Diyos ay lubos na nakaaalam at nakauunawa, dahil Kanyang dinanas at pinasan ang ating mga pasanin bago pa natin naranasan ang mga ito. At dahil binayaran Niya at pinasan ang pasaning iyan, lubos Niya tayong nauunawaan at maiuunat Niya ang Kanyang bisig ng awa sa napakaraming aspeto ng ating buhay” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, Abr. 2012, 19).

Pagkatapos ay binanggit ni Elder Bednar ang banal na kasulatang ito, na tumutulong sa atin na maunawaan na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang bawat isa sa atin ay nakahahanap ng kapayapaan:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan” (Mateo 11:28–30).

oxen with a yoke

Detalye mula sa Immigration of the Saints, ni Brian Kershisnik

Nais kong idagdag ang aking patotoo sa mga salita ni Elder Bednar. Alam ko sa pamamagitan ng personal na karanasan na makahahanap tayo ng lakas at kapayapaan sa mapagmahal na mga bisig ng ating Tagapagligtas. Ang nakatutubos at nakapagbibigay kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas ay hindi lamang pinagmumulan ng kapatawaran ng ating mga kasalanan kundi isa ring makapangyarihang mapagkukunan ng pag-asa, kapayapaan, lakas, kapanatagan, mga talento, inspirasyon, at ng lahat ng kinakailangan para tulungan tayo sa ating paglalakbay sa buhay na ito at magtagumpay. Talagang makakaasa tayo sa “kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas” (2 Nephi 2:8).

Ang Ating Sariling Pagsasabuhay

Paano tayo makikinabang sa pinagkukunan ng lakas na ito? Ang ang kailangan nating gawin para matanggap ang kailangan nating tulong?

Una, kailangan nating magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kailangan nating maunawaan na Siya at ang Kanyang Ama ang mga pinagmumulan ng kapayapaan at kapangyarihan. Ginagawa nilang posible ang lahat ng bagay.

Pagkatapos, kailangan nating kumilos at gawin ang lahat ng ating makakaya sa anumang bagay na ating pinagdaraanan. Maaaring nagsisikap tayong madaig ang isang kahinaan, naghahanap ng lunas sa ating kalungkutan, o nagsisikap linangin ang isang talento. Kahit na tila hindi sapat minsan ang lahat ng ating magagawa, kung talagang ibinibigay natin ang pinakamabuti, ipagkakaloob sa atin ng Panginoon ang ating kailangan sa pamamagitan ng Kanyang biyaya.

“Kapag naunawaan natin at ginamit ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating sariling buhay, mananalangin at hihingi tayo ng lakas na mabago ang ating sitwasyon sa halip na manalanging baguhin ang ating sitwasyon. Tayo ay magiging taong kumikilos sa halip na mga bagay na pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14)” (“Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Liahona, 16).

Dapat din nating alalahanin na kapag ginagawa natin ang ating bahagi, ang Panginoon ay nasa tabi natin. Di tayo kailangang mag-isang makipaglaban sa ating bahagi sa digmaan. Makakasama natin Siya, mula sa pinakasimula hanggang sa pinakadulo. Nagpapatotoo ako na totoo ang mga salita ni Isaias: “Sapagka’t akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka” (Isaias 41:13). Totoo ito para sa mga Banal sa Venezuela, at totoo ito para sa mga Banal sa lahat ng panig ng mundo.