“Totoo Iyon, Totoo Iyon”
Nakatira ang may-akda sa Democratic Republic of the Congo.
Noong nagdasal ako para sa patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, walang nangyari—hanggang sa sinimulan kong basahin ang Biblia.
Noong ako ay humigit-kumulang 12 taong gulang,, nais kong malaman mismo sa aking sarili na totoo ang Aklat ni Mormon. Sa isang mensahe, kaya kong magpatotoo na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos dahil sinabi ito ng aking guro sa Primary. Ngunit sa sarili ko, hindi ko nauunawaan kung anong ibig sabihin noon.
Alam ko ang pangako ni Moroni na nagsasabing kung ako ay magbabasa, magbubulay-bulay, at magdarasal, ay malalaman ko rin (tingnan sa Moroni 10:3–4). Nagbasa ako nang ilang linggo at nakaramdam ng kapayapaan, ngunit hindi ito nagbunga ng anumang kamangha-mangha—walang liwanag, walang anghel, walang tinig. Sa huli, sumuko ako sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon.
Isang araw habang pinag-aaralan ko ang Exodo, nabasa ko na kapag kulang ang pagkain ng mga Israelita, nagpapadala ng manna ang Diyos sa kanila. Kukuha ang bawat isa ng partikular na dami araw-araw. Nagpadala Siya ng pagkain, ngunit kinailangan nilang makaisip ng paraan kung paano titipunin ang mga ito.
Naisip ko ang mga salita ni Nephi: “Ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Mula rito ay naunawaan kong inutusan ng Diyos ang mga Israelita na umalis sa Egipto at pinlano na magtustos para sa kanilang kagutuman. Ang talatang ito mula sa Aklat ni Mormon ay nagbigay liwanag sa pagkaunawa ko sa Biblia, at napagtanto kong ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.
Gaya ng ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang personal na paghahayag ay mas maihahalintulad sa unti-unting pagsikat ng araw kaysa sa biglaang pagkakaroon ng liwanag kapag nagbukas tayo ng ilaw.1 Nagsimula kong makita ang Aklat ni Mormon sa ibang paraan.
Sa loob ng mga sumunod na buwan, mas nasiguro ko pang ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Ang impresyong naramdaman ko nang maraming beses sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu ay, “Totoo iyon, totoo iyon, totoo iyon.”
Nagbabasa pa rin ako ng Aklat ni Mormon halos araw-araw, at sa bawat pagkakataon, naririnig ko ang mga salitang ito: “Totoo iyon.”