Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagkakaroon ng Sarili Kong Patotoo tungkol sa Temple Garment
Ang pagsusuot ng mga garment sa unang pagkakataon ay parang ang nawawalang piraso ng palaisipan na sinisikap kong tapusin.
Isang taon at kalahati bago ako nagpunta sa Washington D.C. Temple para tumanggap ng sarili kong endowment, hindi ko pa narinig ang tungkol sa Aklat ni Mormon o sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pero nang makilala ko ang mga missionary at nagsimulang malaman ang tungkol sa Simbahan, hindi ko maiwasang madama na totoo ang ebanghelyo.
Nabinyagan ako sa kalagitnaan ng aking senior high school, habang naghahandang mag-aral sa Georgetown University. Hindi nagtagal matapos akong mabinyagan, ang ilang miyembro sa aking home ward at maging ang mga missionary na naglilingkod sa lugar namin ay nagtanong kung naisip ko na bang magmisyon. Palagi akong sumasagot nang may mariing hindi. Paano ko maituturo sa mga tao ang tungkol sa isang relihiyon at pamumuhay na sinisimulan ko pa lang isabuhay?
Natanggap ko ang aking patriarchal blessing ilang linggo bago ako lumipat sa Georgetown, at ang karanasang iyon ay nagbigay ng maraming pananaw tungkol sa aking hinaharap. Bago sumapi sa Simbahan, nadama ko na ang buhay ko ay tila palaging umaayon sa plano, at biglang nasira ang huwarang iyon. Ang nilalaman ng aking patriarchal blessing ay hindi sumasalamin sa pinapangarap ko noon pa sa buhay ko. Isa sa mga pinakaagarang katotohanang tinanggap ko ay ang hindi maikakailang payo na dapat akong magmisyon.
Hindi nagtagal ay pinag-iisipan ko na, bagama’t atubili ako, na simulan nang asikasuhin ang mga papel ko sa misyon.
Naunawaan ko na karaniwan na para sa mga miyembro na matanggap ang kanilang endowment sa templo bago pumunta sa mission field, kaya nagsimula akong maghandang pumasok. Alam ko na isa sa mga pagbabagong mangyayari sa buhay ko ay ang pangangako na isusuot ang temple garment. Wala akong gaanong inisip tungkol sa mga garment bago ako nagsimulang maghanda para sa templo, kaya wala akong anumang ideya tungkol sa pagsusuot ng mga ito.
Matapos lumipat sa kolehiyo, nakipagtulungan ako sa bishop ko at linggu-linggo akong nagpupunta sa institute. Sa kabaitan ng guro ko sa institute ay binigyan niya ako ng iniangkop na klase sa paghahanda para sa templo ilang linggo bago ang petsa ng aking endowment. Ito ay isang magiliw na biyaya, kung iisipin na malayo ako sa home ward ko at wala akong pamilya sa Simbahan na gagabay sa akin. Kalaunan ay natanggap ko ang aking tawag na magmisyon sa Paraguay, at handa na akong magpunta sa templo sa unang pagkakataon.
Pagpunta sa Templo
Ang pagpunta sa templo ay nagbibigay ng pakiramdam na parang umuuwi. Kahit ang pagsusuot ng mga garment sa unang pagkakataon ay parang ang nawawalang piraso sa isang palaisipan na sinisikap kong lutasin. Naunawaan ko na ang aking tipan na isuot ang garment ay mahalagang hakbang sa aking espirituwal na pag-unlad, at bagama’t ang desisyong ito ay sagrado at personal, masaya akong gawin ito dahil alam ko na ang kaalamang matatamo ko tungkol sa aking kabanalan bilang anak ng Diyos ay higit sa anupamang maibibigay sa akin ng mundo.
Matapos kong matanggap ang aking endowment, ang pinakamalaking pagbabago ay hindi sa nadama ko nang magsuot ako ng mga garment kundi sa mga bagong kasuotan na kinailangan kong bilhin pagkatapos ng endowment. Inalis ko ang maraming damit sa aking aparador na hindi kayang takpan ang mga garment ko.
Gayunman, nadama kong tama ang mga ginawa kong pagbabago sa buhay ko. Dahil naglaan ako ng oras upang maghanda para sa templo, ang pagbabago sa aking mga kasuotan ay isang masaya at madaling karanasan. At habang sinisikap kong matuto pa, pinalalim ko ang aking patotoo na ang pagsusuot ng temple garment ay higit pa sa pagbabago sa mga kasuotan ko—ito ay simbolo ng katapatan ko sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, at ng desisyon kong sumunod sa Kanya. Isa rin itong kaloob—isang nahahawakang paalala ng aking mga tipan sa templo at ang kapangyarihan, proteksyon, at mga pagpapalang maaaring matanggap ko sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.
Ang tanging inaasahan ko sa pagpasok sa templo noong araw ng aking endowment ay ang madama ang pagmamahal ng Diyos para sa akin. Nadama ko iyon sa templo nang higit kaysa dati, at determinado akong tuparin ang aking mga tipan at isuot ang aking garments dahil ayaw kong mawala ang damdaming iyon.
Pagsisikap na Tuparin ang Aking mga Tipan
Sa pinakamalungkot at pinakadelikadong sandali ng buhay ko, ang aking patotoo tungkol sa mga simple at pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ang nagtulak sa akin na palagian at sadyang isuot ang aking garments habang sinisikap kong tuparin ang mga tipang ginawa ko sa templo.
Nakadarama ako ng malaking kapanatagan sa mga salitang ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson:
“Anumang uri ng problema ang dumating sa inyong buhay, ang pinakaligtas na lugar para maging ligtas sa espirituwal ay pamumuhay ayon sa inyong mga tipan sa templo!
“Mangyaring paniwalaan ako na kapag matibay na nakatayo ang inyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo, hindi kayo kailangang matakot. Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan na ginawa sa templo, mapalalakas kayo ng Kanyang kapangyarihan. Pagkatapos, kapag nagkaroon ng mga espirituwal na lindol, makatatayo kayo nang matatag dahil ang inyong espirituwal na pundasyon ay matibay at hindi natitinag.”1
Hindi naging mas madali ang buhay ko mula nang sumapi ako sa Simbahan. Sa katunayan, ang pinakamahihirap na panahon sa buhay ko ay nangyari matapos ang aking binyag. Gayunman, alam ko na ang kaalaman ko tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo at ang lakas mula sa mga tipang ginawa ko sa templo ay nakatulong para makayanan ko ang mga hamong ito, at ang mga kinalabasan ay lubhang maiiba kung wala ang pananampalataya ko kay Jesucristo.
Mahirap na piliing mamuhay ayon sa aking paniniwala bilang disipulo ni Cristo kapag tila hindi sang-ayon ang mga pamantayan ng mundo sa mga pamantayang sinisikap kong sundin. Ngunit tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, ang pinakamainam na kanlungan para sa akin ay ang pamumuhay ayon sa aking mga tipan sa templo, kabilang na ang pagsusuot ng aking mga garment sa paraang ipinangako ko. At habang patuloy ko itong ginagawa at nananatili ako sa landas ng tipan, alam kong makararanas ako ng kagalakan.