2022
Pagrekober Mula sa Adiksiyon: Posible sa Pamamagitan ni Cristo
Hunyo 2022


“Pagrekober Mula sa Adiksiyon: Posible sa Pamamagitan ni Cristo,” Liahona, Hunyo 2022.

Pagrekober mula sa Adiksiyon: Posible sa Pamamagitan ni Cristo

Ang addiction recovery program ng Simbahan ay tungkol sa pagsuporta at pakikipag-ugnayan sa isa’t isa sa pagdaig sa adiksiyon, ngunit higit sa lahat ito ay tungkol sa pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas.

mga tao sa isang miting ng grupo

Larawang kuha mula sa Getty Images

Bawat isa sa atin ay nahihirapan sa sarili nating mga hamon. Para sa marami, ang pagkaadik o hindi makontrol na pag-uugali ay maaaring isa sa mga pagsubok na ito. Hindi natin laging hayagang pinag-uusapan ang tungkol sa adiksiyon o hindi makontrol na mga pag-uugali sa lipunan at lalo na sa Simbahan. Kung nakikibaka ka o ang isang mahal sa buhay sa adiksyon, maaari kang makadama ng hiya o kahihiyan o mag-alala tungkol sa panghuhusga ng iba.

Kung nahihirapan ka sa adiksiyon, maaari mong madama na ikaw ay nasira o masamang tao. Ang hamong ito ay maaaring parang napakalaki, nakakahiya, o mahirap paglabanan. Gayunman, wala ni isa sa ating mga kilos ang makapagbabago sa ating kahalagahan sa paningin ng Diyos. Lahat tayo ay walang-hanggan ang kahalagahan. At hindi kayo nag-iisa sa inyong mga pagsubok. Lahat ng bagay, kabilang na ang pagrekober mula sa adiksiyon, ay posible sa pamamagitan ni Cristo. Totoo rin ito sa mga taong nahihirapan sa sakit o bunga ng mga ginawa ng iba. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard:

“Sa inyo na nabiktima na ng anumang uri ng adiksyon, may pag-asa dahil mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at dahil ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay gagawing posible ang lahat ng bagay.

“Nasaksihan ko na ang kagila-gilalas na pagpapala ng paggaling na magpapalaya sa isang tao mula sa mga tanikala ng adiksyon. Ang Panginoon ang ating Pastol, at hindi tayo mangangailangan kapag nagtiwala tayo sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Alam ko na mapapalaya at palalayain ng Panginoon ang mga taong nalulong mula sa kanilang pagkaalipin, dahil ayon kay Apostol Pablo, ‘Lahat ng mga bagay ay aking magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa akin’ (Mga Taga Filipos 4:13).”1

Pakikipag-ugnayan kay Jesucristo at sa Iba

May iba’t ibang panggagamot para sa mga nakalululong na pag-uugali. Ang addiction recovery program (ARP) ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang landas tungo sa paggaling na nagbibigay ng isang lugar na ligtas at may suporta sa sinumang nagsisikap na paglabanan ang adiksyon o hindi makontrol na pag-uugali. Ang programa ay binubuo ng mga in-person o online support group na may sinusunod na 12-hakbang na pamamaraan gamit ang ebanghelyo. Bawat grupo ay binubuo ng mga kalahok na nagsisikap na makarekober, mga ARP service missionary, at mga facilitator na nakarekober at gumaling sa pamamagitan mismo ng addiction recovery program.

May dalawang uri ng mga addiction-recovery meeting: (1) mga miting na nakatuon sa mga pangkalahatang adiksiyon at (2) mga miting na nakatuon sa paglaban sa paggamit ng pornograpiya. Mayroon ding mga support group na maaaring daluhan ng mga asawa at kapamilya.

larawan ni Jesucristo

Detalye mula sa Beside Still Waters, ni Simon Dewey

Ang addiction recovery program ay tungkol sa pagsuporta at pakikipag-ugnayan sa bawat isa sa paglaban sa adiksiyon, ngunit higit sa lahat ito ay tungkol sa pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Nais Niya tayong tulungan sa ating mga pagsubok, at Siya ang pinagmumulan ng paggaling.

