Digital Lamang
Pagpapalaki sa mga Anak na Babae bilang Ama na Walang Asawa
Alam ko na mahirap palakihin ang aking mga anak na babae na wala ang asawa ko. Pero hindi nagtagal ay nalaman ko na hindi talaga ako nag-iisa.
Nang pumanaw ang asawa ko dahil sa kanser, mag-isa kong itinaguyod ang aming limang anak—dalawang babae at tatlong anak na lalaki. Ang pagpapalaki sa mga anak ko nang nag-iisa ay may mga hamon, ngunit mas mahirap para sa akin na palakihin ang dalawa kong anak na babae. Napakaraming bagay ang kailangan nila na tanging isang babae lamang ang tunay na makapagbibigay. Tulad ng sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mga ina at anak na babae ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagtulong sa isa’t isa na saliksikin ang kanilang walang katapusang potensyal, sa kabila ng mga nakabababang impluwensiya ng isang daigdig na sumisira at nagmamanipula sa kanilang pagkababae at pagiging ina.”1 Paano ko mapupunan iyon?
Subalit ang ilang alituntunin ng ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng lakas habang hinahangad kong gabayan ang aking kahanga-hangang mga anak na babae at maging ang aking napakahusay na mga anak na lalaki. Ang mga alituntuning ito ay maaaring makatulong sa iba pang mga amang walang asawa, mga walang asawang ina ng mga anak na lalaki, at lahat ng mga magulang na walang asawa.
Panatilihing Maging Pundasyon ang Ebanghelyo
Nalaman ko na para sa lahat ng anak ko (at para sa akin), ang pananatiling tapat sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, tulad noon pa man, ang dapat kong simulan. “Ang mga pagsalungat at pagsubok ay nagsilbing punlaan para sa pagpapalago ng pananampalataya,” sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Ikalawang Tagapayo ng Unang Panguluhan.2
Habang isinasabuhay namin ang pananampalataya, nalaman namin na mahalagang gawin ang ilang bagay:
-
Alalahanin ang maliliit at simpleng bagay. Sa pamamagitan ng panalangin ng pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, tumanggap tayo ng “mga dakilang bagay” (Alma 37:6) sa ating buhay, tulad ng pag-asa at kagalakan.
-
Palakasin ang bawat isa. Mag-ukol ng oras na magkasama, mag-usap, at pasayahin ang bawat isa. Ang mga simpleng salita ng suporta ay makagagawa ng malaking kaibhan.
-
Magpakita ng halimbawa sa isa’t isa. Ang paghikayat sa aking mga anak na maging mabubuting halimbawa ay nangangahulugang kailangan ko ring magpakita ng mabuting halimbawa sa kanila. Kinailangan kong patuloy na “[mangusap] tungkol kay Cristo [at magalak] kay Cristo, … upang malaman ng [aking] mga anak” (2 Nephi 25:26) na dapat din silang umasa sa Kanya.
-
Magtiwala sa Ama sa Langit. Ang Kanyang plano para sa bawat isa sa atin ay plano ng kaligayahan. Kahit sa mahihirap na panahon, “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25), at ang mga mag-anak ay nilayong magkasama-sama magpakailanman. Ang mga katotohanang ito ay nagdulot sa amin ng lakas bawat araw.
-
Tanggapin at gampanang mabuti ang mga tungkulin. Alam ko na mahalagang patuloy na maglingkod sa mga tungkulin, mag-ministering, at makihalubilo sa iba pang mga Banal sa mga Huling Araw. Nang malaman ko na isa sa mga anak kong babae ang nais umawit sa koro ng ward, sumali rin ako sa koro. Napakasaya naming umawit nang magkasama.
-
Makinig sa pangkalahatang kumperensya. Minsan, bago ang pangkalahatang kumperensya, pinanghihinaan ako ng loob noon at nanalangin para malaman kung may nakakaunawa sa sitwasyon ko. Sa mismong kumperensyang iyon, sinabi ni Elder David S. Baxter ng Pitumpu: “Ngayon, mangyari pa ay may ilang pamilya na ama lamang ang tumatayong magulang. Mga kapatid, ipinagdarasal at pinupuri din namin kayo.”3 Nakatulong iyon sa akin na maunawaan na ang pagmamahal at suportang ibinibigay sa mga inang walang asawa ay para rin sa mga amang walang asawa.
