2022
Gawin ang 5 Tip ni Pangulong Nelson para Maragdagan ang Inyong Pananampalataya
Abril 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Gawin ang 5 Tip ni Pangulong Nelson para Maragdagan ang Inyong Pananampalataya

Kung nadarama ninyong nanghihina ang inyong pananampalataya, sundin ang limang mungkahing ito mula sa propeta.

pinagsama-samang larawan ng Tagapagligtas at ng iba pang mga indibiduwal na nagdarasal at nagbabasa

Lahat tayo ay nakakaranas ng mga pagsubok at pamimilit na sumusubok sa ating pananampalataya araw-araw. Kung minsan, ang mga hamong ito ay tila napakahirap harapin. Ngunit tinitiyak ko sa inyo na bawat isa sa atin, sa katunayan, ay maaaring magkaroon ng pananampalataya.

Hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan na kilalanin at “Huwag maliitin ang pananampalataya na taglay na [natin].” 1 Sinabi niya:

“Tila nakalulula ang manampalataya. Naiisip natin kung minsan kung makakaya ba nating magkaroon ng sapat na pananampalataya upang matanggap ang mga pagpapalang kailangang-kailangan natin. …

“Nauunawaan ng Panginoon ang ating mga kahinaan bilang tao. Tayong lahat ay nagkakamali paminsan-minsan. Ngunit nalalaman din Niya ang tungkol sa ating malaking potensyal. …

“Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo.” 2

Nasasaisip ang katotohanang ito, isipin ang limang mungkahing ito mula kay Pangulong Nelson kung paano natin mas madaragdagan nang paunti-unti ang ating pananampalataya kay Jesucristo araw-araw.

1. “Mag-aral.”

Bilang mga young adult, abala tayo sa buhay. Ngunit ang buhay ay laging magiging abala, at maaari pa rin nating paglaanan ng oras ang Panginoon at pag-aralan ang Kanyang ebanghelyo. Itinuro ni Pangulong Nelson, “[Kapag] mas marami kayong natututuhan tungkol sa Tagapagligtas, mas madaling magtiwala sa Kanyang awa, sa Kanyang walang-hanggang pagmamahal, at sa Kanyang nagpapalakas, nagpapagaling, at mapantubos na kapangyarihan.” 3

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay hindi nangangahulugan ng pagbabasa ng mga ito sa loob ng maraming oras. Ang pag-aaral ay maaaring 20, 10, o kahit 5 minuto na pagtutuon sa isang paksa. Gaano man ang haba ng oras ng pag-aaral, kung bubuksan natin ang ating puso sa mga mensahe sa mga banal na kasulatan araw-araw, madaragdagan ang ating pananampalataya kay Jesucristo.

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga tunay na tao na may sapat na pananampalataya kay Jesucristo na ilipat ang mga bundok o makaranas ng iba pang mga himala. Ang pag-aaral ninyo nang lubos sa mga kuwentong iyon ay tutulong sa inyo na mas maunawaan ang kahalagahan ng pananampalataya, kung ano ang pananampalataya, ang mga himalang dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya, at kung paano ninyo sisimulang gawing hindi natitinag ang inyong pananampalataya.

Ang pag-aaral ng misyon, ministeryo, at doktrina ni Cristo sa mga banal na kasulatan ay tutulong sa inyo na maunawaan ang kapangyarihang hatid ng pananampalataya sa Kanya sa inyong buhay at kung paano naaangkop sa inyo 4 ang Kanyang Pagbabayad-sala.

2. “Piliing maniwala kay Jesucristo.”

OK lang magtanong. Tandaan na ipinanumbalik ang Simbahan dahil may mga tanong ang isang batang lalaki at hiniling sa Ama sa Langit na malaman ang katotohanan.

Kung may mga tanong tayo o nagkukulang tayo ng karunungan (tingnan sa Santiago 1:5–6), saliksikin ang mga banal na kasulatan, maghanap ng mapagkakakatiwalaang sanggunian, at manalangin sa Ama sa Langit tungkol sa mga tanong na iyon. Nais Niyang hanapin at alamin natin ang katotohanan at hindi Niya tayo ililigaw ng landas.

Kahit may mga gayong tanong o pag-aalinlangan tayo, hinikayat tayo ni Pangulong Nelson na “piliing maniwala at manatiling tapat. Isangguni ang inyong mga tanong sa Panginoon at sa iba pang mapagkakatiwalaang sanggunian. Mag-aral nang may hangaring maniwala sa halip na umasang may makikitang kamalian sa buhay ng propeta o hindi pagkakatugma-tugma sa mga banal na kasulatan.” 5

Maaaring isipin natin, “Pero paano ako mananatiling tapat kapag may mga tanong o pag-aalinlangan ako na hindi ko mahanapan ng mga sagot?”

