Digital Lamang: Mga Kuwento mula sa Saints [Mga Banal], Tomo 3
Ang mga Unang Sister Missionary
Ang sumusunod ay isang sipi mula sa tomo 3 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, na inilathala noong tagsibol ng 2022.
Nang pumasok sa daungan ng Liverpool, England ang kanyang sinasakyang barko o steam ship, nakita ng dalawampu’t isang taong gulang na si Inez Knight ang kanyang kuya na si William sa pantalan, naghihintay sa gitna ng maraming kapwa missionary. Noon ay ika-22 ng Abril,1898. Si Inez at ang kanyang kompanyon na si Jennie Brimhall ay nagpunta sa British Mission bilang mga unang dalaga na itinalaga bilang “mga babaeng missionary” para sa Simbahan. Tulad ni Will at ng iba pang mga elder, sila ay mangangaral sa mga miting sa kalye at kakatok sa bawat pintuan, at magpapalaganap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.1
Sa nakalipas na mga dekada, sina Louisa Pratt, Susa Gates, at iba pang mga babaeng may-asawa ay naglingkod sa mga matagumpay na misyon kasama ng kanilang mga asawa, bagama’t walang opisyal na mga tawag sa misyon. Bukod pa rito, ang mga lider sa Relief Society at Young Ladies’ Mutual Improvement Association [na kilala ngayon bilang Young Women] ay naging mabubuting sugo para sa Simbahan sa mga lugar na tulad ng World’s Fair o Pandaigdigang Eksibit noong 1893. At marami sa mga bata pa at mga dalaga ang nagkaroon ng karanasan sa pagtuturo at pamumuno sa mga pulong ng YLMIA, na naghanda sa kanilang ipangaral ang salita ng Diyos.2
Matapos muling makasama si Will, naglakad si Inez kasama niya at ni Jennie papunta sa punong-tanggapan ng mission na isang apat na palapag na gusali na okupado ng mga Banal mula pa noong dekada ng 1850. Doon nila nakilala si Pangulong McMurrin. “Nais kong maunawaan ng bawat isa sa inyo na kayo ay tinawag ng Panginoon dito,” sabi niya. Habang nagsasalita siya, nadama ni Inez sa unang pagkakataon ang malaking responsibilidad na nakaatang sa kanyang mga balikat.3
Kinabukasan, sinamahan nila ni Jennie si Pangulong McMurrin at ang iba pang mga missionary sa Oldham na isang bayan ng mga pabrika sa silangan ng Liverpool. Kinagabihan, bumuo sila ng isang bilog sa isang abalang kanto, nag-alay ng panalangin, at umawit ng mga himno hanggang sa isang malaking pulutong ng mga tao ang nabuo sa paligid nila. Ibinalita ni Pangulong McMurrin na isang espesyal na pulong ang gagawin kinabukasan, at inanyayahan niya ang lahat na pumunta at makinig sa pangangaral mula sa “tunay na buhay na mga babaeng Mormon.”
Habang sinasabi niya ito, pakiramdam ni Inez ay tila magkakasakit siya. Kinakabahan siyang magsalita sa harap ng malaking grupo ng tao. Gayunpaman, habang nakatayo siya kasama ng mga missionary na nakasumbrero at itim na amerikana, ipinagmalaki niya higit kailanman na maging Banal sa mga Huling Araw.4
Nang sumunod na gabi, nanginginig sa takot si Inez habang hinihintay ang kanyang pagkakataong magsalita. Matapos marinig ang kakila-kilabot na kasinungalingan tungkol sa kababaihang Banal sa mga Huling Araw, nag-uusisa ang mga tao tungkol sa kanya at sa iba pang kababaihang nagsasalita sa pulong. Unang nagsalita sa kongregasyon sina Sarah Noall at Caroline Smith, ang asawa at hipag ng isa sa mga missionary. Pagkatapos ay nagsalita si Inez, sa kabila ng kanyang takot, at ginulat ang kanyang sarili kung gaano siya kahusay.
Hindi nagtagal ay inatasan sina Inez at Jennie na maglingkod sa Cheltenham. Kumatok sila sa bawat pintuan at madalas na nagpatotoo sa mga miting sa kalye. Tinanggap din nila ang mga paanyaya ng mga tao na makipagkita sa tahanan ng mga ito. Karaniwang pinakikitunguhan sila nang mabuti ng mga tagapakinig, bagama’t paminsan-minsan ay may kumukutya sa kanila o inaakusahan sila ng pagsisinungaling.
Umasa sina Inez at Jennie na makakita ng mas marami pang kababaihang naglilingkod sa misyon. “Nadarama namin na pinagpapala kami ng Panginoon sa mga pagtatangka naming ituwid ang mga maling palagay at ipalaganap ang katotohanan,” iniulat nila sa mga lider ng mission. “Umaasa kami na marami sa mga karapat-dapat na kabataang babae sa Sion ang pahihintulutang matamasa ang gayon ding pribilehiyo na mayroon kami ngayon, dahil nadarama namin na marami silang magagawang kabutihan.”5