Tulutan ang Iba na Tumulong
Gayundin, ako ay isang ama na mag-isang sinisikap na palakihin ang mga anak na babae. Hinangad kong magkaroon ng oras para sa bawat isa sa kanila upang patatagin ang aming mga ugnayan. Subalit paano ko sila matutulungang maghandang maging babae? Hindi nagtagal ay natuklasan ko na mas marami pang resources kaysa inaakala ko:
-
Mga miyembro ng pamilya. Pinasasalamatan ko ang Panginoon para sa isang hipag at manugang na babaeng nakatira sa malapit at sumagip sa akin. Dumalo sila sa mga maturation meeting kasama ang aking mga anak na babae. Tinulungan nila ang aking mga anak na babae na maghanda para sa mga sayawan. Higit sa lahat, nakinig sila. Nakibahagi sila sa mga inaasam, takot, pananabik, at hangarin ng aking mga anak. Tinulungan nila silang magbago mula sa mga bata tungo sa pagiging tinedyer at tungo sa pagiging mga adult na iba ang pagkakaunawa sa prosesong iyon kaysa kaya kong ibigay, dahil hindi ko naranasan ito sa gayon ding paraan.
-
Mga kapitbahay. Binabantayan ng mabubuting kapitbahay ang anak kong babae kasama ang kanilang anak na babae pagkatapos ng eskuwela hanggang sa makauwi ako mula sa opisina. Inihahatid ng iba pang mga kapitbahay ang mga anak ko sa paaralan kapag may mga maagang miting ako. Isang kapitbahay na may negosyo ng pag-aalaga ng mga bakuran ang regular na nagtatabas ng damuhan ko nang walang bayad upang makapag-ukol ako ng mas maraming oras sa aking pamilya.
-
Mga ministering brother at mga lider ng Simbahan. Nakipag-ugnayan ang mga ministering brother ko sa ward council, at tila lahat ng nasa ward, lalo na ang mga lider ng Primary at Young Women, ay ginawa ang higit pa sa inaasahan sa kanila para tulungan ang mga anak ko. Nalaman ko na ang isa sa mga dakilang bagay tungkol sa Relief Society ay nag-aalok sila ng kaginhawahan. Minsan, nilinis ng isang grupo nila ang buong bahay ko, mula itaas hanggang ibaba. At sa mga aktibidad ng Young Women, may isang taong laging tinitiyak na nadarama ng aking mga anak na babae na kabilang sila.
Hindi lahat ay makararanas ng ganitong antas ng suporta. Ngunit natutuhan ko na hangga’t hindi natin ipinaaalam sa iba ang mga kakulangan na nakikita natin na nararanasan ng ating mga anak nang walang ina, maaaring hindi maunawaan ng mga taong iyon kung paano sila makakatulong.
Tandaan na Hindi Ka Nag-iisa
Sinabi ni Elder Baxter: “Mga magulang na walang asawa, pinatototohanan ko na kapag ginawa ninyo ang lahat sa pagharap sa pinakamatitindi ninyong hamon sa buhay, pagpapalain kayo ng langit. Tunay ngang hindi kayo nag-iisa. Hayaang pagpalain ng mapagtubos at mapagmahal na kapangyarihan ni Jesucristo ang inyong buhay ngayon at puspusin kayo ng pag-asa ng walang-hanggang pangako. Maging matatag. Manampalataya at umasa. Isaalang-alang ang kasalukuyan nang may katatagan at asamin ang hinaharap nang may tiwala.”4
Tulad ng sinumang dumaranas ng mga pagsubok, maaaring nahihirapan ang mga amang walang asawa. Alam ko na may mga pagkakataong ganoon din ang pakiramdam ko. Ngunit alam ko rin na maraming pag-asa at maraming tulong para sa mga amang walang asawa sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.