Kapangyarihan ng Dasal
Sino ang maaari mong ipagdasal ngayong araw?
“Ipagdasal ang bawat isa” (Santiago 5:16).
Pinapunta ni Tatay ang lahat sa kompyuter. Binitiwan ni Lucy ang laruang giraffe na kanyang pinaglalaruan at mabilis na pumunta roon. Ano ba ang nangyayari? Oras na ba para tawagan si Lola sa internet?
Itinuro ni Tatay ang screen ng kompyuter. “Nais kong ipakita sa inyo ang bahagi ng isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya.”
Sumulyap si Lucy. Hindi si Lola iyon. Iyon ay si Pangulong Eyring! Kabilang siya sa Unang Panguluhan.
Pinindot ni Tatay ang play. Itinuro ni Pangulong Eyring ang tungkol sa pagsuporta sa inyong mga lider ng Simbahan. Ipinaliwanag niya kung paanong kailangan ng mga lider ng Simbahan na ipagdasal natin sila.
“Iyon po ang dahilan kung bakit natin ipinagdarasal ang propeta, di ba, Tay?” tanong ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki na si David. Tumango ang kanyang Tatay at Nanay.
“Oo, yun nga,” sabi ni Tatay. “Ngunit lagi ko rin pong naiisip ang tungkol sa panguluhan ng ating branch. Sa tingin ko po kailangan din ni Pangulong Alvarez at ng kanyang mga tagapayo ang ating mga dasal.”
Mahal ni Lucy si Pangulong Alvarez at ang kanyang mga tagapayo. Lagi silang mabait sa kanya. Nais niyang matulungan sila!
“Ipagdarasal ko po sila,” sabi ni Lucy. “At maaari rin po natin silang isama sa ating pagdarasal bilang pamilya!”
“Palagay ko magandang ideya iyan,” sabi ni Nanay. “Gawin natin iyon.”
Sa mga sumunod na araw, nagsikap si Lucy upang maalala na magdasal para sa panguluhan ng kanilang branch tuwing siya ay nagdarasal. Ilang segundo lamang ang itinatagal nito sa bawat pagkakataon. Madali lang!
Sa sacrament meeting nang sumunod na araw ng Linggo, tumayo si President Alvarez pagkatapos ng himno. Pagkatapos ay may sinabi siya na nagpalaki ng mata ni Lucy.
“Bilang panguluhan ng branch, nais naming magpasalamat sa inyo sa pagdarasal ninyo para sa amin,” sabi niya. “Nakadama kami ng matinding kalakasan mula sa mga dasal na iyon. Kailangan namin ang inyong pananampalataya at dasal upang magampanan namin ang aming mga tungkulin. Salamat!”
Napangiti si Lucy. Lumingon siya kay David. Nakangiti rin siya. Hindi siya makapaniwala! Nasasabik siya kaya hindi siya mapirme sa kanyang upuan. Naupo siya sa gilid ng kanyang upuan at hinila ang manggas ni Nanay.
“Nanay!” bulong niya. “Narinig po ba ninyo kung ano ang sinabi ni President Alvarez?!” Nais niyang tumalon-talon. “Umubra iyon! Talagang umubra ang mga dasal natin!”
Pagkatapos magsimba, si Lucy at ang kanyang pamilya ay magkakasamang naglakad pauwi.
“Talagang naririnig ng Diyos ang ating mga dasal,” sabi ni Nanay. “At hindi ba kamangha-manghang makita kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng pagdarasal ng isang grupo ng tao para sa ibang tao?”
Nakadama ng sigla at saya si Lucy. Tumalon-talon sila ni David sa bangketa habang naglalakad sa likod nila sina Nanay at Tatay. Alam niya na narinig ng Ama sa Langit ang mga dasal ng kanyang pamilya. Sila ay tunay na gumagawa ng kaibahan. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal!
Nang gabing iyon, naghanda na si Lucy na magdasal. Naisip niya ang tungkol sa kanyang guro sa Primary at iba pang mga lider ng Simbahan na maaaring mangailangan ng ilang dagdag na pagpapala. Siguro magdarasal din siya para sa kanila! Tiniklop ni Lucy ang kanyang mga bisig at yumuko. Alam niya kung ano ang sasabihin.