2019
Ano ang Totoo at Ano ang Hindi?
Marso 2019


Ano ang Totoo at Ano ang Hindi?

Naisip mo na ba kung paano malalaman kung ano talaga ang totoo?

girl looking at tablet

Mga paglalarawan ni David Stoker

Kamakailan lamang ay nakilala ko ang isang hindi pangkaraniwang dalagita, ang 17 taong gulang na si Caylee, habang ibinabahagi niya ang kanyang taos-pusong saloobin sa isang kumperensya ng stake. Ipinahayag niya na ang Diyos ay totoo, ang Simbahan ay totoo, at si Pangulong Russell M. Nelson ay propeta ng Diyos. Nagbigay din siya ng malakas na patotoo na ang mga negatibong bagay na sinasabi ng iba tungkol sa Simbahan at sa ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi totoo.

Humanga ako sa pananalig ni Caylee at sa kanyang kakayahang malaman kung ano ang totoo at ano ang hindi.

Ngunit mas humanga pa ako nang makausap ko si Caylee pagkatapos ng pulong at matuklasan kong hindi naging madali para sa kanyang magkaroon ng kaalaman at pananalig. Sa katunayan, nakaranas siya ng matinding pagsubok sa kanyang pananampalataya.

Ito ang ibinahagi niya.

Pagsusumikap na Mahanap ang mga Kasagutan

Aktibo sa Simbahan si Caylee buong buhay niya. Gayunpaman, noong sinimulan niyang pagnilay-nilayan ang tungkol sa ebanghelyo at sa Simbahan, ilang mabibigat na katanungan ang sumagi sa kanyang isipan. Pakiramdam niya ay naging makasalanan siya dahil sa pagkukwestiyon kaya nagsimula siyang maghanap ng mga kasagutan.

“Ang problema ko,” sabi ni Caylee, “ay sa lahat ng mga maling lugar ako naghanap. Sa halip na saliksikin ang mga banal na kasulatan at ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at makipag-usap sa aking mga magulang, humantong ako sa iba’t ibang artikulo sa internet na nagsasabing nasa kanila ang mga kasagutan sa aking mga katanungan.”

Noong una, inakala ni Caylee na nagbibigay liwanag ang mga artikulo sa internet sa kanyang mga katanungan. Gayunpaman, sabi niya, “Habang ipinagpapatuloy ko ang pagsisiyasat sa aking mga katanungan, binibigyan lamang ako ng higit pang katanungan at pagdududa ng lahat ng binabasa ko.”

Nagsimulang mawalan ng pananampalataya at pag-asa si Caylee. “Ang liwanag mula sa aking patotoo ay napupundi na,” naalala niya, “at unti-unti kong itinigil ang paggawa ng mga bagay na itinuro sa akin—pagbabasa ng banal na kasulatan, pagdarasal, at pagdalo sa seminary.”

Kalaunan ay napangibabawan siya ng kadiliman at kalituhang nararamdaman niya. Sabi niya, “Hindi ko matukoy kung ano ang galing sa Diyos at ano ang nakakalokong ideya na pinaikot at ginawa lamang ng kung sinuman upang iligaw ako. Hindi ko na malaman kung ano ang katotohanan at ano ang panlilinlang. Sinisira ako nito.”

Inihambing ni Caylee ang kanyang kalagayan sa kalagayan ni Joseph Smith noong sinabi niyang, “Sa wakas nakarating ako sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya’y kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. Sa wakas nagkaroon ako ng matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos’ [Santiago 1:5], nagpapasiya na kung siya ay nagbigay ng karunungan sa mga yaong kulang ng karunungan, at magbibigay nang sagana, at hindi manunumbat, maaari akong magbakasakali” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13).

Pakikipag-usap sa mga Taong Pinagkakatiwalaan Niya

girl with mother

Sa mapanganib na puntong ito, lumapit si Caylee sa kanyang guro sa seminary, sa kanyang lola, at sa kanyang ina. Tiniyak sa kanya ng kanyang guro sa seminary na hindi mali ang kanyang nararamdaman at na hindi lang siya ang taong may mga katanungan. Nagbahagi ang kanyang guro ng kanyang patotoo at nagmungkahi ng mga babasahin na makatutulong sa kanyang paghahanap.

Hindi nangaral ang lola ni Caylee. Hinimok lamang siya nito na isaalang-alang kung anong mga pinagkukunan ng impormasyon ang nakapagpasigla sa kanya—ang impormasyon mula sa internet o ang doktrina ng Simbahan? Nagsimulang maghambing si Caylee: “Alin ang nakapagpasigla sa akin? Alin ang nagdulot ng kagalakan at kapayapaan sa aking kaluluwa? Alin ang nagturo sa akin na makakasama ko ang aking pamilya magpakailanman sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan kung susundin ko ang mga kautusan ng Diyos? Alin ang naglagay ng mga nakakayamot na tinig sa aking ulo?”