Paano Maghanap ng Miting

Bawat linggo, mga 2,800 na mga ARP meeting ang ginaganap sa 30 mga bansa at sa 17 mga wika. Kung gusto mong makahanap ng miting, bisitahin ang addictionrecovery.ChurchofJesusChrist.org. Ang mga miting na ito ay ginagawa nang personal at online. Kung walang mga miting sa inyong lugar o kung mas komportable kang dumalo sa virtual na paraan, maaari kang sumali sa isang online o phone meeting. Maaari mo ring itanong sa iyong mga lider ng Simbahan kung maaaring magkaroon ng in-person meeting sa inyong lugar.

Sa mga ARP group, walang pamimilit na makilahok nang higit pa sa gusto mo. Maaari kang magsimula sa pagdalo sa isang miting at nagmamasid lamang, nakikinig sa iba, at dinarama ang Espiritu.

Narito ang tatlong karanasan mula sa mga taong dumalo sa addiction recovery program: isang dumalo para sa kanyang sarili, isang facilitator na ngayon, at isang dumalo para suportahan ang isang kaibigan (ang huling kuwentong ito ay nasa digital version ng artikulong ito).

Karanasan ni Dorinda sa Pagdaig sa Alkoholismo

Binago ang pangalan.

Nagsimula akong uminom sa batang edad. Sa bansang tinitirhan ko, tanggap iyon ng lipunan, at pakiramdam ko dapat akong uminom ng alak para tanggapin ako ng iba.

Nang makapag-asawa na ako, kaming mag-asawa ay nalulong sa alak. Talagang nag-alala rito ang mga magulang ko. Kahit noong dumating ang panganay naming anak, hindi tumigil ang adiksyon namin sa alak.

Hindi nagtagal matapos isilang ang aming anak, naging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at tumigil na ako sa pag-inom at nagsimulang sumulong para madaig ang aking adiksiyon. Nainis sa mga pagbabagong ito ang asawa ko, at nagalit siya na ayaw kong uminom at makipag-party sa kanya.

Matapos ang maraming panalangin at pag-aayuno, sa hangaring malaman ang kalooban ng Panginoon, iniwan ko ang asawa ko at lumipat ako sa Estados Unidos. Habang sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, napaglabanan ko ang pag-inom ng alak, pero nahirapan pa rin ako sa pagkabalisa at kawalan ng pag-asa. Kalaunan ay muli akong ikinasal sa isang kapwa miyembro ng Simbahan, pero patuloy akong nahirapan.

Inanyayahan ako sa isang addiction recovery program group ng isang sister sa simbahan. Wala akong alinlangan na iniisip ako ng Ama sa Langit dahil ang natutuhan ko roon ay para sa akin. Tinalakay namin kung paano naging karaniwang elemento ang damdamin ng pag-iisa sa mga taong nakaranas ng adiksiyon. Ang pag-iisang ito ay isang bagay na ginawa ko sa aking sarili at nahirapan ako.

Sa pamamagitan ng addiction recovery program, natanto ko na hindi ko kailangang mamuhay nang malayo sa Diyos at sa iba. Mayroon akong lakas at pananampalataya na harapin ang mga hamon at malampasan ang mga ito.

Ngayon alam ko na na hindi ako nag-iisa. Dumadalo pa rin ako sa mga miting ng grupo, at kung minsan ay kasama kong dumadalo ang asawa ko sa mga miting ng grupo. May mga tao mula sa lahat ng dako sa mga online meeting, at natututo kami mula sa mga karanasan ng isa’t isa at sinusuportahan ang isa’t isa. Alam din ng bishop ko, ng asawa ko, at ng mga anak ko na kailangan ko ang kanilang suporta.

Higit sa lahat, alam ko na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, mapaglalabanan ko ang aking adiksiyon.

