2022
Ang Natutuhan Ko tungkol sa Pagsisisi
Hunyo 2022


Digital Lamang

Ang Natutuhan Ko tungkol sa Pagsisisi

Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.

Walang mas mababang kahalili ang maihahambing sa kagalakang mas mapalapit sa Diyos.

mga yapak sa asul na background

Halos buong buhay ko, nahirapan ako sa pagsisisi. Alam kong mahalaga iyon at dapat kong gawin ito, ngunit hindi ko ito lubos na naunawaan. At dahil ito ay isang bagay na hindi ko nagagawa nang maayos, pinanghihinaan ako ng loob tuwing bibigyang-diin ng isang tao ang kahalagahan nito sa isang mensahe.

Dumating ito sa puntong hindi ko gustong marinig ang salitang pagsisisi dahil ipinaaalala nito sa akin ang isang bagay na hindi ko ginagawa. Tila ba napag-iiwanan ako, at habang tumatagal pa ang problemang ito, mas lalo pa akong napag-iiwanan.

Sa huli, narinig ko ang sumusunod na pahayag sa pangkalahatang kumperensya mula sa noon ay Pangkalahatang Pangulo ng Young Men na si Stephen W. Owen, at nagsimulang mag-iba ang aking pananaw: “Ang kagalakan ng pagsisisi ay higit pa sa kagalakan ng disenteng pamumuhay. Ito’y ang kagalakan ng pagpapatawad, ng pagiging malinis muli, at ng mas paglapit sa Diyos. Sa sandaling maranasan mo na ang kagalakang iyon, walang mas mababa pa rito na magbibigay ng kasiyahan.”1

Isa pang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ang nagbigay-inspirasyon sa akin na lalo pang hangaring mas pagbutihin pa ang pagsisisi. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung kayo man ay masigasig na sumusulong sa landas ng tipan, nalihis o nawala sa landas ng tipan, o hindi na natatanaw ang landas ng tipan mula sa lugar kung saan kayo naroroon, nakikiusap ako sa inyo na magsisi kayo. Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.”2

Habang ginagawa ko ang lahat para masunod ang payong ito, nakahanap ako ng mga sagot sa mga alalahanin at mas naunawaan ko ang mga pagpapala ng pagsisisi. Subalit inisip ko kung ano pa ang hindi ko nauunawaan tungkol sa pagsisisi na nagpapahirap dito.

Ang isang mahirap para sa akin ay hindi ko maalala ang lahat ng kasalanang nagawa ko sa isang araw. Natitiyak ko na may ilan akong nalimutan. Paano ko pagsisisihan ang lahat ng aking mga kasalanan kung hindi ko maaalala ang lahat ng ito?

Binagabag ako ng tanong na ito mula nang ako ay isang bagong binyag noong walong taong gulang pa lamang ako. Alam ko na kailangan kong magsisi, ngunit sinong walong taong gulang na bata ang nagtatala ng bawat kasalanang nagawa niya para mapagsisihan niya ang mga ito? Naaalala ko na minsan ay lumuhod ako para manalangin at nagsabing, “Ama sa Langit, nagsisisi po ako sa lahat ng aking mga kasalanan!” Siguradong hindi sapat ang paggawa nito, ngunit hindi ko na talaga alam kung ano pa ang gagawin ko.

Natuklasan ko kalaunan ang isang sagot sa Aklat ni Mormon. Itinuro sa Alma 38:14: “Huwag sabihin: O Diyos, ako ay nagpapasalamat sa inyo na higit kaming mabubuti kaysa sa aming mga kapatid; kundi sabihin: O Panginoon, patawarin ang aking pagiging hindi karapat-dapat. … Oo, kilalanin ang iyong pagiging hindi karapat-dapat sa harapan ng Diyos sa lahat ng panahon.”

Ang pagkilala sa ating pagiging hindi marapat sa harapan ng Diyos ay tumutulong sa atin na maging mapagpakumbaba, na napakahalaga sa pagsisisi. Dagdag pa rito, maaari nating hilingin sa Ama sa Langit na tulungan tayong makita ang mga bagay sa ating buhay na kailangang pagsisihan, baguhin, o pagbutihin. Tiyak na alam Niya kung ano ang kailangan nating baguhin upang maging higit na katulad Niya, at ipadarama Niya sa ating puso’t isipan kung hihilingin natin nang may tapat na hangaring magbago at magsisi.

