2022
Huwag Maghimagsik, Ni Matakot
Abril 2022


“Huwag Maghimagsik, Ni Matakot,” Liahona, Abr. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mga Bilang 11–14

Huwag Maghimagsik, Ni Matakot

Naunawaan nina Josue at Caleb ang mga hamon na kanilang kinakaharap, ngunit alam nila na makakaasa sila sa Panginoon.

ang pagbalik nina Josue at Caleb

The Return of Joshua and Caleb [Ang Pagbalik nina Josue at Caleb], ng di-kilalang artist, Lebrecht History / Bridgeman Images

Sa buhay ko napansin ko na madalas tumugon ang mga tao sa inspirasyong natanggap ng mga pinuno ng Simbahan sa isa sa dalawang paraan:

  1. Naunawaan nila ang pananaw tungkol sa nadarama ng pinuno na kailangang ipagawa ng Panginoon, nagsasalita nang positibo tungkol dito, at hinihikayat ang iba na maunawaan ang pananaw ring iyon. Kung minsan maaaring kailangan silang sumulong nang may pananampalataya hanggang sa magkaroon sila ng lubos na pag-unawa.

  2. Naghihimagsik sila laban sa pananaw, sinusuri itong mabuti, at naghahanap ng mga dahilan kung bakit sila nangangamba na hindi ito magagawa. O lubusan nilang binabalewala ang inspirasyon at wala silang ginagawa. Kalaunan, natutuklasan ng mga nasa kategoryang ito na magtatagumpay ang gawain ng Panginoon, kahit pinili nilang huwag itong suportahan.

Ang Pangako ng Panginoon kay Moises

Mababasa natin ang gayon ding mga reaksyon sa inspirasyon ng kanilang mga pinuno nang malapit nang marating ng mga Israelita ang kilala noon bilang lupain ng Canaan. Napalaya ng Panginoon ang mga Israelita mula sa Ehipto. Sinabi na Niya kay Moises na kung susundin ng mga tao ang Kanyang mga utos, aakayin Niya sila patungo sa lupang pangako, isang lupaing naipangakobng Panginoon na ibibigay sa mga inapo ni Abraham, “isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot” (Exodo 3:17). Nang maglakbay sila sa ilang patungo sa lugar na ito, nakaranas ng maraming pagsubok ang mga Israelita na sumubok sa kanilang pananampalataya. Naghimagsik sila nang madalas at lumihis sa mga utos ng Panginoon. (Tingnan sa Exodo 32:1–9; Mga Bilang 11:1–34.)

Nang sa wakas ay malapit na ang mga Israelita sa lupang pangako, inutusan ng Panginoon si Moises na magpadala ng labindalawang espiya—tig-iisa mula sa labindalawang lipi ni Israel—upang “siyasatin ang lupain ng Canaan” (Mga Bilang 13:2). Inutusan silang alamin kung ang mga taong nakatira doon “[ay] malakas o mahina, kung sila’y kakaunti o marami” at kung ang lupain ay mabunga. Ang dalawa sa mga espiyang ito ay sina Josue at Caleb. (Tingnan sa Mga Bilang 13:4–20.)

Ang mga tiktik na ito ay gumugol ng 40 araw sa pagsasaliksik sa lupain ng Canaan bago bumalik kay Moises at sa mga anak ni Israel sa ilang. Dala ng mga espiya ang bunga ng lupain ng Canaan. Iniulat nila na ang lupain ay “dinadaluyan ng gatas at pulot. … Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki.” (Tingnan sa Mga Bilang 13:25–29, 33.)

Dalawang Paraan ng Pagtingin sa mga Bagay-bagay

Nasaksihan ng lahat ng labindalawang espiya ang parehong mga pakinabang mula sa at parehong mga balakid sa pagtupad sa utos ng Panginoon na manirahan sa Canaan. Gayunman, makikita sa kanilang mga sagot kung paanong ang nakita ng sampung miyembro ng grupo ay mga problema lamang, samantalang ang dalawa pa ay nagtiwala sa Diyos.

