2022
Pagkatuto mula sa Huwaran ng Diyos Ukol sa mga Council
Hunyo 2022


“Pagkatuto mula sa Huwaran ng Diyos Ukol sa mga Council,” Liahona, Hunyo 2022.

Pagkatuto mula sa Huwaran ng Diyos Ukol sa mga Council

Pitong paraan para maging mas makabuluhan ang inyong personal na council, council ng pamilya, at mga council sa Simbahan.

isang pulong ng mga lider at empleyado ng Simbahan sa Missionary Executive Council

Si Elder Dieter F. Uchtdorf (nasa uluhan ng mesa) ay nangangasiwa sa isang pulong kasama ang mga lider at empleyado ng Simbahan sa Missionary Executive Council.

Larawang-kuha ni Jeffrey D. Allred, Deseret News

Mula sa simula, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga council o kapulungan. Marami tayong matututuhan tungkol sa kahalagahan ng mga council at pagpapayuhan mula sa ating karanasan bago tayo pumarito sa Mundo.

“Nabasa natin ang unang kuwento ng tunay na council sa Mahalagang Perlas,” sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na tumutukoy sa Malaking Kapulungan sa Langit. Sa family council na ito, naglahad ang Ama sa Langit ng isang plano para sa pag-unlad ng Kanyang mga anak—isang plano na naging posible dahil sa kusang pagsasakripisyo ni Jesucristo, na tinawag noon na Jehova. Ang Ama sa Langit ay namuno nang may pagmamahal, naghikayat ng malayang pagpapahayag, at iginalang ang kaloob na kalayaang pumili.1

Habang ginagawa ang Paglikha ng langit at lupa, nagpakita ang Ama sa Langit ng isang banal na huwaran para sa pagpapayo sa mga council o kapulungan. Ibinigay ang mga tagubilin, at ginawa at iniulat ang mga assignment. Patuloy na pinamamahalaan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang pamilya ng Diyos at ang Simbahan sa pamamagitan ng mga council.

Ang banal na huwarang ito ng pagpapayo ay “napakahalaga” sa bawat antas, sabi ni Pangulong Ballard. Kabilang dito sa Simbahan ang mga council sa antas na pangkalahatan, pang-stake, at pang-ward.

Isang Huwaran para sa mga Indibiduwal at Pamilya

isang pamilya na nag-uusap-usap

Ang huwarang ito ay gumagabay din sa mga indibiduwal at pamilya. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang alituntunin ng pagpapayo ay pinakamahalaga sa samahan ng mag-asawa at sa kanilang relasyon bilang mga magulang sa kanilang mga anak—o sa sinumang kamag-anak na maaaring kasama nila sa bahay.”

Inilarawan ni Pangulong Ballard ang mga family council bilang “pangunahin at kailangan—at marahil ay pinakamahalaga—sa lahat ng mga council.”2 Kapag naupo ang isang ama kasama ang kanyang tinedyer na anak, sabi ni Pangulong Ballard, hindi lang ito isang pulong ng mag-ama. “Siya ay nasa isang council meeting kasama ang pinakamahalagang miyembro na maaari niyang payuhan.”

Maipamumuhay nating lahat ang mga alituntunin ng mabubuting council sa pamamagitan ng paghiling sa mga magulang, lider ng Simbahan, mga mentor, at iba pa na sumangguni sa atin anumang oras, pati na kapag nahaharap sa mahahalagang desisyon o kailangang lutasin ang mga hamon.

“Ang mga wala pang asawa at kahit ang mga estudyanteng malayo sa bahay ang tirahan ay magagawa pa rin ang council na ito na itinakda ng langit sa pakikipagtipon sa mga kaibigan at kasama sa tirahan upang magsanggunian,” sabi ni Pangulong Ballard.3.