Karanasan ni Ashly sa Pagdaig sa Adiksyon sa Droga

isang mag-asawa kasama ang kanilang dalawang maliliit na anak

Pamilya ni Ashly noong 2021

Larawang kuha ng Lori Romney Photography

Hindi ko natanto ang kaligtasang laan sa akin ng ebanghelyo ni Jesucristo hanggang sa isuko ko ang aking kalayaang pumili sa adiksiyon. Nagsimula akong uminom at humitit ng marijuana sa edad na 14. Noong 16 na taong gulang ako, gumugol ako ng 15 buwan sa isang lockdown adolescent facility. Pag-alis ko, bumalik ito. Nagnanakaw na ako para may pambili ng droga, at limitado ang ugnayan ko sa pamilya ko. Minsan ay tumira ako sa isang pamilya na ang lahat ay gumagamit at nagbebenta ng droga. Madilim at nakakatakot ang sitwasyon ko. Talagang napakalala ng sitwasyon ko. Nang maging 19 na taong gulang na ako, naadik na ako sa heroin.

Sa mahabang panahon, hindi ko inisip na maititigil ko ito sa mahabang panahon o mamumuhay ako nang payapa o may kasiyahan. Gayunman, nakita ko ang kamay ng Diyos sa buhay ko sa maliliit na himala, tulad ng may nakita akong bookmark ng Aklat ni Mormon sa isang lumang Biblia o nariyan ang walang-hanggang pagmamahal at suporta ng aking ama. Sa maliliit na mensaheng ito, narinig ko ang tinig ng Panginoon.

Naitigil ko ang paggamit ng heroin at nagpasiyang “subukan” at tingnan kung ano ang mangyayari kung gagawin ko ang lahat ng ipinagagawa sa akin ng Diyos (tingnan sa Alma 32:27). Nagpasiya ako na kung ang pagsunod sa mga kautusan ay magpapasaya sa akin, hindi ko na babalikan ang adiksiyon. Ang pagtigil sa paninigarilyo at pag-inom ng kape at pagdaan sa proseso ng pagsisisi ay mahirap. Pero iba ang nadama ko pagkatapos kong gawin iyon. Nagsimula kong madama na ligtas ako.

Sa maraming taon ng aking adiksiyon, dumalo ako sa mga miting ng addiction recovery program ng Simbahan. Nakilala ko pa ang mapapangasawa ko sa isa sa mga pulong. Tuwing dadalo ako, malugod akong tinatanggap. Ligtas na lugar iyon para sa akin. Sa isang pulong, isang lalaki ang nag-alay ng espesyal na panalangin para sa akin. Nang gabing iyon nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin. Nadama ko na karapat-dapat akong maging malinis. Tumigil na ako sa bisyo ko makalipas ang isang buwan.

Halos limang taon na ako ngayong facilitator sa addiction recovery program. Ang paborito kong bahagi tungkol sa mga miting ay na makikita at mararanasan ninyo ang pagkilos ng ebanghelyo ni Jesucristo. Walang damdamin ng pagkukumpara sa iyong sarili sa iba o mga pag-aalala kung tanggap ako. Naroon ang mga tao dahil kailangan nila ang Diyos. At handa silang isantabi ang kapalaluan upang madama ang Kanyang kapayapaan.

Ang mga miting na ito ay isa sa mga lugar kung saan nadama ko nang lubos ang Espiritu sa buhay ko. Ang mga miting ay isang lugar ng pagmamahal, suporta, at pag-asa. Ito ay isang lugar na ligtas kung saan ibinabahagi ang sakit at mga problema at kung saan talagang makatutulong tayo sa pagpasan ng mga pasanin ng isa’t isa.

Pakiramdam ko kapag nagsisimula pa lang magrekober ang mga tao, talagang naroon ang Diyos sa kanilang buhay. Regular na nangyayari ang maliliit na himala at magiliw na awa, at naniniwala ako na maliliit na paalala ang mga ito mula sa Diyos para manatili ang mga taong ito sa tamang direksyon.

Isang karangalan para sa akin na magamit ang aking karanasan sa adiksiyon at pagiging malinis para makapagbigay ng pag-asa sa mga taong nahihirapan pa rin. Kung maibabalik ko ang nakaraan, batid ang nalalaman ko ngayon, pipiliin kong sundin ang payo ng mga lider natin sa Simbahan. Pipiliin kong huwag subukang gumamit ng droga o alak. Ngunit alam ko na kayang gawin ng Panginoon ang lahat ng bagay sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya. Alam ko na iyan ang nangyari para sa akin. Nagawa kong gawing mensahe ng pag-asa ang aking kalungkutan at pasakit.