Paghahanap sa Diyos sa Pamamagitan ng Panalangin at mga Banal na Kasulatan

Hinikayat si Caylee ng kanyang ina na magdasal. Kalaunan, pumunta si Caylee sa kanyang silid at malayang nagpahayag ng kanyang saloobin sa Diyos. Paliwanag niya: “Walang nangyari. Walang bumaba na mga anghel. Hindi napuno ang puso ko ng kapayapaan at pasasalamat. Binalikan ko ang aking ina. Magkasama kaming nagdasal, at hinikayat niya akong basahin ang Aklat ni Mormon sa loob ng sampung minuto. Habang nagbabasa ako, nakaramdam ako ng pangako sa aking puso na kung ipagpapatuloy ko ang paggawa nito, may makikita akong mga biyaya. Makakakita ako nang malinaw at malalaman ko kung aling mga aral ang mula sa Diyos at alin ang hindi.”

Nagsimula si Caylee na magdasal araw-araw at magbasa ng Aklat ni Mormon. Lumayo siya sa Twitter at mga website na nag-umpisa ng kanyang pagdududa sa simula pa lamang. Pumunta siya sa seminary na may layuning matuto, hindi upang maghanap ng mga negatibong bagay tungkol sa Simbahan.

Pag-alam Kung Ano ang Totoo

Matapos ang dalawang linggo ng patuloy na pagsisikap, naramdaman niyang humihina na ang mga negatibong tinig. Naging mas maayos ang pag-aaral niya. Naging mas kasiya-siya ang pagtatrabaho, at naging mas mabuti ang relasyon niya sa kanyang magulang. Naging mas maligaya siya.

Dahil sa kaligayahang iyon, sabi niya, “Sa wakas ay nakita ko na ang aking kasagutan. Kaya ko nang malaman kung ano ang mula sa Diyos at kung ano ang hindi dahil nakita ko mismo kung ano ang ginawa Niya para sa akin noong ginawa ko ang hinihiling Niya.”

“Iyon,” pagwawakas niya, “ang nag-iisang paraan upang malaman mo kung ano ang katotohanang mula sa Diyos at kung ano ang hindi. Maaari tayong mag-aral at magbulay-bulay at magtanong hanggang sa gusto natin, ngunit hanggang sa gawin natin ang tagubilin ni Santiago at kung ano ang ginawa ni Joseph Smith—magtanong at kumilos—pagkatapos lamang noon natin tunay na malalaman kung ano ang totoo at ano ang hindi.”

Kaya ano ang matututunan natin mula sa karanasan ni Caylee? Narito ang ilang ideya:

  • Hindi tayo dapat malungkot kung mayroon tayong mga tanong.

  • Hindi tayo dapat tumigil sa pagdarasal habang naghahanap tayo ng mga kasagutan.

  • Dapat nating pag-aralan at pagbulay-bulayan ang Aklat ni Mormon.

  • Sa maingat na pagpili kung ano ang babasahin at pakikinggan natin, maaari nating mapatahimik ang mga tinig ng teknolohiya at media na humihila sa atin palayo sa katotohanan at naglalayong manira.

  • Dapat tayong humingi ng payo sa mga taong kilala, minamahal, at iginagalang natin—sa halip na humingi ng tulong sa mga taong hindi natin kilala.

  • Kalaunan ay sasagutin din ng Diyos ang ating mga katanungan sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon. Mahal Niya tayo.

  • Darating ang mga kasagutan habang ginagawa natin kung ano ang hinihiling ng Ama sa Langit—hindi kung kailan ginagawa natin kung ano ang iminumungkahi ng mundo.

Si Caylee at kayong mga kabataang babae at kabataang lalaki na inihanda ng Diyos para sa panahong ito ay nagbigay ng inspirasyon sa akin. Siya, gaya ng marami sa inyo, ay nagsisilbing halimbawa ng uri ng taong naiisip ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kailangan namin ng kababaihang nakakahiwatig at nakikita ang mga kalakaran ng mundo at nakakapansin sa mga yaong bagama’t popular ay mababaw o mapanganib.”1

Kayo ay mga tagapaghanap ng katotohanan, tagasunod ng mga kautusan, at tagapagtayo ng kaharian. Sa tulong ng Diyos at sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari mong matanggap ang kaloob na paghiwatig at malaman, maisabuhay, at maibahagi kung ano ang totoo.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 96.