Kahit ang isang taong namumuhay nang mag-isa ay maaaring makipagsanggunian sa isang council meeting sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin. Maaari silang magpahayag ng pagmamahal at pasasalamat at humingi ng inspirasyon at patnubay habang nakikinig sila sa pahiwatig ng Espiritu, sabi niya.4

Anuman ang uri ng council, sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “ang lakas ng mga council ay nagmumula sa pananampalataya ng mga taong kasali sa mga ito.”

Mga Alituntunin ng mga Epektibong Council

Nasa ibaba ang ilang alituntunin mula sa mga lider ng Simbahan na maaaring magpala sa ating mga stake, ward, at family council.

Alamin ang iyong layunin

Hindi sinasabi ng isang council meeting sa lahat kung ano ang gagawin, sabi ni Pangulong Ballard. Ang council meeting ay hindi paghiling sa lahat na magbigay ng report. Ang council meeting ay kapag sinabi ng bishop, halimbawa, “May problema tayo sa pagpipitagan sa ward. Pag-usapan natin ito. Ano ang maaari nating gawin?” Ang council meeting ay isang pagkakataon upang magsama-sama upang maunawaan at magkaisa sa iisang layunin.

Sa Malaking Kapulungan sa Langit, inilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano na tulungan ang Kanyang mga anak na maging katulad Niya at tinulutan tayong maunawaan ang plano (tingnan sa Abraham 3:22–28). Tulad ng Malaking Kapulungan sa Langit, isa sa mga pangunahing layunin ng anumang council sa pamilya o Simbahan ay “magdala ng mga kaluluwa kay Cristo,” sabi ni Pangulong Ballard. “Ito ay ang tulungan silang maging handa na tanggapin ang mga ordenansa at tipan na mahalaga para sa walang hanggang kaligtasan.”

Panatilihing nasa gitna ang Tagapagligtas

Tulad ng ang Tagapagligtas ang sentro ng Malaking Kapulungan sa Langit, si Jesucristo ang dapat maging sentro ng bawat isa sa ating mga council, “hindi ang ating ego o sariling pag-iisip,” sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Para manatiling nakatuon sa Tagapagligtas, maaaring itanong ng isang council: “Ano ang nais Niyang gawin natin? Paano natin maisasagawa ang Kanyang layunin?”

Sinabi ni President Camille N. Johnson, Primary General President, na ang mga council ay hindi lamang idinaraos para sa mga layuning pang-administratibo o pagpaplano. “Ito ay paglilingkod sa isang tao, at ang paraan na malalaman natin kung paano gawin iyan sa pandaigdigang batayan ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ating Tagapagligtas sa proseso at pagkilala sa Espiritu.”

Anyayahan ang Espiritu sa pamamagitan ng paghahanda

Bago talakayin ang isang paksa, maaaring rebyuhin ng mga miyembro ng council ang background information, payo ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ilagay ito sa konteksto,” sabi niya. Maaaring ito ay konteksto ng kasaysayan o doktrina o mga obserbasyon mula sa personal na karanasan. Ang isang pamilya na nag-uusap-usap tungkol sa mga paraan para mapagbuti pa ang kanilang paggalang sa araw ng Sabbath, halimbawa, ay maaaring magbasa ng mga kaugnay na banal na kasulatan o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Ang mabuting impormasyon ay makapagbibigay ng inspirasyon, sabi ni Elder Uchtdorf. “Kailangan mong mangolekta ng impormasyon, at pagkatapos ay mapupunta kayo sa posisyon na tumanggap ng paghahayag kapag nakikipag-ugnayan kayo sa Espiritu.”

Tiyaking naririnig ang bawat tinig

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang paghahayag ay nakakalat sa iba’t ibang miyembro ng isang council. Kapag may problema tayong isinasaalang-alang, kailangan, inaanyayahan, at pinakikinggan natin ang payo ng lahat.”

Sa pangkalahatan, stake, ward, o family council man, kailangan ang tinig ng bawat miyembro ng council at dapat itong pahalagahan.