Karanasan ni Rachel sa Pagsuporta sa Isang Kaibigan

Nang sabihin sa akin ng isang lalaking kadeyt ko ang tungkol sa kanyang adiksiyon sa pornograpiya, ang unang sinabi ko ay, “Paano ako makakatulong?”

Sagot niya, “Sumama ka sa akin sa mga miting ng addiction-recovery. May support group para sa pamilya at mga kaibigan na madadaluhan mo.”

Alam ko noon ang tungkol sa 12-hakbang na addiction recovery program, pero wala akong ideya na may mga support group. Medyo nag-alinlangan ako noong una, pero ipinaalala ko sa sarili ko na tinanong ko siya kung paano ako makakatulong, at ito ang hiniling niya sa akin.

Sa unang pulong, huminga ako nang malalim at naglakad papunta sa silid kung saan nagpupulong ang support group. Pagpasok ko sa silid, nadama ko na handa akong malaman kung paano ko maililigtas ang aking kasintahan mula sa kanyang adiksiyon.

Pero nagulat ako sa natuklasan ko.

Binigyan nila ako ng isang aklat, Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagrerekober, at nagbasa kami nang malakas mula sa aklat sa bawat klase.

Hindi ko lang minsan nalaman kung paano ko maililigtas ang kasintahan ko.

Sa halip, ipinakita sa akin ng 12 lesson sa gabay sa pagsuporta na bago ko masuportahan ang iba, kinailangan ko munang ipaubaya sa Panginoon ang aking mga pasanin at hayaan Siyang pagalingin ako (tingnan sa 3 Nephi 9:13)—na pagalingin ako mula sa sarili kong mga kasalanan at paghihirap at makayanan ang sakit ng pagsuporta sa isang mahal sa buhay na nagrerekober mula sa adiksiyon.

Natanto ko na kailangan kong umasa at lumapit sa Tagapagligtas para magkaroon ng kapayapaan, pag-asa, at lakas. At dahil diyan, mas nadarama ko na mas nasusuportahan ko ang iba na nalululong o may hindi makontrol na mga pag-uugali.

“Dapat nating maging prayoridad ang personal na paglapit sa Panginoon,” sabi sa gabay sa pagsuporta. “… Ito ang maglalagay sa atin sa mas magandang posisyon para masuportahan ang mga mahal natin sa buhay. Anuman ang piliin nilang gawin, ang kapayapaan at pag-asa ng Tagapagligtas ay mapapasaatin” (Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagrerekober [2017], iii).

Habang patuloy akong dumadalo sa kurso, nalaman ko kung gaano ako kamahal ng Tagapagligtas at kung paano Niya talaga nalalaman ang sitwasyon ko. Nalaman ko rin kung paanong hindi mababago ng adiksiyon ang pagmamahal Niya sa sinumang anak ng Ama sa Langit.

Pero sa palagay ko ang pinakamahalagang aral na natutuhan ko habang dumadalo sa support group ay hindi ko kayang iligtas ang aking kasintahan (o ang sinuman). Si Jesucristo lamang ang makagagawa nito. Sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may kapangyarihan Siyang magligtas.

Lubos akong nagpapasalamat na Siya ang ating Tagapagligtas, dahil alam Niya kung paano tayo tutulungan nang lubos (tingnan sa Alma 7:11–12). Kapag nagtitiwala tayo sa Kanyang biyaya, alam ko na matatanggap natin ang kailangan para sa ating personal na paggaling. Tayo ay palalakasin Niya at mas masusuportahan natin ang ating mga mahal sa buhay na may mga adiksiyon.

Dahil sa support group at mga klase ng ARP, naging komportable ang kasintahan ko na sabihin sa akin kapag may nagtutulak sa kanya na gawin ito dahil alam niyang hindi ako naroon para manghusga kundi para mahalin at suportahan siya sa kanyang mga pagsisikap. Ang kanyang paghihirap ay hindi pa tapos, pero nakita ko ang pagpapabuti at pagbabago na ginawa ng mga alituntunin mula sa mga klaseng ito sa aming buhay. At patuloy kong nadama ang kamay ng Panginoon.