2022
Ang Panalangin Kong Magkaroon ng mga Peach at Peras
Hunyo 2022


Digital Lamang

Ang Panalangin Kong Magkaroon ng mga Peach at Peras

Ang awtor ay naninirahan sa Oregon, USA.

Sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin ilang buwan matapos akong humiling.

basket ng mga peach at peras

Maraming taon na ang nakararaan, noong kasama pa naming mag-asawa sa bahay ang aming anim na anak, nagkaroon din kami ng bahay-ampunan kung saan inalagaan namin ang matatandang pasyente na may Alzheimer’s. Noong panahong iyon, mayroon kaming isang malaking halamanan at ipinepreserba ang marami sa mga pagkain namin. Isang taon kaming walang makuhang mga peach o peras, na paborito ng aming pamilya at talagang mainam sa mga pasyenteng may Alzheimer’s na nangangailangan ng malambot na pagkain.

Nagpasiya akong ipagdasal ang pangangailangang ito. Hiniling ko sa Ama sa Langit na akayin ako sa ilang murang peach at peras kung alam Niya na may makukuhanan. Umaasa akong makakahanap ako ng mga prutas na maaaring itatapon lamang.

Makalipas ang ilang araw, inihatid ko ang aking mga anak sa simbahan para sa isang aktibidad ng mga kabataan. Isang sister na bago sa ward ang lumapit sa akin at nagtanong kung gusto ko ng mga hinog na peach. Kabibili lang ng kanyang pamilya ng bahay na may maraming puno ng peach sa bakuran, at mas marami ang bunga kaysa magagamit nila. Nakapitas ako ng maraming kahon ng mga peach nang halos walang bayad.

Lumipas ang ilang panahon, at wala akong nakitang anumang peras. Ikinatwiran ko sa sarili ko na alam ng Ama sa Langit na abala ako sa pag-aasikaso sa mga bata sa paaralan at pagpepreserba ng pagkain mula sa aming halamanan at wala akong oras para sa mga peras.

Makalipas ang ilang buwan, matapos anihin ang lahat ng prutas, nasa hintayan ako ng opisina ng aking chiropractor. Habang nakaupo ako roon, pumasok ang isang lalaki at nagsimulang makipag-usap sa receptionist. Nagulat ako nang marinig ko ang lalaki na nagtanong sa receptionist kung may kakilala siya na may gusto ng mga peras. Mayroon itong mga kahon ng mga peras na nasa malamig na imbakan at gusto niyang makahanap ng paglalagyan ng mga ito para mapatay niya ang palamigan sa taglamig. Nakabili ako ng malalaking kahon ng malalaki at magagandang peras sa halagang tatlong dolyar lamang bawat isa—isang napakalaking diskuwento sa halaga kumpara sa karaniwang ibinabayad ko!

Sinagot ng Ama sa Langit ang aking panalangin ilang buwan na ang nakararaan, at inasikaso rin Niya na manatiling malamig ang mga peras hanggang sa nagkaroon ako ng mas maraming oras para maipreserba ang mga ito.

Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Elder Brook P. Hales ng Pitumpu: “Alam ng Ama ang nangyayari sa atin, ang ating mga pangangailangan, at lubos tayong tutulungan. Kung minsa’y ibinibigay ang tulong na iyan sa mismong sandali o matapos man lang tayong humingi ng tulong sa Kanya. Kung minsa’y hindi sinasagot ang ating pinakataimtim at nararapat na mga hangarin sa paraang inaasam natin, ngunit nalalaman natin na may mas dakilang mga pagpapalang nakalaan ang Diyos. At kung minsan, hindi ipinagkakaloob sa buhay na ito ang ating matwid na mga hangarin.”1

Maraming beses na sinagot kaagad ang aking mga panalangin, ngunit ang ilang bagay na taimtim kong ipinagdarasal araw-araw ay hindi pa rin ipinagkakaloob. Ang pag-alaala sa mga karanasang tulad ng panalangin ko na magkaroon ng mga peach at peras ay nagpapaalala sa akin na kilala ako ng aking Ama sa Langit at ang aking mga pangangailangan at tutulungan Niya ako sa perpektong mga paraang alam Niyang pinakamabuti para sa akin.