Mga Larawan ng Pananampalataya
Jason at Jackie Wong
Hong Kong, China
Ang mga pananaw sa mga tungkuling naaayon sa kasarian ay maaaring magkakaiba sa bawat kultura, ngunit ang hamon na magkaisa bilang mga bagong kasal ay tila nararanasan saanman. Natutunan nina Jason at Jackie ang ilang mahahalagang aral sa kanilang pagtutulungan.
Leslie Nilsson, retratista
Jason:
Buong buhay na akong miyembro, pero pagkatapos ng misyon ko, dalawang taon akong hindi gaanong aktibo. Sinimulan kong maging aktibong muli dalawang taon na ang nakararaan. Noong panahong iyon, nakilala ko ang aking asawang si Jackie, sa young single adult conference isang buwan matapos siyang mabinyagan. Binago niya ang aking buhay dahil nadama kong kailangan kong maging isang mas mabuting halimbawa.
Nang ikasal kami, natuklasan ko na kahit na sa isang maliit na tahanang tulad ng sa amin, napakaraming bagay na kailangang gawin. Hindi mo talaga maiisip kung gaano karami! Sa simula, hindi talaga ako masyadong tumutulong. Ginagawa ko ang ilang bagay, pero si Jackie ang gumagawa ng halos lahat ng gawain. Sobra siyang maalaga at mapagbigay. Isang araw ay sumama ang loob niya, at sabi ko, “Anong problema?”
Lumaki akong iniisip na ang mga babae dapat ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Mabilis kong natutunan na hindi ito makatotohanan. Masyadong abala si Jackie at maraming inaalala sa kanyang trabaho. Kahit marami din akong mga inaalala, naisip kong kailangan kong magsimula na mas tumulong pa.
Nagsimula akong magwalis ng sahig at maghugas ng mga pinagkainan. Pagkatapos ay natutunan kong gamitin ang washing machine. Naglagay ako ng maiikling sulat sa mga ito para tulungan akong makaalala. Seryoso ito! Mayroon akong sticker upang matulungan akong malaman kung anong pulbos na sabong panlaba ang gagamitin. Ngayon ay nakagawian ko na ang mga bagay na ito.
Naging maganda nang magsimula akong gumawa ng mga gawaing-bahay. Mas napasaya nito si Jackie.
Jackie:
Isang pagbabago ang pagiging bagong kasal. Sa totoo lang, napakahalaga ng Diyos sa aming relasyon. Kung hindi dahil sa Diyos, maaaring naghiwalay na kami!
Jason:
Sa simula ng pag-aasawa namin, palagi akong nakatingin sa phone ko at gumagamit ng social media o nagtsetsek ng mga email. Madali lang para sa akin na mapatutok sa phone o computer.
Naisip namin na kailangan naming maglaan ng mas maraming oras sa isa’t isa. Kaya ngayon ay ginagawa namin nang magkasama ang mga gawaing-bahay. Dahil dito ay mas mabilis natatapos ang mga ito, at nagkakasama kami.
Jackie:
Sinusubukan naming magsingit ng ilang oras sa umaga para magkasama, pero kung minsan ay maraming kailangang gawin sa umaga.
Sinusubukan din naming magkaroon ng oras sa gabi para pag-usapan ang nangyari sa amin sa maghapon; pagkatapos ay nagdarasal kami at nagbabasa ng mga banal na kasulatan bago kami matulog. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagpala sa aming pagsasama bilang mag-asawa.