Digital Lamang: Mga Young Adult
Pag-unawa sa mga Pagpapalang Nagmumula sa Pagtanggap ng Pagiging Disente
Nang matanto ko ang aking identidad at kahalagahan bilang anak ng Diyos, ang pagiging disente ay nakaugalian ko na.
Ilang buwan matapos kong matanggap ang aking endowment, nagmamaneho ako ng isang napakainit na kotse kasama ang isang kaibigan nang sinabi niya na ang salawal na suot ko ay napakahaba.
“Hindi ka ba naiinitan?” tanong niya.
“Oo naman,” masaya kong sagot.
Kapwa kami tumawa.
“Pero sa pagkakakilala ko sa iyo, hindi ka magsusuot ng mas maikling salawal kahit hindi ka nakasuot ng mga garment ngayon. Noon pa man ay napakadisente mo nang manamit,“ nanunukso niyang sabi.
Pinag-isipan ko ang sinabi niya.
“Tama ka,” sabi ko, na natatawa.
Ngunit sa totoo lang, napansin ko na ang kanyang pahayag ay medyo nakakabahala. Ano ang ibig niyang sabihin sa “napakadisente”? Sobra na ba ang pagiging disente ko? Sa palagay ba niya ay kakatwa ako?
At sa likod ng tanong na iyon ay may mas marami pang tanong na matagal ko nang pinag-iisipan ngunit natatakot akong itanong: Bakit nga ba napakadeterminado kong manamit nang disente noon? Talaga bang tinulungan ako nito na maging mas mabuting disipulo ni Cristo? Mahalaga pa ba ito?
Paghahanap ng mga Pagpapala ng Pagiging Disente
Ang ilan sa atin ay maaaring may mga tanong tungkol sa pagiging disente, lalo na kung ano ang kinalaman nito sa ating pagkadisipulo. Ngunit kapag humingi tayo ng patnubay sa pamamagitan ng Espiritu, magagawa nating maunawaan ang dahilan sa likod ng kautusang ito.
Kapag may mga tanong ako tungkol sa pagiging disente at pakiramdam ko ay pinipilit ako ng mundo na ibaba ang aking mga pamantayan, idinudulog ko ang aking mga tanong sa Ama sa Langit. Unti-unti, naalala ko ang maraming pagkakataon kung saan ang pagpiling maging disente—kapwa sa hitsura at pag-uugali—ay lubos na nagpala sa buhay ko.
Narito ang ilan sa mga pagpapalang naranasan ko mula sa pagtanggap sa alituntunin ng pagiging disente.
1. Ang Pagiging Disente ay Maaaring Magpalakas ng Tiwala sa Sarili
Ang ating katawan ay mga sagradong sisidlan para sa ating espirituwal na sarili at nagsisilbing nahahawakang paalala kung gaano tayo lubos na minamahal ng ating Ama sa Langit. Tunay na pribilehiyo ang magkaroon ng katawan, dahil tinutulutan tayo nitong maging katulad Niya. Kapag isinasaalang-alang natin ang mahimala at mahirap na maunawaan na katotohanang iyon, bakit tayo hindi magkakaroon ng kumpiyansa sa kung sino tayo?
Kung titingnan mo sandali ang paligid, mapapansin mo na, dahil sa kaaway, ginagamit ng mundo ang mga katawan sa paraang naiiba sa nilayon ng Ama sa Langit. Ang mga ito ay pinupuna at inihahambing, at kadalasan ay pinupuri ang kahalayan. Nais ng mundo na kumbinsihin tayo na ang pagkilos at pagbibihis sa isang partikular na paraan ay tutulong sa atin na makibagay at makadama ng higit na katiyakan sa sarili kaysa rati. Ngunit ang tiwala sa sarili na nagmumula rito ay panandalian lamang.
Ang nagtatagal na kumpiyansa sa sarili ay nagmumula sa pag-unawa sa ating mga banal na pagkakakilanlan—natatanto na ang ating katawan ay mga sagradong kasangkapan para maranasan natin ang buhay, hindi ang mga gayak para mapalamutian ng mundo.1
Sa Doktrina at mga Tipan 121:45, itinuro ng Panginoon, “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos.”
At totoo iyon! Kapag tayo ay may disente at marangal na kaisipan, nasasalamin ang mga ito sa ating pag-uugali, pananalita, at kaanyuan, at makararanas tayo ng tunay na katiyakan sa sarili.
Kung minsan, ang mga temporal na hangarin ko ay taliwas sa pagiging disente, tulad ng pagnanais na magsuot ng ilang damit na kaakit-akit o pag-aasam kong makibagay sa pamamagitan ng pagkilos sa isang partikular na paraan. Ngunit nang tunay na naunawaan ko ang aking banal na pagkatao, ninais kong katawanin ang katotohanang iyon, at ang pagiging disente at mahinhin sa pananamit ay naging karaniwan na sa akin. At lumago rin ang tiwala ko sa sarili—kung sabagay, ang tunay na kumpiyansa sa sarili ay halos walang kinalaman sa ating hitsura at higit na may kinalaman sa pamumuhay sa paraang sumasalamin ng ating banal na pagkatao.
