2022
Mga Kuwentong Nagbibigkis sa Atin
Hunyo 2022


“Mga Kuwentong Nagbibigkis sa Atin,” Liahona, Hunyo 2022.

Pagtanda nang May Katapatan

Mga Kuwentong Nagbibigkis sa Atin

Mapapalakas natin ang ating pamilya sa pagbabahagi ng mga halimbawa ng pananampalataya at lakas-ng-loob, noon at ngayon.

mga bagon ng tren na nasa parang na nanganganib na masunog na inaapula ng biglaang pagbagyo

Mga larawang-guhit ni Carolyn Vibbert

Sa pagtanda ko, nagbago ang posisyon ko sa aking pamilya. Noon ako ay isang bata pang ina na namamahala sa isang grupo ng aktibong mga anak para sa organisadong kaguluhan na tinawag naming home evening. Ngayon ako na ang lola, kung minsan sa gitna ng mga pangyayari sa pamilya at kung minsan sa tabi-tabi o sa likuran lang. Umakyat ako ng isang kawing sa tanikala ng buhay. Minahal ko ang dalawang naunang henerasyon, pati na ang asawa ko, na ngayon ay nasa kabilang-buhay na. At mahal na mahal ko ang dalawang henerasyon sa kasalukuyan na nasa mundo (dagdag pa ang ilang apo-sa-tuhod mula sa kasunod na henerasyon nito).

Isa sa mga papel na ginagampanan ko ngayon ay nagaganap sa pagtatapos ng mga videoconference ng aming pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Bilang magkakamag-anak, gumagamit kami ng online game program para tulungan ang magpipinsan na makilala ang isa’t isa at tulungan kaming lahat na maalaala o makilala ang aming mga ninuno. Nang gawin namin ito, natanto ko na hindi lamang ang aming mga tipan sa templo ang nagbibigkis sa aming pamilya magpakailanman, kundi maging ang ibinabahagi naming mga kuwento ng katapangan at pananampalataya.

Inspirasyon mula sa Nakaraan

isang lalaking binibinyagan sa isang fjord

Naniniwala ako na bawat isa sa atin ay may kuwento ng pananampalataya at katapangan na ibabahagi. Tiyak na ang mga nauna sa atin ay makahihikayat sa atin kapag inaalaala natin ang kanilang espiritu at mga sakripisyo. Halimbawa:

  • Nagpapasalamat ang aming pamilya sa isang batang lalaki na si Christian Hans Monson na noong dekada ng 1800 ay naghatid ng pagkain sa mga missionary na nasa piitan sa Fredrikstad, Norway. Itinuro sa kanya ng mga missionary ang ebanghelyo. Lihim niya silang pinalabas ng piitan, at bininyagan nila siya sa fjord isang gabing puno ng mga bituin ang kalangitan. Matapos siyang sumapi sa Simbahan, pinalayas siya ng kanyang ama. Pero nakapunta siya sa Salt Lake Valley para magkaroon ng mabubuting inapo.

  • Nabigyang-inspirasyon din tayo ng kuwento ni Johanna Kirstine Larsen. Sa kanilang paglalakbay papunta sa Salt Lake Valley, ang kanyang grupo ng mga pioneer, na pinamunuan ni Brigham Young Jr., ay nakaranas ng napakalaking sunog sa kaparangan. Matapos silang mag-alay ng taimtim na panalangin, isang maliit na ulap mula sa malayo ang naging bagyo na umapula sa apoy.

Inspirasyon para sa Ngayon

dalawang dalagitang nakangiti

Ang apo kong babae at ang aking “ampon” na apong babae, isang bata pang convert na nakitira sa pamilya ng anak ko.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Nakadarama ako ng malaking pasasalamat para sa matatapat at matatapang na kaluluwang ito. Pero nakadarama rin ako ng pagpapakumbaba sa magigiting na espiritu sa aming pamilya ngayon. Kaya, nagpasiya ako na sa bawat miting ng aming pamilya, hihilingan ko ang dalawa sa mga apo ko na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa pananampalataya at tapang. Hindi lamang ito nagbibigay-inspirasyon sa iba pang mga kapamilya, kundi tinutulutan nito ang mga nagbabahagi na mag-ukol ng ilang minuto para makita kung paano sila tinulungan ng Diyos sa mahirap na panahon. Narito ang dalawa sa kanilang mga kuwento.

  • Nakipaglaban ang apo naming babae sa thyroid cancer noong tinedyer siya. Sabi niya, “Ginabayan ako ng Ama sa Langit, lalo na sa linggong iyon ng radiation isolation. Ang aking patotoo at ang maliit na aso kong si Daisy ang nakatulong sa akin.”

  • Nang matagpuan ng isang batang convert ang kanyang sarili na walang tahanan o pamilya, dinala siya ng mga missionary sa bahay ng aming anak. Tinanggap namin siya na parang sarili naming anak at itinuring siya bilang isa sa amin. Sinabi ng masayang batang convert na ito, “Natutuhan ko na kahit natatakot ako, kaya kong gumawa ng mahihirap na bagay sa tulong ng Ama sa Langit.” Binibiyayaan niya kami ng kanyang mapagmahal at masayang saloobin.

Sa papel ko bilang lola, muli kong natutuhan na marami tayong magagawa bilang mga magulang at lolo’t lola para mapalakas ang mga kawing sa kadena ng ating walang-hanggang pamilya. Ang pagbabahagi ng mga kuwento ng pananampalataya at katapangan, mula sa nakaraan at sa kasalukuyan, ay paraan para matulungan ang ating mga anak at apo na magkaroon ng pananampalataya at tapang na harapin ang darating na panahon. At ito ay napakagandang paraan para makatulong na ibaling ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama at ina (tingnan sa Malakias 4:6).

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.