Ang tanging nakita ng sampu sa mga espiya ay ang mga paghihirap lamang na nasa kanilang harapan. Dahil hindi sila nagtiwala sa Panginoon, natakot silang sundin ang Kanyang utos na magpunta sa lupain ng Canaan. Alam nina Caleb at Josue, sa kabilang banda, na kung may pananampalataya ang mga Israelita, ibibigay sa kanila ng Panginoon ang lupain ng Canaan. Ipinayo ni Caleb, “Ating akyatin agad at sakupin [ang lupain]; sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon” (Mga Bilang 13:30).

Sinalungat ng sampu pang espiya ang payo ni Caleb. “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon,” sabi nila, “sapagkat sila’y malalakas kaysa sa atin. … Lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao. … At kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin” (Mga Bilang 13:31–33).

Mga Pagpiling Batay sa Takot

Sa kasamaang-palad, nagtuon ang mga Israelita sa nakakatakot na ulat. Dahil tila mahirap ang daan at natakot sila sa mga taong nakatira doon, tumanggi silang pumasok sa lupang pangako. Nagsimula silang bumulung-bulong laban kay Moises at sa Diyos. Walang-wala silang pananampalataya kaya ninais pa nila na hinayaan na lang sana sila ng Diyos na mamatay sa Ehipto o sa ilang. “Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo’y magbalik sa Ehipto?” tanong nila, at sinabing, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo’y magbalik sa Ehipto” (Mga Bilang 14:3–4).

Gayunman, sinikap pa rin nina Josue at Caleb na tulungan ang mga tao na magtiwala sa Panginoon. “Kung kalulugdan tayo ng Panginoon,” sabi nila, “ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.

“Huwag lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, … ang Panginoon ay kasama natin: huwag kayong matakot sa kanila” (Mga Bilang 14:8–9).

Ayaw makinig ng mga anak ni Israel kina Josue at Caleb at sa halip ay tinangka ng mga ito na patayin sila (tingnan sa Mga Bilang 14:10). Dahil sa kanilang paghihimagsik, sinabi sa kanila ng Panginoon na magpapagala-gala sila sa ilang sa loob ng 40 taon. Kapag pumanaw na ang lahat ng bumulung-bulong laban sa Kanya, saka lamang Niya sila dadalhin pabalik sa lupang pangako. Sa labindalawang espiya, tanging sina Josue at Caleb ang nakapasok sa lupang pangako. (Tingnan sa Mga Bilang 14:22–38.)

Mga Makabagong Caleb at Josue

Maraming makabagong Caleb at Josue. Ang isang gayong lalaki ay si John Hulme na lolo ng asawa ko. Isang araw noong 1926, nakausap ng bishop si John. Binanggit ng bishop ang paksa tungkol sa misyon. Hindi iyon inasahan ni John.

Noon pa man ay gusto na ni John na magmisyon, pero naging kumplikado ang buhay niya. Bakit? Dahil si John ay 42 taong gulang na noon. May asawa siya at apat na anak, mga edad 15, 12, 4, at 2. May sarili siyang rantso. Mayroon siyang lupain at mga baka na kakailanganing pangasiwaan habang wala siya. Kailangan siyang maghanap ng paraan para matiyak na maaalagaan ang kanyang pamilya at ari-arian habang wala siya.

Sinabi ng bishop kay John na hindi ito opisyal na tawag, kundi isang mungkahi lamang. Sinabi ni John sa bishop na pag-iisipan niya ito at ipapaalam sa kanya kinabukasan.