2. Ang Pagiging Disente ay Makapagpapalalim ng Ating Kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo
Kapag itinuring bilang mga patakaran, ang mga kautusan ng ebanghelyo ay tila nakakasakal. Ngunit kapag nagtuon tayo sa walang-hanggang pananaw at pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin, mapapalakas natin ang ating patotoo sa katotohanan na ang Kanyang mga kautusan ay naglalayong protektahan at pagpalain tayo. Nagmumula ang mga ito sa Kanyang perpektong pagmamahal.2
Sa pagninilay kung paano napagpala ng pagiging disente ang buhay ko, naisip ko minsan ang itinanong ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Labindalawang Apostol, ukol sa ating pagmamahal ng Diyos laban sa ating pagmamahal sa mga bagay sa mundo. Sinabi niya, “Paano natin sasagutin ang tanong na ‘Minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?’”3
Natanto ko na ang mundo ay maaaring mapuspos ng mga tukso, ngunit kapag iniisip ko kung ano ang ginawa ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para sa akin dahil sa Kanilang pagmamahal, ang pagpiling maging disente ay isang bagay na magagawa ko upang maipakita ang pagmamahal ko sa Kanila bilang kapalit. Ang pagiging disente ay sumasalamin sa katapatan ko sa Kanila, at habang patuloy kong ipinapakita ang aking katapatan, nadarama ko na pinalalalim ko ang aking kaugnayan sa Kanila, na isa na mismong pagpapala.
3. Ang Kahinhinan ay Makapag-aanyaya ng Kagalakan
Itrinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tunay ngang hindi pabigat ang Kanyang mga kautusan—kundi kabaligtaran ito. Minamarkahan ng mga ito ang landas ng paghilom, kaligayahan, kapayapaan, at kagalakan. … At sa pagsunod sa Kanilang mga kautusan, mas lubos at malalim nating nadarama ang Kanilang sakdal na pag-ibig.”4
Tulad ito ng nababasa natin sa 1 Nephi na ang pag-ibig ng Diyos ay “labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:23; tingnan din sa talata 22). Kapag pinipili nating sundin ang mga kautusan, kabilang na ang pagiging disente, nadarama natin ang Kanyang pagmamahal at nakikibahagi tayo sa mga bunga ng ebanghelyo ni Jesucristo, na siyang pinagmumulan ng tunay na kagalakan.
Ang pananamit o pagkilos na katulad ng karamihan sa mundo ay maaaring magpadama sa akin ng panandaliang kaligayahan, at minsan ay nadama ko na ang tuksong iyon. Ngunit lubos akong nagagalak kapag sinisikap kong sundin ang mga kautusan at ang aking mga tipan, dahil ang paggawa nito ay nagtutulot sa akin na madama ang perpektong pagmamahal ng Ama sa Langit.
Pagpapahalaga sa Ating Tunay na Pagkakakilanlan
Sa pag-uusap na iyon kasama ang kaibigan ko, inakala ko na bahagya akong naging napakaselang tao. Ngunit makalipas ang ilang taon, naging asawa ko ang kaibigang ito, at ipinaliwanag niya na palagi niyang pinahahalagahan kung paano nasasalamin ang aking katapatan kay Cristo sa aking hitsura, pananalita, at mga kilos.
Ang pagpili ng kahinhinan ay hindi palaging magiging madali, dahil “ang mga impluwensiya ng mundo ay [nakakahikayat] at napakarami.”5 Ngunit alam ko na ang mga pagpapala at kagalakang natatanggap ko kapag isinasabuhay ko ang pagiging mahinhin ay mas mahalaga kaysa anumang maibibigay sa akin ng mundo.
Kung may mga tanong kayo tungkol sa kahinhinan, inaanyayahan ko kayong maghangad ng personal na paghahayag at isipin kung paano nito napagpala ang inyong buhay. At tandaan, huwag nating hatulan ang pagkamarapat ng iba ayon sa kanilang mga pagpili tungkol sa pagiging disente. Kapag pinipili nating tanggapin ang pagiging disente, mag-alok tayo ng habag sa iba—ang parehong pagkahabag na ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas.
Ang pagiging mahinhin ay isa sa pinakamagagandang paraan na matututuhan nating pahalagahan ang ating tunay na pagkatao, mas mapapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at makadarama tayo ng kagalakan sa ating buhay. Naging gayon para sa akin, at alam ko na maaari din itong mangyari para sa iyo.