2022
Pagharap sa Ating mga Goliat
Hunyo 2022


“Pagharap sa Ating mga Goliat,” Liahona, Hunyo 2022.

Mga Alituntunin ng Ministering

Pagharap sa Ating mga Goliat

At paano natin matutulungan ang iba na gawin din iyon.

dalawang magkaibigang babae na nakasuot ng face mask at nag-uusap

Bago dumating ang pandemyang COVID-19, Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”1

Ilang buwan pa lang nakatira si Barbara sa isang bagong ward nang magsimula ang pandemya. Gaya ng napakarami, natuklasan niya na nabaligtad ang kanyang mga plano. Akala niya ay magiging magandang karanasan ang magkaroon ng mga bagong kaibigan, pero sa halip ay naging mahirap ito. Sa panahon ng pag-iisa, ang mga huwaran ng ministering ay kailangang magbago. Wala siyang gaanong pagkakataong makilala ang mga miyembro ng kanyang bagong ward. Itinanong niya sa kanyang sarili, “Paano ko bibisitahin, tutulungan, at mamahalin ang mga sister kung hindi posibleng bisitahin ang isang tao? Kahit ang pagpapadala ng text ay mahirap kapag hindi kilala ng mga sister ang pangalan o numero ko dahil bago ako.”

Nalaman niya na mas mahalagang manalangin at makinig sa mga pahiwatig sa gayong mga sitwasyon. Kung minsan nadarama niya na dapat lang siyang mag-iwan ng maikling sulat. Sa ibang pagkakataon naman ay nagpadala siya ng text sa isang sister para pasalamatan siya sa kanyang panalangin sa sacrament meeting o magpasalamat sa patotoo ng asawa ng isa pang sister. Ang paminsan-minsang pagbisita sa balkonahe sa harapan ng bahay ng isang tao ay nakatulong para mapunan ang pangangailangan niyang makipagkita at makipag-usap nang personal. Isang pahiwatig ang nagtulak sa kanya para maisip ang nakapapanatag at masarap na butternut squash soup, kaya iniwan niya ang resipe at ang butternut squash.

Hindi ito ang inasahan niyang mangyayari nang lumipat siya. Naging mas mabagal ang pagkilala sa kanyang mga sister dahil sa pag-iisa. Pero nang sinunod niya ang payo ni Pangulong Nelson na dagdagan ang kanyang espirituwal na kakayahang tumanggap ng paghahayag, nalampasan niya ang mga hamon, naging mas mabuting ministering sister, at nagkaroon ng ilang malalapit na kaibigan.

Pagharap sa mga Higante

Ang mundo ay maaaring nakalilito at puno ng mga maling impormasyon at magkakasalungat na opinyon. Pero binigyan tayo ng Diyos ng mga propeta para gabayan tayo. Matutulungan natin ang iba na magkaroon ng pananampalataya na sundin ang Panginoon at ang Kanyang mga propeta sa kabila ng popular na opinyon, dahil anuman ang ating mga hamon, “ang labanang ito ay sa Panginoon” (1 Samuel 17:47).

Nang makaharap si Goliat, isinantabi ni David ang helmet, baluti, at espada at sa halip ay sinandatahan ang kanyang sarili ng limang makikinis na bato at isang tirador. Kahit tila walang proteksiyon at mahina, natalo ni David ang higante gamit lamang ang kanyang tirador at pananampalataya sa Diyos. (Tingnan sa 1 Samuel 17:32–50.)

Maaaring pakiramdam natin ay hindi tayo handang harapin ang ating mga hamon kung wala ang lahat ng sagot na gusto nating matanggap. Ngunit kung may pananampalataya tayong sumulong gamit ang ilang makikinis na bato na mayroon tayo, sapat na iyan para maisakatuparan ng Panginoon ang Kanyang gawain.

Mga Alituntuning Dapat Pag-isipan

Sa pagtulong sa iba, kailangan nating maunawaan na maraming paraan sa paglutas ng isang problema. Ang ating mithiin ay tulungan silang maging self-reliant sa espirituwal na aspeto sa pamamagitan ng paghahanap ng sarili nilang mga solusyon sa tulong ng Panginoon.

Mag-isip ng mga paraan na maaari kang makatulong sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang pananampalataya at tiwala sa propeta ng Panginoon at sa personal na paghahayag.

Maaaring kabilang dito ang pagbabahagi ng sarili mong mga karanasan sa pagkakaroon ng patnubay at kapanatagan sa pagsunod sa propeta at paghingi ng banal na patnubay.

Maaari mo rin silang ituro kung saan nila malalaman ang sinabi ng mga propeta tungkol sa gayon ding mga sitwasyon.

Ano ang Magagawa Natin?

Magkaroon ng lakas-ng-loob na ibahagi ang iyong patotoo na may kapayapaan at kaligtasan sa pagsunod sa patnubay ng Panginoon na ibinibigay sa pamamagitan ng mga propeta at personal na paghahayag.