Hindi ang mga Silya ang Mahalaga
Janessa Orgill
Iowa, USA
Walang tao sa simbahan pagdating ko, bilang Young Women president noon, para itaas ang mga silya sa cultural hall noong gabi bago ang isang aktibidad ng Young Women. Pitong buwan na akong nagdadalantao noon, at kinailangan kong itaas mag-isa ang halos lahat ng silya. Pero hindi nagtagal ay dumating ang secretary at counselor ko at tinulungan akong makatapos. Pagkatapos ay sinimulan naming isabit ang mga dekorasyon.
Noon sumungaw ang ulo ng isang babae. “Sori,” sabi nito, “pero nakareserba sa Relief Society ang kuwartong ito para sa yoga class namin ngayong gabi.”
Itinanong namin kung may iba pang kuwarto silang magagamit, pero okupado na ang ibang mga kuwarto. Kaya ginawa namin ang tanging magagawa namin: ibinaba namin ang mga silya. Umuwi ako nang gabing iyon na pagod, batid na kinaumagahan ay kailangan kong itaas ulit ang mga silya.
Kung minsan parang ganito ang buhay. May bagong silang na sanggol at apat na maliliit na anak, parang paikut-ikot lang ako buong maghapon at gumigising ako para gawin ulit iyon kinabukasan. Anumang partikular na sandali, may mga batang pakakainin at damit na lalabhan, laruang itatabi, at pinggang huhugasan—ako ang nagtataas at nagbababa ng mga silya. Iyan ang buhay ko.
Pero ang mga silya ba ang mahalaga? Nang ibaba ko ang mga silya pagkatapos ng aktibidad ng Young Women, hindi ko naiwasang mapangiti nang maisip ko ang masasaya at mababait na batang babaeng natutuhan kong mahalin nang husto. Nagpapasalamat ako sa oras na nagugol ko sa piling nila.
Ganyan din sa bahay. Hindi mahalaga ang mga mantsa ng peanut butter sa sopa o ang mga medyas na tila hindi magkatugma. Ang mahalaga ay ang aking maliit na pamilya, na nagpapagalak sa puso ko.
Sabi ng Panginoon: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33).
Naging napakahalaga sa akin ng maliliit na bagay: mga yakap, gawa-gawang awitin, drowing sa krayola, paluksu-lukso papunta’t pabalik sa mailbox at pagkain ng tustadong tinapay dahil ginawa iyon para lang sa akin.
Maaari tayong gumawa ng maliliit na bagay araw-araw, tulad ng pagtataas ng mga silya at pagbababang muli ng mga ito. Pero hindi ang mga silya ang mahalaga—ang mahalaga ay ang mga taong minamahal natin na nakaupo roon. Hindi ang gawain ang mahalaga—ang mahalaga ay ang mga taong pinaglilingkuran natin. Kapag iniisip ko sila at kung gaano ko sila kamahal, pinasasalamatan ko ang Panginoon sa kagandahan ng buhay at sa kinabukasan, kung kailan gumigising ako at masayang itinataas ulit ang mga silyang iyon.