“Magmadaling Pumunta sa Templo,” Liahona, Hunyo 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Magmadaling Pumunta sa Templo
Paano tayo makakapunta sa templo samantalang halos wala tayong sapat na makain?
Noong naglilingkod ako bilang bishop, hiniling ng aming stake president sa mga bishop sa aming stake na magpakita ng halimbawa sa mga miyembro ng kanilang ward sa pamamagitan ng pagsasakripisyo para mabuklod sa templo. Noong panahong iyon, dumaranas ang Bolivia ng matinding krisis sa ekonomiya. Dahil sa hyperinflation, iba ang presyo ng mga paninda sa umaga at mas mataas ang presyo sa hapon.
“Paano tayo makakapunta sa templo samantalang halos wala tayong sapat na makain?” tanong ko sa asawa kong si Alicia.
“Hindi ko alam,” sagot niya, “pero nangako ang Panginoon na Siya ang magtutustos” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 118:3).
Sa kabila ng aming pinansyal na sitwasyon, kapwa namin nadama na kailangan kaming magpunta sa templo. Para bang sinasabi sa amin ng Espiritu na, “Magmadali, magmadali!”
Noong Disyembre 1981, ang São Paulo Brazil Temple—halos 2,000 milya (3,220 km) ang layo—ang tanging templo sa South America. Para mabayaran ang buong linggong paglalakbay, umutang ako ng halagang $1,000. Napakaraming pera iyon, pero alam namin na sulit ang sakripisyo.
Pagkatapos ng mahabang paglalakbay sakay ng bus papunta sa hangganan ng Brazil, sumakay kami ng tren papuntang São Paulo. Walang bakanteng upuan sa tren, kaya kinailangan naming umupo sa may daanan ng pasahero kasama ng aming dalawang maliliit na anak. Kaunti na lang ang aming pagkain, pero binigyan kami ng mga taong hindi namin kilala. Pagdating namin sa São Paulo, halos mawala o maligaw ang aming anak na lalaki sa lungsod.
Pagkatapos nito at ng iba pang mga hamon, sa wakas ay nakarating kami sa metro station malapit sa templo. Nang lumabas kami, nakita namin sa malayo ang estatwa ng anghel na si Moroni sa tuktok ng templo. Napaluhod kami at nagpasalamat sa Ama sa Langit. Pagdating namin makalipas ang ilang minuto, magiliw kaming binati ng temple president.
Kinabukasan ay natanggap namin ang aming mga ordenansa at nabuklod kami bilang mag-asawa at pamilya. Nang gabing iyon, hindi namin alam, nagsara ang templo para sa maintenance nito.
Kung naghintay pa kami na makapunta sa templo, mas malaki ang halagang magagastos namin sa paglalakbay kaysa sa hiniram namin. Kung dumating kami nang sumunod na linggo, sarado na ang templo. Nagpapasalamat kami na binigyang-inspirasyon kami ng Panginoon na magmadali sa pagpunta sa templo.