Una, patuloy nating mahahanap ang katotohanan nang may hangaring maniwala sa halip na maghanap ng kasinungalingan o kamalian. At pangalawa, masusunod natin ang payo ni Pangulong Nelson na “huwag nang patindihin pa ang [ating] pag-aalinlangan sa pagsasabi nito sa iba pang mga nagdududa. Tulutan ang Panginoon na akayin kayo sa inyong paglalakbay sa pagtuklas ng mga bagay na espirituwal.” 6

Kapag ipinamuhay natin ang mga bagay na ito, patototohanan sa atin ng Espiritu Santo ang pangako na “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

3. “Kumilos nang may pananampalataya.”

Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na ang pananampalataya ay hindi iiral nang walang gawa (tingnan sa Joseph Smith Translation, James 2:17).

Sinabi ni Pangulong Nelson: “Ano ang gagawin ninyo kung kayo ay may mas higit na pananampalataya? Pag-isipan ninyo ito. Magsulat tungkol dito. Pagkatapos ay tumanggap ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya.” 7

Ang pagkilos nang may pananampalataya ay hindi kailangang kumplikado. Ang simpleng pagbabasa ng inyong banal na kasulatan araw-araw, nagtitiwala na makahahanap kayo ng patnubay; pagdarasal nang may paniniwala na gagabayan kayo ng Ama sa Langit; at ang pagpiling sundin ang mga kautusan araw-araw sa kabila ng mga tukso ng mundo ay pawang pagpapakita ng pananampalataya. At kapag mas ginawa natin ang maliliit na gawaing ito na puno ng pananampalataya, mas lalo tayong makatatanggap ng higit na pananampalataya.

4. “Tumanggap ng mga sagradong ordenansa nang karapat-dapat.”

Ang inyong katapatan sa pagtanggap ng mga sagradong ordenansa nang karapat-dapat, kabilang na ang lingguhang sakramento, ayon sa itinuro ni Pangulong Nelson, “ay nagbubukas ng kapangyarihan ng Diyos para sa inyong buhay.” 8

Sinabi ni Elder Taniela B. Wakolo ng Pitumpu, “Ang pakikibahagi sa mga ordenansa at pagtupad sa kalakip na mga tipan nito ay magbibigay sa inyo ng kagila-gilalas na kaliwanagan at proteksyon sa mundong ito na lalo pang dumidilim.” 9

Nais ng Ama sa Langit na anihin ng bawat isa sa atin ang mga pagpapala ng pakikibahagi sa mga ordenansa sa templo. Kung nais ninyong makibahagi sa mga ordenansang ito ngunit hindi kayo sigurado kung saan magsisimula, huwag matakot na magpatulong sa inyong bishop na malaman kung paano maghanda para sa ordenansang ito at maging karapat-dapat sa mga ito.

5. “Humingi ng tulong sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo.”

Sabi ni Pangulong Nelson: “Ang pananampalataya ay nangangailangan ng paggawa. Ang pagtanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng paggawa. Ngunit ‘ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan’ [Mateo 7:8]. Alam ng Diyos kung ano ang tutulong sa paglakas ng inyong pananampalataya. Humingi, at pagkatapos ay huminging muli.” 10

Tulad ng pinatotohanan ni Pangulong Nelson, nariyan ang Ama sa Langit at si Jesucristo para tulungan tayo. Mahal Nila tayo. Lagi tayong makapagdarasal sa ating Ama sa Langit para humingi ng tulong sa pag-alam kung paano palalakasin ang ating pananampalataya. At habang lumalago ang ating pananampalataya kay Jesucristo, aalisin ng ating pananampalataya ang mga bundok ng paghihirap sa ating buhay at “tutulong sa inyo na magawang walang kapantay na pag-unlad at oportunidad ang mga pagsubok.” 11

Kaya kung nadarama ninyo na tila nawawala na ang inyong pananampalataya, sundin ang epektibong mga hakbang na ito para simulang palaguin ang inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa halip na hayaang manghina ito. Kapag ginawa ninyo ito, “gagawin [ng Panginoon] ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27), at makikita ninyo na tunay na magiging sapat ang inyong pananampalataya upang ilipat ang inyong mga espirituwal na bundok.