Habang sinisikap ng mag-asawa na magkaroon ng tinig ang kanilang mga anak sa kanilang pamilya, halimbawa, maaari nilang matutuhan na “kung minsan ay dumarating ang paghahayag sa pamamagitan ng tinig ng isang walong taong gulang,” sabi ni President Bonnie H. Cordon, Young Women General President.

Hangarin ang mga pananaw ng kababaihan

babaeng nagsasalita sa isang council meeting

“Ang tinig ng kababaihan sa bawat antas, pati na sa tahanan, ay napakahalaga,” sabi ni Pangulong Ballard.

May progreso kapag ang kababaihan at kalalakihan ay nagkakaisa at nagtutulungan, sabi ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President. Sa kababaihan na nagdududa sa kanilang kahalagahan sa isang council, sinabi niya, “Ang inyong tinig bilang isang babae ay mahalaga.”

Inulit ni Elder Cook ang saloobin ni President Bingham: “Kailangan tayong magkapantay sa pamatok.” Binanggit niya ang halimbawa ng mga elders quorum at Relief Society presidency na “magkapantay sa pamatok” sa kanilang mga responsibilidad para sa gawain ng kaligtasan sa ward. Ang paghahangad sa mga pananaw ng kababaihan sa mga council ay patuloy na “lubos na magpapala sa gawain ng kaligtasan,” sabi niya.

Makinig upang matuto

Habang inaanyayahan ang bawat tinig na mag-ambag, ang mga miyembro ng council ay dapat “makinig para matuto” sa halip na maghintay lamang na makapagsalita, sabi ni President Bingham. Ang kapangyarihan ng pagpapayo ay dumarating sa pagkatuto na “maaari kayong makinig sa sinuman sa council na iyon at may matutuhan.”

Sinabi ni President Cordon na sa pagsasantabi ng sariling mga ideya at aktibong pakikinig para matuto—mula sa iba at mula sa Panginoon—“pinalalakas ng Espiritu ang ating mga ideya at pang-unawa.”

Sa Kapulungan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, halimbawa, walang sinumang nagtatangkang ipilit ang isang pananaw, sabi ni Elder Bednar. Nagagawa ang mga desisyon nang may “kababaang-loob at kaamuan at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.”

Hangarin ang pagkakasundo, hindi ang kompromiso

Napansin ni President Bingham na sa mga sekular na tagpo, ang mga talakayan ng grupo ay kadalasang humahantong sa kompromiso—isang kasunduan ang nararating kapag ang bawat panig ay gumagawa ng mga pagbibigay o nagpapaubaya.

“Hindi ganyan kumikilos ang isang council sa Simbahan. Sinisikap nating magkasundo,” sabi niya. Tapat at hayagang nagbabahagi ng mga ideya, “patuloy tayong nagtutulungan, hinahanap ang pinakamainam na solusyon na natutukoy sa pamamagitan ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu.” Kapag hinahangad ng mga miyembro ng isang council na magkaisa sa isang desisyon, inaanyayahan nito ang kapangyarihan ng Panginoon na pagtibayin ang desisyon at tumulong na mangyari ito (tingnan sa Mateo 18:19; Doktrina at mga Tipan 42:3; 107:27). Kapag nakagawa na ng desisyon, lahat ay may responsibilidad na sumulong at aktibong suportahan ang desisyon sa labas ng council.

Kung minsan ay mabilis na nararating ang pagkakasundo, at kung minsan ay maaaring mas matagal ito, babala ni President Johnson. “Maging matiyaga sa proseso ng paghahayag.”

Isang Mas Mabuting Resulta

Sinabi ni Pangulong Ballard na ang mga natututong magpayuhan nang epektibo sa kanilang mga stake, ward, at pamilya—na sinusunod ang banal na huwarang ipinakita sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo—ay “palaging magtatapos sa mas magandang resulta, laging magtatapos sa mas magandang sagot, laging magtatapos sa mas mabuting diwa.”