Maagang hinanap ni John ang bishop kinabukasan at sinabing tatanggapin niya ang tawag na maglingkod. Noong umagang iyon, matapos ang malamang ay isang gabing walang tulog, hindi alam ni John kung paano isasaayos ang mga bagay-bagay para makapagmisyon. Alam lang niya na maglilingkod siya. Tulad nina Caleb at Josue, alam niya na tutulungan siya ng Diyos na makahanap ng paraan. At tinulungan nga siya ng Diyos. Naupahan ni John ang isang kapitbahay para pangalagaan ang kanyang lupain at kanyang mga baka, at nagtulung-tulong ang ward at komunidad para suportahan ang kanyang asawa at mga anak.

mga missionary sa isang kalye sa New York City kasama ang maraming tao sa paligid

Nanibago siguro nang husto si John sa kultura, isang rantsero mula sa isang munting bayan, nang dumating siya para magmisyon sa New York City.

Larawang-guhit ni Brian Call

Si John ay nagmula sa isang munting bayan na ang populasyon ay mga 500 tao. Sanay siya sa pagsakay sa kabayo at pagtatrabaho sa lupain. Nang tawagin siyang maglingkod sa New York City, nanibago siguro siya nang husto sa kultura. Marahil pakiramdam niya ay para siyang tipaklong sa gitna ng mga higante. Ngunit matagumpay na naglingkod si John sa misyon. Ang kanyang halimbawa ay nagbigay sa kanyang mga inapo ng hangaring magtiwala sa Diyos anuman ang mga balakid at mga bagay na hindi nila alam. “Sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37).

Harapin ang mga Balakid nang May Pananampalataya

Tulad ng mga anak ni Israel, nahaharap tayo sa mabibigat na balakid. Ngunit hindi tayo maihihiwalay ng mga balakid na iyon sa mga pagpapalang naipangako ng Panginoon kung susundin natin ang Kanyang mga utos. Hindi mali na kilalanin natin ang mga balakid na iyon. Ngunit mahalagang harapin natin ang mga ito nang may pananampalataya.

Naunawaan nina Josue at Caleb ang mga hamon na kinakaharap nila, ngunit alam nila na makakaasa sila sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, madali nating makikita na kapag sinabi sa atin ng mga propeta ang kalooban ng Panginoon, makabubuting maghanap tayo ng mga paraan upang tumulong na maisakatuparan ito. Tiyak na may mga balakid, ngunit sa pagsampalataya sa Diyos madaraig natin ang mga ito. Narito ang ilang halimbawa:

  • Nang pagsamahin ang mga high priest at elder sa isang korum, inisip ng ilan kung paano posibleng umubra ang pagbabagong ito. Tinanggap ng iba ang pagbabago at tumulong sa pagbuo ng mga bagong ugnayan.

  • Nang palitan ng ministering ang home at visiting teaching, mga hamon lamang ang nakita ng ilan. Ang iba naman ay nagsimulang maglingkod sa mas mataas at mas banal na paraan.

  • Nang bigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson na kailangang gamitin ang buong pangalan ng Simbahan, nag-atubili ang ilan at naglista ng mga dahilan kung bakit mas madaling gamitin ang maiikling pangalan. Kaagad tinanggap ng iba ang patnubay at naghanap ng mga paraan para magamit ang pangalan tulad ng nakasaad sa banal na kasulatan.

  • Nang paikliin sa dalawang oras ang iskedyul ng miting sa araw ng Sabbath mula sa tatlong oras, nadama ng ilan na hindi magiging sapat ang oras sa pagtuturo at makakalito ang mga iskedyul. Mabilis na nakasunod ang iba sa pagbabago.

Siyempre marami pang ibang mga halimbawa, ngunit malinaw ang aral. Bawat hamon at bawat balakid na kinakaharap natin ay isang pagkakataon para piliin, tulad nina Josue at Caleb, na magtiwala sa Panginoon. Ang “huwag maghimagsik … , ni matakot” (Mga Bilang 14:9) ay mabuting payo para sa mga anak ni Israel, at mabuti pa rin ito para sa bawat isa sa atin ngayon.