“Kailangan Natin Siyang Bigyan ng Basbas” (artikulong digital lamang), Liahona, Hunyo 2022, ChurchofJesusChrist.org.
Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya
Kailangan Natin Siyang Bigyan ng Basbas
“Nananampalataya ka ba na matutulungan at mapapagaling ka ng Panginoon?” tanong ko kay Alan. “Opo, Papá,” sabi niya sa akin, “Nananampalataya po ako.”
“Papá, naaksidente si Alan!” sigaw ni Nicole habang siya at ang kaibigan nitong si Nathalia ay mabilis na pumasok sa aming kampo sakay ng kanilang sasakyang all-terrain na may apat na gulong.
Nagkakamping kami noon sa gitnang Utah kasama ang dalawa pang pamilya. Habang nakasakay sa isang four-wheeler ang anak kong si Alan at ang kaibigan niyang si Kurt, tumama sila sa isang kanal at bumaligtad ang kanilang sinasakyan. Bumagsak ito kay Alan, ngunit kahit paano ay naialis ito ni Kurt.
Pagdating ko sa lugar na iyon makalipas ang ilang minuto kasama ang dalawang kaibigan, nakahandusay si Alan sa kanal, napaliligiran ng ilang kalalakihan. Nahihirapan siyang huminga, at mukhang alalang-alala si Kurt. Nang tangkain ni Alan na bumangon, sinabihan siya ng isang lalaking may medical bag na manatiling nakahiga habang ginagawan siya ng pangunang lunas at tinitingnan ang kanyang vital signs.
“Ikaw ang ama, tama po ba?” tanong nito habang nakatingin siya sa akin.
“Opo.”
“Samahan mo po si Alan.”
Sa mga kaibigan kong sina Hector at Carlos, sinabi niya, “Kailangan ko kayong kausapin.”
Humayo silang mag-isa, na siyang nagpakaba sa akin. Ang pangalan ng lalaki ay Mike Staheli. Si Mike, isang nars, ay nagkakamping kasama ang ilang kaibigan. Nagplano silang umuwi nang umagang iyon ngunit nakadama sila ng pahiwatig na manatili ng isa pang araw. Nakita ng kanyang anak ang aksidente at agad na tinawag ang kanyang ama upang humingi ng tulong.
Nalaman ko kalaunan na sinabi ni Mike kina Hector at Carlos na malubha ang kalagayan ni Alan. Nangamba si Mike na baka pumanaw sa kanal si Alan kung hindi ito agad na makatatanggap ng medikal na tulong. Ang kaliwang binti ni Alan ay namaga nang doble sa normal na laki nito, at natakot si Mike na dumanas ng bali sa balakang o hita si Alan. Nakumbinsi si Mike na nabali ni Alan ang kaliwang braso nito na hugis Z na at marahil ang ilang tadyang din. Nangamba rin si Mike na baka nasugatan ang mga internal organ ni Alan.
Upang mabilis na madala sa ospital si Alan, sinabi ni Mike na dapat kaming tumawag ng medical helicopter, na siyang ginawa namin.
“Ako ay May Pananampalataya”
“Luis,” sabi ni Hector sa ikalawang pagkakataon, “kailangan nating magbigay ng basbas kay Alan.”
Hindi ko talaga narinig si Hector noong unang pagkakataon dahil masyado akong nakatuon kay Alan. Tama si Hector.
“Bibigyan ka namin ng basbas,” sabi ko kay Alan, na kamakailan lamang ay naorden bilang deacon. “Nauunawaan mo ba ang ibig sabihin nito?”
“Opo,” sagot niya.
“Pero kailangang may gawin ka,” sabi ko. “Kailangan mong manampalataya kay Jesucristo at sa kapangyarihan ng priesthood. Nananampalataya ka ba na matutulungan ka ng Panginoon at mapapagaling ka Niya?”
“Opo, Papá,” sabi niya sa akin, “Nananampalataya po ako.”
Pinahiran ko ng langis si Alan, at pagkatapos ay binigyan ko siya ng basbas, kung saan pinagtibay ni Hector ang pagpapahid ng langis. Simple lamang ang mga salita ni Hector, ngunit nadama naming lahat ang makapangyarihang presensya ng Espiritu Santo.
Bumagal ang paghinga ni Alan, at halos agad na bumuti ang kanyang vital signs. Tumigil ang hangin, napanatag kami, at nagsimulang umiyak ang ilan sa mga lalaki. Napakalamig ng araw na iyon ng taglagas, ngunit pagkatapos niyon, sinabi ni Alan na naging mas mainit ang pakiramdam niya nang banggitin ni Hector ang basbas.
Hindi nagtagal ay dumating ang helicopter, at sumama ako kay Alan papunta sa ospital. Nang dumating kami, mabilis siyang dinala sa loob, kung saan siya sumailalim sa ilang pagsusuri at pagsusulit, kabilang na ang MRI. Habang naghihintay ako, inasahan ko ang pinakamalalang kahihinatnan. Ngunit hindi nangyari ang pinakamalalang kinatatakutan. Ang mga doktor ay walang natagpuang mga pinsala sa loob ng katawan at walang nabaling buto sa hita, balakang, braso, o mga tadyang—walang kahit anuman.
“Alan,” sabi sa kanya ng isa sa mga doktor, “mukhang makakauwi ka na ngayong gabi.”
Hirap makalakad si Alan, kaya nanatili siya nang magdamag sa ospital para masuri. Nang iuwi namin siya kinabukasan, isang brace lamang ang suot niya sa kanyang kaliwang pulsuhan. Makaraan ang anim na linggo, naghahanda na siya para maglaro ng soccer.
Isang linggo matapos ang aksidente, nagpunta kami sa bahay ni Mike upang pasalamatan ito sa tulong niya. Halos hindi siya makapaniwala nang pumasok si Alan at umupo sa kanyang sopa.
“Nakapag-alaga ako ng maraming tao, at nakita kong pumanaw ang maraming tao,” sinabi niya sa amin. “Kung medisina ang pagbabasehan, hindi na dapat nabuhay si Alan. Ang nakita ko noong araw na iyon ay tunay na mahimala. Ito ay gawa ng Diyos.”
Alam ko na ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos sa lupa. Nagmumula ito sa Panginoong Jesucristo, na ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Alam ko rin na sa pangalan ni Jesucristo, at sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at ng pananampalataya ay maaari tayong gumawa ng mga himala.