Ang isa pang hirap na naranasan ko sa pagsisisi ay hindi ko lubos na naunawaan ang konsepto ng pagtalikod sa ating mga kasalanan. Ayon sa Doktrina at mga Tipan 58:43: “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.”

Naniniwala ako na ang pagtalikod sa ating mga kasalanan ay nangangahulugang mangangako tayo na hindi na natin muling gagawin ang mga ito kahit kailan. Nangangahulugan ba ito na kung muli kong gagawin ang mga ito, hindi ko talaga tinalikuran ang mga ito? At nang lumuhod ako sa panalangin upang ipagtapat at talikuran ang aking mga kasalanan, ang pagkakakilala ko ba sa sarili kong mga kahinaan—ang katotohanan na maaari kong ulitin muli ang kasalanan—ay nangangahulugang hindi ko talaga tinatalikuran ang aking mga kasalanan? Ngunit nalaman ko na ang pagtalikod sa aking mga kasalanan ay higit pa sa pagiging malungkot lamang dahil sa mga ito. Kung ikalulungkot ko lamang ang ginagawa ko, marahil ay hindi ko na tinalikuran ang mga ito.

Ibinahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabatirang ito: “Ang Kristiyanong manunulat na si C. S. Lewis ay nagsulat tungkol sa pangangailangan at paraan ng pagbabago. Sinabi niya na ang pagsisisi ay kinapapalooban ng ‘pagbabalik sa tamang landas. Ang mga kamalian ay maitatama,’ sabi niya, ‘ngunit sa pamamagitan lamang ng pagbabalik hanggang sa makita ang pagkakamali at itama ito mula roon, at hindi lang basta magpatuloy.’ Ang pagbabago ng ating ugali at pagbalik sa ‘tamang landas’ ay bahagi ng pagsisisi, ngunit hindi ang kabuuan nito. Ang totoong pagsisisi ay kinapapalooban din ng pagbaling ng ating mga puso at kalooban sa Diyos at pagwaksi sa kasalanan. Tulad ng ipinaliwanag sa Ezekiel, ang magsisi ay ang ‘iwan ang … kasalanan, … gawin ang tapat at matuwid; … isauli ang sanla, … [at] lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan’ [Ezekiel 33:14–15].”3

Habang nagdarasal ako para humingi ng tulong sa pagsisisi, sinabi ko sa Ama sa Langit na talagang gusto kong magbago at handa akong magbago. Alam kong tutulungan ako ng Panginoon. At talaga ngang tinulungan Niya akong magbago.

Noong una, kung minsan ay hindi palagian ang pagbabago at kailangan kong sumubok muli. Ngunit ang mga pagsisikap na ginagawa natin ay mahalaga sa Panginoon. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dahil sa kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa lakas ng langit na tutulong sa atin, tayo ay maaaring umunlad, at ang kahanga-hanga sa ebanghelyo ay napagpapala tayo sa ating mga pagsisikap, kahit hindi tayo laging nagtatagumpay.”4

Mula nang maunawaan ko ito tungkol sa pagsisisi, lalo akong nagtiwala sa kakayahan kong sundin ang payong ito na ibinigay ni Pangulong Nelson: “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”5

Nang magpasiya akong magsisi nang mas mabuti, wala akong ideya na magkakaroon ito ng napakalaki at nagtatagal na impluwensya sa buhay ko. Ang mga pagpapalang dumating ay tunay. Natanto ko na ang panghihina ng loob ko ay mula sa kaaway ng aking kaluluwa, na ayaw na magsisi ako. Natanto ko rin na hindi ako palaging nahuhuli sa kabiguan kong magsisi dahil kung minsan ay pinalalampas ko lang ang mga pagpapalang natanggap ko sana kung mas pagsisikapan kong gawin ang mga bagay na magagawa ko.

Habang patuloy kong ginagawa ang lahat ng makakaya ko para magsisi araw-araw, nadama ko ang pagmamahal at direksyon ng Diyos sa mga paraang hindi ko inakala noon. Hindi ko na nadarama ang bigat ng kasalanan. Nagawa kong kilalanin na ang pagsisisi ay tunay na isang pribilehiyo at pagpapala. Nauunawaan ko na ngayon ang sinabi ni Brother Owen: “Sa sandaling maranasan mo [na ang kagalakan ng pagsisisi], walang mas mababa pa rito na magbibigay ng kasiyahan.”